Wednesday, December 09, 2015

EH KASI TAO

Sa mundo natin ngayon na mulat sa mga gawaing makamundo ay marami ang nagpapalagay at nagsasabi na ang lahat ay pare-pareho lamang na gumagawa ng mga mali, kasalanan at masama.  Bihira na kasi ang mabait sa panahon ngayon dahil imposible naman kasi ang maging banal o ang maging mabait man lang sa gitna ng isang mundo na makasalanan.  At sa araw ng paghuhusga ay dalawa lang ang magiging hatol sa atin: mabuti o masama lang.  Ngunit mahirap ang maging totoong mabait dahil sa pakikipagsapalaran at pakikipaglaban natin sa buhay na ang labanan ay matira ang matibay, kinakailangan natin ang gumawa ng mga paraan upang iligtas ang ating sarili para mabuhay dahil kung hindi ay dadaan-daanan, maiiwanan, aapihin, lalamunin at mabibigo lamang tayo.

Maging matapang, huwag magpapatalo, umalma kapag hindi mo gusto, hadlangan ang mga posibleng makakatalo sa iyo, gumawa ng mga diskarte, sunggaban ang mga pagkakataon.  Ito ang mga nagiging ugali ng mga tao upang hindi madehado sa laban.  Sa labis na kagustuhang tanghaling panalo o yung malampasan ang mga pagsubok sa buhay, marami na ang sanay sa pamomolitika, panggagamit, panggugulang, pang-uumit, panghuhusga, pamimintas, pagsisinungalin, pagiging hindi patas, at ang kagustuhang sila lagi ang masusunod.  Maraming tao ang nananamantala sa isang tao, kumpanya, at bagay kapag alam nila na mapapakinabangan.  Marami ang sobrang tapang na sinomang kalaban ay ginagantihan nang patago o naghahangad ng kapangitan ng kapalaran, o marumi kung makipaglaban.  Sa katapangan ay nagiging mapagmataas at mapaghusga na.  Mga matatalino na mabilis makakita ng mga mali at kapintasan at mabilis magsalita kung ano ang dapat gawin.  Iyung mablis magsalita nang kung ano ang dapat gawin kapag may nakitang mali sa isang pangyayari, isyu, o pinapanood na eksena na kapag sinubukan naman na sila ang isalang sa kaparehong kalagayan ay hindi nila magawang gawin ang sinasabi nilang dapat gawin.  Ang tao ay sobrang mautak – bawat isa ay gustong binabara ang kapwa upang siya ang mas maging dominante, mapaghanap ng kapintasan at mali, mapagduda sa kapwa.  Ang mga ito ay ang pagiging tuso na naging ugali at buhay na ng maraming tao upang matawag ang tao na makamundo dahil ito ang kalakaran sa ating mundo.  Nakakaasiwang isipin pero ito ang tao.  At hindi naman sa pag-aangat ng sarili ngunit masasabi kong hindi ganuon ang aking buhay.

Hindi sa pinupuri ko ang aking sarili ngunit marami ang kabaligtaran sa mga ito ng aking ugali.  Ayaw na ayaw ko ng pamumulitika, pag-gamit ng padrino, palakasan, paggawa ng mga illegal at tiwali – gusto ko ang laging sunod sa patakaran at pantay-pantay.  Hindi ako mapagtanim ng galit, sinisita ang gumagawa sa akin ng hindi ko gusto, nanloloko ng kapwa para sa aking kagustuhan, kumabig ng pera nang hindi patas, mapagdiskrimina.  Wala akong malisya o sasabihin ko na lang na hindi marumi ang aking isip.  Iyun bang hindi ko pinag-iisipan ng masama ang tao na pagdududahan o pagbintangan ang kanilang ikinikilos na may ginagawang masama sa akin o sa ibang tao dahilan upang huwag magtiwala agad.  Hindi ako nag-iisip agad na mayroong mga itinatagong interes ang isang tao kapag mayroon man siyang ginawa.  Hindi ako mapagsalita ng masakit, mapagpintas, mapag-ganti para sa aking pansariling kapakinabangan sa halip ay nagpaparaya at nagtitiis na lang ako.  Maaaring sabihing imposible ang mga ito ngunit totoo.  At kapag nagmamasid ako sa aking paligid at nakikita ko ang ibat-ibang tao, nararamdaman ko sa aking sarili na kahit papaano ay mas mabuti naman akong tao, at dahil dito ay natutuwa ako na ipagpatuloy ko ang ugali na kinasanayan ko na.  Hindi sa ako ay nagmamayabang, at sana’y hindi rin ako nagkakasala na inaangkin at ibinibida ko ang aking kainaman – hindi iyon ang aking pakay kundi gusto ko lang ipahayag ang aking sinasaloob.  O sabihing hindi na dapat sabihin ang mga ganito ngunit ito ay isang pagmumuni sa buhay lamang.  Maaaring hindi kabaitan itong aking mga ginagawa, siguro ay tanga lang talaga ako na hindi marunong itrato ang mga bagay-bagay.  Hindi ako nagmamalinis dahil nag-uumit din ako ng maliliit na bagay, namimintas din ako na pagkaminsa’y hindi ko nakikimkim at may maliliit na bagay din akong ipinagkakaila.  Ngunit hindi ako nanlalamang at wala akong inaargabiyado.  Marami pa ang maaaring isulat ngunit nagtuon lang ako ng pansin sa mga ito.  Mahirap magpakabait nang iyung magpakatotoong-mabait pero ang mga makamundong ugali na ito ay maiiwasang mangyari kung ang lahat ay magiging tapat.  Dahil kung ang lahat ay tapat, walang magkakaroon ng pagdududa at pagtitiwala ang siyang maghahari.

Ni Alex V. Villamayor
December 9, 2015

No comments: