Sunday, December 20, 2015

IKAW BA AY MABAIT O SALBAHE?

Ang maging isang mabuting tao ang layunin ng bawat isa sa atin sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay.  Katuwang ng bawat isa sa pagiging isang mabuting tao ang ating mga magulang.  Simula sa pagkabata ay hinuhubog na nila tayo upang maging isang mabuting bata.  Madalas natin marinig nuon at marahil ay nagsasawa na tayong marinig na sinasabi ng ating mga magulang sa atin na magpakabait tayo.  Hanggang sa tayo ay lumaki, nagkamalay at tumanda na, masasabi ba natin na sinunod natin ang turo, payo at aral ng ating mga magulang?  Naging isang mabait na tao ba tayo?  Narito ang tatlong pangunahing turo sa atin ng ating mga magulang na maaari mong pag-isipan kung natutunan natin upang masabi natin kung tayo ba ay mabuti o masama.

1. Sinungaling o manloloko ka ba?

Oo


Hindi

Ang turo sa atin – maging tapat.  Huwag magsisinungalin at manloloko.  Kasabihang ang bata ay hindi nagsisinungalin – ganuon tayo nung bata pa tayo, pero dala-dala mo pa rin kaya ang ugaling ito hanggang ngayon?  Masama man ang magsinungalin ngunit kung minsan ay pakiramdam natin na kailangan nating gawin upang hindi masaktan ang kalooban ng isang tao o yung para sa ikaliligtas sa kapahamakan ng iyong kapwa.  Depende sa kung ano ang iyong intensiyon kaya ka nagsinungalin.

Ngunit iba na kapag panloloko na ang iyong ginagawa.  Nanloloko ka ba ng kapwa, ng isang samahan, o ng isang kumpaniya upang makuha mo ang iyong gusto?  Kung hindi ka rin lamang nagbibigro, masama ang manloko.

2. Nagnanakaw ka ba?


Oo


Hindi

Anuman ang hindi mo pag-aari, hindi mo dapat kunin.  Anumang bagay na kinuha, binawas at ginamit mo nang walang paalam mula sa isang tao o kumpanya, ikaw ay nagnakaw.  Maliit man o malaki, ang pag-uuwi mo ng gamit sa iyong pinagtratrabahuhan, ang paggamit mo ng ari-arian ng iyong kumpaniya para sa pansariling kapakanan, kahit ang pagkabig mo ng kabayarang hindi mo pinagtrabahuhan at iyung gamitin mo ang iyong posisyon sa trabaho upang makuha mo ang bagay na gusto mo ay pagnanakaw.

May mga maliliit na bagay na kapag ang umiral sa atin ay ang pagiging praktikal sa buhay ay nagagawa nating kunin dahil ang alam natin ay wala naman iyong halaga mula sa kinuhanan natin.  Sana ay maiwasan natin iyon hanggang tuluyang hindi na natin gawin.

3. Mayabang o mapagmataas ka ba? 

Oo


Hindi

Itinuro sa atin na maging mapagkumbaba at huwag mang-aapi.  Kung ikaw ay inaway ng iyong kapwa, hayaan mo na lamang.  Ngunit ngayon, ikaw ba ay kasama duon sa mga hindi magpapatalo at matalas magsalita?  Ikaw ba’y dominante na gusto mo ay sundin ka ng ibang tao?  Mataas ba ang tingin mo sa sarili na ikaw ay magaling at laging tama?

Kapag ang isang tao ay mataas ang tingin sa sarili, kadalasa’y ang gusto niya ay siya ang masusunod.  Isipin mo kung ilan na ang naka-alitan o ang nakasamaan mo ng loob dahil sumasalungat sila sa iyo.  Kung mayroon at marami-rami, ikaw ay may pagkamapagmatas dahil wala naman aaway sa iyo kung ikaw ay madaling kausapin at pakisamahan.  Nagiging mapangusga, mapagbintang at mapag-pintas ang taong mapagmataas dahil ang gusto niya ay iangat ang kanyang sarili sa lahat na siyang dahilan kung bakit nagkakaroon siya ng mga kasamaan ng loob – kaibigan, kasamahan, kapit-bahay o kamag-anak pa man.
 

Mahirap na puro “hindi” ang maging sagot sa tatlong katanungan na ito.  Kung kahit isa sa tatlong ito ay “oo” ang iyong kasagutan, sa kabuuan ay hindi ka pa rin ganap na mabait.  Dahil pagdating ng araw na tayo ay huhusgahan na, dalawa lang naman daw ang magiging kahatulan sa atin: mabuti o masama.

Ni Alex V.Villamayor
December 20, 2015

No comments: