Monday, July 29, 2013

MGA AYOKONG UGALI

Hindi tayo nagkakapareho ng mga gusto at disgusto sa buhay, malaki man o maliit na bagay lamang.  Maaring para sa iba ay kalabisan ang aking nararamdaman ngunit sa aking palagay, sa pangkalahatang-pagpapalagay ay hindi ako nalalayo sa karamihan.  Ang ilan sa mga sumusunod ay ang mga maliliit at simpleng bagay lamang na hindi ko ugali at ayaw kong maging ugali ng ibang tao.

Mayabang.  Ito ang pinaka-ayaw kong ugali ng isang tao.  Kadalasan na ito ang puno’t dulo ng iba pang kapintasan ng isang tao tulad ng mataas na pagtingin sa sarilli, pagbubuhat ng sariling bangko, nagpapapansin, labis na tiwala sa sarili, katabilan at pamomolitika.  Palasak ng kalakaran sa mga social media ang paglalagay ng kung ano-anong litrato, aktibidades at mga kaalamanna kung susumahin ay ang lahat ng ito ay pagpapakita lamang ng ating kagandahan, kakayahan, kaginhawahan at kalamangan.

Salaula.  Pinagsama na rito ang ugaling magulo at marumi sa gamit.  Ang bahay at mga gamit, kahit simple at luma ngunit kapag malinis at maayos ay magandang tingnan.  Ang ugali sa loob ng bahay ay madadala hanggang sa labas na makikita kung paano kumilos ang isang tao.  Mula sa magulong lamesa sa trabaho, makalat na pag-kain sa mga restaurant, at sa mga lakarang nanunuluyan sa isang bahay ay lumalabas ang natural ang kasalaulaan ng isang tao.

Palasagot.  May mga tao na ang bilis maghayag ng reaksiyong nagdidiin sa kanyang paniniwala kapag may narinig o nakita, sumasalungat man o umaayon.  Pansinin sa mga balitang sosyal, politika, artista, isports, at inpormasyon – Marami sa atin ang agad magsasabi ng kung ano ang dapat at hindi dapat gawin.  Sila yung mga hindi magpapatalo, magagaling, at akala mo ay ganun kadali ang mga bagay na sinasabi niya pero kapag sila na ang pinagawa mo ay hindi kaya o ayaw gawin.

Walang isang salita. Ang pabago-bago ang isip at salita ay isa sa pinaka-ayaw ko.  Nagpapakita ito ng walang pagpapahalaga sanapagkasunduan at hindi pagtupad sa pangako.  Mas mabuti pa’ng huwag magbitiw ng salita kung hindi kayang panindigan ang sinabi.  Para sa akin, maliban na lamang kung malaki ang negatibong apekto sa kalusugan, kaligtasan, kayamanan at pangalan kung ipipilit ko ang nasabi na ay saka lamang ako nagdedesisyon na isakripisyo ang pagpapahalaga ko sa aking sinabi.

Pala-asa. May mga taong hindi makapagdesisyon, makapagtrabaho o makagalaw nang mag-isa.  Sila iyung bago makagawa ng isang bagay ay kailangang isangguni muna sa ibang tao.  Kapag mayroong ginagawa ay hindi maaaring hindi magpatulong sa kapwa.  Hindi sila makatayo sa sarili o makapag-isa.  O di naman kaya ay iaasa sa iba ang pagkaroon ng bunga para sa kanya.

Mapamahiin.  Kadalasan, ang pamahiin ay hindi makatotohanan, hindi praktikal, at imposible.  Ayokong sumunod sa mga pamahiin dahil maliban sa kinamulatang kaugalian na aspeto nito ay wala na itong ibang kahalagahan at makatotohanang pagpapaliwanag.  Kadalasang sinasabi ng mga mapamahiin ay wala naman daw mawawala kung susundin ngunit para sa akin ay nakakabawas ito ng pananampalataya.  Kung hindi lang magdudulot ng malaking perwisyo sa pamilya ay hindi ko ugali ang sumusunod sa pamahiin.

Loyalista.  May mga tao na kapag gusto nya ang isang tao o bagay ay halata mo ang kayang magagandang bagay na pumapabor dito.  Anumang kapangitan ang nasa kanya ay binibigyan naman niya ng hustisya upang mapaganda ito.  Ang hindi niya gusto, hindi na kaylan man niya pag-iintresang pagandahin upang magustuhan niya at wala na siyang makikitang kabutihan ditto.  Mapabuti, mapaayos at magtagumpay man ang tao o bagay na hindi niya gusto ay hindi pa rin sapat ang kagandagang nangyari dito.

Ilang maliliit na mga bagay lamang ang mga ito na sa palagay ko ay hindi naman kalabisan sa aking panig.  Hindi ito malaking usapin dahil nagagawa ko pa rin pakisamahan sa aking pang-araw-araw na buhay ang mga taong may ganitongugali ngunit hindi ko pa rin ito tanggap bilang mga tamang ugali.


MGA AYOKONG UGALI

Ni Alex V. Villamayor

July 29, 2013

No comments: