Taon-taon
tuwing sasapit ang panahon ng pagtatapos ng taon ay kabi-kabila ang mga maaari
nating gawin upang magsaya: mga pasyalan, pamilihan, muling pagkikita-kita, pagdiriwang,
at mga kainan. Nakakalungkot isipin at aminin natin na ito ay
dala ng ating pagiging tao sa daigdig na ating ginagalawan. Kaya marami sa atin ay gustong-gusto ang mga kabi-kabilang kainan, tugtugan, at salu-salo. Pagkain dito, pagkain duon, ito ang karaniwang
pagkakapare-pareho ng mga ibat-ibang gawain sa panahon na ito. Makukulay, katakam-takam at masasarap na
pagkain at yamang alam na alam naman natin na karamihan sa mga pagkain na ito
ay masama sa katawan, bakit mo pa ipapahamak ang sarili mo lalong-lao na kung
ikaw ay mayroon ng iniingatan sa iyong kalusugan? Aminin man natin o hindi na marami lang sa
atin ang hindi marunong magtimpi sa sarili pagdating sa pagkain. Marami ang walang-kontrol kapag natakam na
sila sa alam nilang masarap na kakainin.
Sa panahong
magtatapos ang taon, asahan na natin ang ibat-ibang kainan na maaari nating
puntahan. Sa mga Kristiyano ay maaaring
magkaroon ng Christmas party ang mga magkakasama sa bahay,sa mga kasama mong grupo sa trabaho o sa dibisyon
ng inyong trabaho, mga kaibigan mo sa labas ng iyong trabaho at pamilya, kung
mayroon ka pang mga kinaibibilangang mga samahan, at kung anu-ano pang
grupo. Bukod dito ay maaaari pa ring magkaroon
ng pagdiriwang bilang pagpapasalamat sa nagdaang isang taon, o pagdiriwang
bilang pagtatapos ng taon. Meron pa ring
selebrasyon bilang muling pagkikita-kita o pagsasama-sama ng iyong mga
kaibigan, kakilala at mga dating kaiskwela. Bukod pa dito iyung mga may kaarawan at anibersaryo. At lahat ng ito ay kadalasan sa pagkain umiikot ang pagdiriwang. Ilang Disyembre na ba ang ating pinagdaanan? Malamang ay alam na natin na sa panahong ito
ay marami talaga ang mag-iimbita sa atin na magpunta sa kainan. Bilang bahagi ng ating pakikipagkapwa-tao,
makisama tayo sa mga ganuong imbitasyon.
Ngunit piliin natin kung ano nga ba ang mga dapat nating puntahan, ang
dapat na ipagpasensiya, at kung ano ang mga dapat bale-walain. Dahil ang totoo ay hindi lahat ng mga ito ay
kailangan natin. Kung ang lahat ng ito
ay halos iyong pupuntahan, hindi kaya lumalabas na lang ang pagiging mahilig mo
sa pagkain? Di kaya nagiging maluho at
makamundo ka na lamang?
Walang
duda na masarap ang kumain lalong-lalo na kung ang nakahain ay iyung mga
nilutong karne ng manok, baka o baboy na nakukulayan ng matitingkad na sarsa na
nasasahugan ng iba pang pampalasa at nakahain sa magandang pagkakaayos. Sabihin man nating walang masama kung
magpakabundat ka sa mga ito dahil ikaw naman ang magbabayad ng iyong kakainin, o
di kaya’y susundin mo lang kung ano ang iyong gusto, pero ang hindi maganda dito
ay ang maaaring idulot ng mga pagkaing ito sa iyong katawan. Ang makakain ka ng mga ito kada tuwing
katapusan ng linggo (weekend), na mas dadalas pa kapag ganitong panahon ay
hindi na praktikal at hindi na tama sa kalusugan. Magbanggit ka ng mga pagkain sa ganitong
panahon at masasabi nating ang mga ito ay hindi masustansiyang pagkain. Pare-pareho lang na mga mamantika o di kaya
ay tinimplahan ng mga asrtipisyal na pampalasa.
At pagkatapos ng lahat ng ito, pansinin mo na ang marami sa mga taong
nagpakalunod sa kasiyahan at kasarapan ng mga pagkaing ito ay dumadaing sa
karamdaman ng kanilang katawan.
Kasabihan
na’ng kapag iyung mga sinasabing masustansiyang pagkain (healthy foods) ay
hindi masarap, kulang sa lasa at nakakainip tingnan. Alam ko ito dahil mula nang iwasan ko ang
pagluluto ng mga hindi masustansyang pagkain ay nakita ko ang pag-kakaiba
ngunit nakasanayan ko rin. Siguro, kung ang isang tao na ang panlasa ay
sanay sa mga binibiling pagkain sa mga kilalang commercialized na fast food
store at restawrant ay titikman ang ginawa kong pagkain ay malamang na hindi talaga niya ito magugustuhan. Kung sasanayin
lang natin ang ating sarili mula sa mga simpleng kasiyahan at simpleng pamumuhay
hanggang sa simpleng pagkain, makakayanan natin ang magkaroon at magmintini ng
malusog na pangangatawan.
Ni Alex V.
Villamayor
December 11, 2015
No comments:
Post a Comment