Saturday, October 26, 2013

NOONG UNANG PANAHON

May bahagi sa buhay ko na gusto kong magpunta sa napakalumang panahon.  May kung anung pang-akit sa akin na balikan ang daigdig sa panahong wala pa ang kabihasnan na lumaganap na sa malaking bahagi ng daigdig kundi nasa isang lugar pa lamang. Nuong panahong hindi pa nararating ang masusukal at bulubunduking lugar na pinamamahayanan ng mga hindi pa nakikilalang kulisap, ibon at mga hayop, malayong-malayo sa hitsura ng daigdig ngayon,  Siguro, habang ang mga tao nuon sa sinasabing unang sibilisasyon sa mundo ay nagpapalipas ng bawat araw, wala silang kamalay-malay na sa napakalayong lugar ay naka-kubli ang hindi pa natutuklasang nagtatayugang mga punong-kahoy sa dalisay na kagubatan, makukulay at ibat-ibang bulaklak at mga luntiang halaman sa kabundukan.  Lahat sila ay kalikasan ang naghasik ng mga punla at inalagaan.  Malamig ang lugar tirik man ang araw, sariwang-sariwa ang hangin, payapa na ang ang naririnig lamang ay ang mga huni ng kulisap, ibon at mga mababangis na hayop.  Nagtataasang talampas at talon, napakalinis ng tubig na dumadaloy sa mga batis papunta sa dagat.  Sinisikatan ng araw sa umaga at sa gabi’y ang buwan at mga bituin ang tanglaw sa napakadilim na lugar.  Ito ang lugar na malayo sa panghihimasok ng mga tao.

Mula sa kinalulugaran ng unang sibilisasyon, ang ibang bahagi ng mundo na wala pang tao ay likas na nagbabago sa pagdaan  ng mga panahon.  Kapag malakas na lumindol at pumutok ang mga bulkan ay nagwawasak o lumilikha ito ng mga bagong lugar.  Ang pormasyon ng lupa ay tumataas na nagpapababa sa tubig at lumulutang ang mga bagong lupain, sa paglipas ng maraming panahon ay pinamumuhayan ng mga halaman at puno hanggang maging panibagong isla, gubat o bundok na nakakubli at matatagpuan ng mga dumadami at lumalaganap na mga sinaunang tao mula sa karatig-lugar, at pinapamahayanan.  Ngayong nararanasan natin ang matitinding delubyo ng mga sakuna tulad ng bagyo, buhawi, pagbaha at lindol, hindi ko lubos-maisip kung paano kaya o kung ano kaya ang ginagawa ng mga tao nuong unang panahon kapag may napakalakas na bagyo?  Maaaring mas malalakas pa sa mga nararanasan natin ang bagyo nuong unang panahon na nagpapabagsak sa malalaking puno.  Ang mga magulang kasama ang kanilang mga anak malamang ay nakatago lamang sa loob ng mga kweba.  Paano kaya kapag hinahampas ng malalaki at malalakas na alon ang mga silungan ng mga tao?  Siguro’y tahimik lamang sila na nakasilong, mahigpit na kumakapit sa puno o sa mga bato.  Kapag lumindol ng napakalakas, maaaring ang mga mag-anak ay natatabunan ng buhay kapag bumagsak ang buong bundok na ang ibaba ay ang kweba na kanilang sinisilungan.  Paano nga kaya nakakaligtas ang mga tao nuon sa mga kalamidad?

Gusto kong makita ang ating mundo nuong panahon na ang lahat ay natural.  Gusto kong simulan sa aking kinalalagyan ngayon, gusto kong makita ang napakalayong lugar mula sa unang sibilisasyon na sa takdang panahon ay tatawaging Angono.  Iniisip ko habang ako ay nakaupo sa aking lamesita na pinagsusulatan ko – ang kinalalagyan ko ay dating bakanteng lugar ng aking mga ninuno na lugar ng itikan.  Ang itikan na ito ay dating kabilang lamang sa mangilan-ngilang bahay sa aming baryo na nagsimula lamang nang marating ng mga Kastila, ginapas ang mga talahib, pinutol ang ilang punong-kahoy upang panirahan ng mga taong galing sa mga kanugnugan na lugar, ngunit nang wala pa ang mga dayuhang ito, ang kinalalagyan ko ngayon ay dati palang gubat na masukal, pinagkukublihan ng mga hayop, pinamumugaran ng mga ibon at kulisap.  Daang libong taon bago muna, ang dating gubat ay mga bundok na walang pangalan na sikatan o hindi ng araw, ulani’t di kaya.  Dating dagat kaya ito na sa pag-galaw ng lupa sa ilalim sa ibang lugar ay nabawasan ang tubig at humantad ang paanan ng bundok na siya naming bayan ngayon – walang palantandaang ganito ang dating lugar na saktong kinauupuan ko ngayon, may mga muwebles at kasangkapan.

Malapit ang puso ko sa kalikasan, katunayan ay gusto kong pagdating ng araw, kapag gusto kong magpahinga mula sa pagpapakahirap sa buhay ay manirahan sa isang lugar na tahimik, simple, malayo sa kabihasnan.  Walang makina, telepono, gusali, mga kasiyahan at kaluhuan.  Walang mga taong sumisira sa kalikasan at walang mga politikong nagsasamantala.  Gusto kong gugulin ang aking mga huling araw na nag-aalaga ng mga halaman, namumuhay ng simple sa isang lugar na malapit sa malinis na dagat, naririnig ang mga huni ng ibon, nararamdaman ang lamig ng sariwang  hangin , natatanaw ang malawak na bukid at makapal na mga puno sa bundok.  Gusto ko sanang maramdaman na mapalapit ako sa kalikasan na simple lang mamumuhay at ang lahat ay natural. Minsan iniisip kong sana’y hindi na lang nagkaroon ng progreso upang simple lang ang buhay tulad nuong unang panahon.




Ni Alex V. Villamayor

October 26, 2013

No comments: