Sa
edad ko ngayon, minsan nararamdaman ko yung lungkot na saktong nararamdaman ko
nuong bata pa ako, yun bang walang-wala lang ay bigla kang malulungkotnang
walang dahilan at mas gusto mo lamang ay panoorin ang mga naglalarong kapwa mo
bata. Nu’ng ang edad koay nasa8, 9, 10,
11 o 12 pa lamang, sa di malamang dahilan ay bigla na lamang nararamdaman ko
ang lungkot. Kung minsa’y may mga
dahilan ngunit maliliit nga lamang tulad ng kapag katatapos pa lang ng ulan, iba
kasi ang tingin ko sa paligid kapag natapos ang ulan, bagamat gusto ko ang
umuulan dahil nalilinis nito ang kapaligiran.
O di kaya ay yung kagigising ko lamang dahil pinilit akong patulugin sa
tanghali at nang magising ng mag-a alas-tres ay marami na ang naglalarong mga
bata sa kalye. Nanonood na lamang at
naghihintay ng may magyayaya na sumali ako.
O di kaya ay Linggo nuon tapos bigla naisip kona may pasok na
kinabukasan kaya malulungkot ako. Lalo
na kung hindi ka masaya sa eskwelahan, dobleng lungkot ang mararamdaman mo
kapag sumasapit ang Linggo ng hapon. May
taon din na naaway (bully) ako, iyung
sinusulatan na ang likod ko ay hindi pa rin ako nagagalit dahil ayaw ko ng away (naroon na rin ang takot) at para sa
akin ay hindi malaking problema yun. Nuon pa ma’y mapag-isa na ako, dahil
maramdamin na ako kapag tinutukso ng kaklase at ibang bata. Hindi kona sinasabi ang mga ito sa aking mga
magulang dahil ayoko na’ng pagusapan pa ang mga iyun.Gusto kong balikan ang mga
ito, makita ang aking sariliat muling maramdaman kung paano ako nalungkot ng
mga oras na iyun.
Minsan
ang bata, dala ang kalungkutan sa loob ng bahay, iyung kapag alam ng bata na
sila ay salat sa yaman ay ramdam nila na kailangan na ang isang material sa paaralan
ay wala pa siyang madadala. Dumaan ako
sa ganito, yung pinagdadala kami ng lagadera para mayroon kaming kanya-kanyang
pandilig sa mga tanim pero napapalo ako ng guro namin dahil hindi ako ibinibili
ng lagadera – syempre mas uunahin muna ang ibang gastusin na nauunawaan ko
naman. Hindi naman kami nakakariwasa sa
buhay, kami yung masaya na kung mayroong bagong sapatos kapag pasukan,
maipaghanda kapag birthday o yung nasusunod ang gusto kapag mayroong gustong
laruan sa tindahan. Nakaranas din ako ng
pudpod na tsinelas at yung salawal na manipis na ang puwitan dahil sa sobrang
gamit, naghahangad din kapag nakakita ng kapwa ko bata na may tsokolate na
bigay ng tatay nilang umuwi galing sa ibang bansa. Kahit sa ngayon ay nakikita ko pa rin ang
sarili ko sa bakod ng aming kapit-bahay na nakasandal lang duon habang
pinapanood ang mga nagdaraang mga tao.
Hindi ko na nga lang matandaan ang kulay ng aking suot na damit pero
natatandaan ko pa ang pakiramdam ng isang batang nag-iisa. May hatid lungkot din yung nakikita mo ang
ibang ka-edad mong mga bata na mayroon silang sariling grupo (magpipinsan) na
pakiramdam mo ay hindi ka bagay na makipaglaro sa kanila.
Pero
kahit namay lungkot ang mga taon na iyun ay gusto ko pa rin silang
balikan. Ang masakit at mas
nakalulungkot nga lamang kapag naaalaala ko ang mga ito ay hindi na maaaring
balikan ang mga nangyari.Minsan lang nating pagdaraanan ang mga iyon, isang
beses lang tayong magiging bata, kada taon ay nagbabago ang ating anyo hanggang
kung ano ang ating histura ngayon. Kung
may paraan lang sana na makabalik sa nakaraan upang makita ulit ang mga
eksaktong bagay na nakikita mo nuong bata ka pa. Kapag dinadalaw ako ng nostalgia,
nararamdaman ko pa rin yung kagustuhan na muling makita ang eksaktong lugar
kung ano ang eksaktong hitsura nila nuon.
Yung dating pader na bakod na may mga tumutubong halaman at lumot, mga
daanan na lupa lamang, mga pasikot-sikot sa looban ng may-bahay papunta sa
ilog, mga lubak sa daan na kapag umulan ay may naipon na tubig na siyang
pinaglulubluban ng mga bibe, pagpapaanod ng bangkang papel sa tubig sa
kanal. Ang mga ala-ala ng aking
kabataan, ang ilan ay wala na at mga nagbago na, isipin ko pa lang ay
nalulungkot na ako. Ilan lamang ang mga
ito sa mga nakaraan na gustong-gusto kong makita muli kahit sandali lamang,
kahit yung dalhin lang ako at pagkakakita ay aalis na agad ako. Ganun ko sila ka-gustong makita na lalong tumitindi
kapag nagbabalik-tanaw ako dahil hindi na sila ulit mangyayari at hindi na
maibabalik kahit kailan.
Ni Alex V. Villamayor
July 5, 2015
No comments:
Post a Comment