Wednesday, July 08, 2015

PAGPAPASALAMAT AT PAGDIRIWANG

Ano ang dapat ipagdiwang at paano dapat magdiwang at magpasalamat?  Dapat pa bang magdiwang-pagpapasalamat kung ikaw ay kumita, sinuwerte, o muling umabot ng isa pang taon?  Kung ikaw ay tinulungan ng isang tao, kung ang paghihirap mo ay ginantimpalaan, kung ang dasal mo ay natupad, paano ka magpasalamat.  Kung ikaw ay sumapit sa iyong kaarawan, nakatanggap ng komisyon, nanalo sa isang paligsahan, naumentuhan sa trabaho, dumating o magpapaalam – paano ka magpasalamat?  Aanyayahan mo ba ang mga kasama mo para sa isang salu-salong agahan, tanghalian o hapunan?  Bakit sa tuwina ay laging paghahanda ng pagkain ang paraan ng ating pagpapasalamat?  Ang pagsasalo-salo sa isang piging ay pagpapakita na ibinabahagi mo sa iyong kapwa ang kaunti mula sa sa iyong biyayang natanggap bilang pagpapasalamat.  Pagpapakita rin ito ng pagdiriwang na ikaw ay masaya sa nangyari ngunti ito na lang ba ang paraan ng pagpapasalamat at pagbabahagi?  Bukod sa paghahanda ng mga pagkain at inumin na pagsasalo-saluhan, sa papaanong paraan mo maipapakita ang iyong pagpapasalamat at ang pagdiriwang?  Huwag na natin bangiting sa isang taimtim na dasal lamang ay naisasagawa mo na ang pagpapasalamat dahil ito naman ay napaka-pangkaraniwang magandang sagot.  Mayroon pang paraan.  Kung talagang gusto mong ipadama ang iyong pagpapasalamat at magbahagi ng biyayang nakamit mo, mas maganda kung ipadama ang pagpapasamalat sa ibang tao kaysa sa ikaw at mga palagiang kasama mo rin lang naman ang magsasama-sama sa kasiyahan.  Sa halip, bakit hindi ka magbigay sa nangangailangan upang kahit papaano ay mayroonng isang tao ang nabago mo ang buhay  Kung makakapagbigay ka sa kawanggawa ay nakakapagbahagi ka ng tulong sa mas marami na mas higit na karapat-dapat na makadama ng kaligayahan.  Bakit hindi yung ibang tao naman ang bigyan mo ng kasiyahan at hindi yung kayo-kayo rin na araw-araw mong nakakasama sa tuwa at ligaya.   Pare-pareho naman kayo na nakakaranas ng masayang buhay at nakakakain ng sapat at masasarap na pagkain samantalang marami ang hindi mapalad na nasasayaran ng pagkain ang bibig at sikmura.  Sa paghahanda ng salo-salo, parang sariling kasiyahan na nagpapasaya sa iyo at sa mga katulad mong mahilig sa kasiyahan ang iyong ginagawa.  Marami ang naghihirap, sa iyong ibabahagi ay mas marami ang makikinabang na karapat-dapat kaysa sa mga mas nakakariwasa naman sa buhay.

Ano nga ba ang dapat ipagdiwang at paano dapat magdiwang at magpasalamat? Dapat pa bang magdiwang-pagpapasalamat kung ikaw ay kumita, sinuwerte, o muling umabot ng isa pang taon, pagpapasalamat sa biyayang natanggap?  Walang mali at masama sa mga ito dahil bilang isang ordinaryong tao na may damdaming-tao at nabubuhay sa mundo ng makalupa, bilang bahagi ng pakikisasama, pakikipagkapwa-tao ay hindi ito maiaalis ngunit depende sa kung gaano kadalas, kung gaano kalapit sa katotohanan at kung makatarungan.  Ang minsanan na pangyayari sa buhay ay maaaring isaalang-alang at maging katanggap-tanggap na ipagdiwang dala marahil ng iyong labis na kasiyahan sa nangyari sa iyo ngunit kung palagi itong ginagawa o kung ang bawat okasyon ay bibigyan ng pagdiriwang, hindi kaya kaluhuan at nagiging makalupa ka na lamang?   Kung alam mong limitado ang iyong kakayahan na magdiwang, kailangan mong harapin ang katotohanan at isipin kung bakit mo kailangan gawin ito para lamang maipakita mo ang iyong pagpapasalamat?   Mayroong ibang praktikal at simpleng paraan bukod sa paghahanda ng pagkain na kayo-kayo din naman ang nakikinabang at nasisiyahan.  Dapat nating alalahanin na sa araw-araw na buhay natin ay makakatulong tayo sa abot ng ating makakayanan at sa maliit na paraan.  Sa pamamag-itan ng pagtulong sa mga kaibigan nang walang kapalit, pagbibigay hindi lamang sa iyong pamilya kundi pati sa ibang tao lalong-lalo na duon sa mga hindi mo kakilala.  Ang pag-aalay ng iyong kakayahan at ang pamosong pagdarasal, ang mga ito pa lang ay paraan na ng pagbabahagi ng mga biyayang iyong natatanggap.

Ni Alex V. Villamayor
July 8, 2015

No comments: