Saturday, June 29, 2013

MGA AYOKONG KILOS

Hindi tayo nagkakapareho ng mga gusto at disgusto sa buhay, malaki man o maliit na bagay lamang.  Maaring para sa iba ay kalabisan ang aking nararamdaman ngunit sa aking palagay, sa pangkalahatang-pagpapalagay ay hindi ako nalalayo sa karamihan.  Ang ilan sa mga sumusunod ay ang mga maliliit at simpleng bagay lamang na hindi ko ginagawa at ayaw kong ginagawa ng ibang tao.


Minumumog ang iniinom.  May mga tao na kapag uminom pagkatapos kumain ay minumumog ang tubig bago lululunin.  Hindi ko alam kung bakit sila ganuon ngunit narurumihan ako sa ganung gawi kahit na sabihing galling din naman sa sarili ang naiinom ng tao.  Dahil parang ininiinom mo lahat ang pinaghalo-halong sariling laway at mga tira-tirang pagkain.



Maingay ngumuya.  Ito ang ayokong-ayokong maririnig sa isang taong kumakain.  Ang totoo ay nakakairitang makarinig ng tunog ng nginunguyang pagkain na saktong-sakto sa tunog ng kumakain na baboy.  Nakakawalan ng gana dahil nakakapandiri ang maisip mong naghahalo ang laway at ang mga nadudrog na pagkain sa loob ng bibig ng taong kumakain.



Dumudura or sumisinga ng walang pangimi.  Iyung kapag naglalakad at kapag naisipang kailangan niyang gawin ang mga ito ay basta na lamang gagawin.  Ang mga ito ay personal na dumi ng isang tao na hindi dapat makita ng ibang tao.  Kung talagang hindi maiiwasan, anu ba yung gawan man lamang sana ng paraan na huwag ipakita sa sinoman ang kanyang ginagawa.



Nagmumura.  Sa paminsan-minsan na pagkakataon tulad ng biglang bugso ng masidhing damdamin ay natatanggap ko ang makarinig ng pagmumura.  Ngunit kung ang pagsasalita nito ay kinaugalian na lamang ay nakakadismayado sa akin.  May mga tao na bukang-bibig na lamang ang pagmumura.  Sa kanyang pagsagot, mga kwento ay hindi nawawala ang pagmumura na lubhang nakakababa ng kanyang pagkatao. 



Maingay kumilos. Iyung maingay sa lahat ng bagay tulad sa pagsasalita, paglalakad, magtrabaho at pakikinig ng musika at panonood ng pelikula.  Kahit sa pagbukas-sara ng pinto, paglilinis ng mga gamit ay hindi maaaring may mga tunog ng kumakalabog na gamit sa pagkilos.  Bawat tao



Nagtatapon ng basura kung saan-saan.  Katamaran at kasalaulaan ang nakikita kong dahilan na ugali ng isang tao na nagtatapon ng kanyang kalat kung saan-saan, maliit, kaunti, o malinis man na bagay.  Kapag pinagsama-sama mo ang mga taong ganito, yung maliliit na bagay na itinapon nila ang nagpaparumi sa kapaligiran, magtatataka ka pa ba kung bakit nagbabaha at matindi ang polusiyon?  Ang totoo ay kakaunti lang kasi ang may malasakit sa kapaligiran kumpara sa mga taong nagtatapon ng kalat kung saan-saan.



Nag-aaksaya ng tubig at kuryente.  Mula sa hinahayaang nakabukas ang gripo habang may ginagawa at natatapon lahat ang tubig, hanggang sa iniiwang bukas na gripo upang malamang nagkaroon na ng tubig kapag nawawalan, nakakaramdam ako ng pagkadismaya sa mga pagkakataong ganito.  Ganuon din sa pagiiwan ng mga de kuryenteng kasangkapan kahit walang gumagamit, na parang walang responsibilidad at hindi iniintindi ang mga bagay na pag-aaksaya ng pera, gamit at oras.



Ilang maliliit na mga bagay lamang ang mga ito na sa palagay ko ay hindi naman kaartehan sa aking panig.  Hindi ito malaking usapin dahil nagagawa ko pa rin pakisamahan sa aking pang-araw-araw na buhay ang mga taong may ganitong mga kilos ngunit hindi ko pa rin ito tanggap bilang mga tamang kilos.





MGA AYOKONG KILOS

Ni Alex V. Villamayor

April 6, 2013.

No comments: