Tuesday, December 22, 2015

KAMAY NA BAKAL

Ang batas military ay nagsimula nuong 1972 at nagtapos nuong 1981.  Dapat sana, ito ay panandaliang solusyon lamang upang malutas ang nangyayaring kaguluhang sibil nuon at ayon sa batas, ito ay hindi dapat magtagal.  Upang mabali ang batas na ito ay binago ang konstitusyon kaya nagtuloy-tuloy pa ito ng mahigit isa at kalahating dekada.  Marami sa mga kabataan ngayon ang hindi na ito inabot dahil marami sa kanila ay hindi pa ipinapanganak nuong mga panahon na iyon.  Hindi nila nakita ang mga madudugo at malalagim na naganap nuon tulad ng paghuli o pagdukot o pagpatay o pagkawala sa mga hinihinalaang galit sa gobyerno at aktibista, pagmamalabis sa katungkulan ng kapulisan at sundalo, panggigipit at pag-abuso sa mga karapatan, nakawan sa gobyerno at pagbubulsa sa yaman na para sana sa taong-bayan, pagkamkam sa mga ari-arian, ang magarbong buhay ng mga nasa kapangyarihan habang naghihirap ang maraming mamamayan, ang buhay-hari ng mga nasa kapangyarihan na kung ano ang magustuhan ay makukuha.  Ang buong bansa ay nasa isang pamilya lamang.

Mga kabataang kung tawagin ay millennials at sa mga hindi na rin bata, hindi mo kailangang maranasan nang diretsahan ang pananakit nuong panahon ng martial law para hindi ka maniwala sa paglaganap nito.  Hindi kailangan na ikaw, ang asawa mo, pamilya o kaibigan mo ay literal na maranasan ang pananakit ng mga pulis, sundalo at ng mga politiko upang maniwala ka sa lupit ng batas militar.  Hindi kailangang nahuli o minaltrato ka upang sabihin mong biktima ka nito.  Dahil hindi naman maaaring ang buong milyong populasyon ng Pilipinas ay ginulpi, ginahasa, ninakawan upang masabi mo lang na biktima ka nga ng Martial Law.  Hindi dahil tahimik sa bayan ninyo nung mga panahon na iyon ay hindi na totoo ang kamay na bakal dahil may mga nagaganap ng pag-aabuso nuon nang hndi ninyo alam ngunit hindi nakakarating sa kaalaman ng lahat dahil itinatago ito at hindi ipinalalabas sa mga dyaryo, radio at telebisyon na kontrolado ng gobyerno.   Iyung inalisan ka ng kalayaan, yung binago ang kinabukasan mo mula sa magandang buhay na iniwan ng mga Amerikano ay inilubog ka sa utang, kawalan ng trabaho at dinala sa kahirapan - iyun lang ay sapat na upang masaktan ka sa ginawa sa iyo.  Ang katotohanang pinagkaitan tayong lahat ng kalayaan, kaalaman at kinabukasan ay sobra-sobra na upang ikaw o tayong lahat ay makabilang sa sinasabing biktima ng kamay na bakal.  Duon pa lang, dahil nuon pa lang sa mga panahon na iyon ay may mga ipinagkait at sinamantala na sa iyo bilang isang Pilipino.  Kaya hindi mo kailangang ipanganak ka o maabutan mo ang panahon na iyon, maranasam mo mismo ang pananakit sa katawan mo para lang masabing biktima ka o para lang maniwala ka sa mga nangyari.

Iyung malaman mo lamang ang katotohanan ng kung anu-anong ginawang pang-aabuso nuong araw, sino ka para hindi mo maramdaman ang galit?  Kaya ba ng dibdib mo ang hindi maawa, magalit, makisimpatya at maki-suporta kapag nalaman mong ang kapwa mo ay tinanggalan ng kuko sa mga daliri, kinuryente ang ari, pinaghubo at pina-upo sa bloke ng yelo, pinainom ng maraming tubig, pinukpok ng baril, ibinitin ng patiwarik, pinaso ng sigarilyo at plantsa sa mga bahagi ng katawan dahil lamang sa sila ay pumapalag sa maling pamamalakad ng gobyerno?  Hindi naman masasabing gawa-gawa lang ang mga kwentong ito dahil bukod sa mga katibayang dokumento ay may mga buhay na nagpapatutuo.  Hindi ka pa ba naniniwala at hindi mo nararamdaman ang hinaing nila?  Kaya galit ako sa Martial Law dahil sa mga ito.  Ngayon, kung hindi ka nakaramdam ng pagka-awa at simpatiya ay mauunawaan ko na kung bakit galit ka sa Commission of Human Rights, sa anti-Marcos, at sa pro-Democracy.  Mauunawaan ko na kung bakit hindi ka nga maaawa sa mga napapatay ngayon sa mga biktima ng kalupitan ng pulisya may kasalanan man o inosente.

Nagbago ang tingin ng marami sa kasaysayan dahil sa makabagong teknolohiya.  Sa madalas na pagtutok  sa internet ng marami simula nuong kalagitnaan ng taon-2000 hanggang sa kasalukuyan ay napaniwala sila ng mga maling propaganda.  Pero kung naging matibay lang sana ang prinsipyo nila, kung naging malalim lang sana ang pagkakaalam nila at kung naging matalino lamang sila, kahit anung panlilinlang ng mga propaganda ay hindi nito malalason ang kanilang pag-iisip.  Mabuti na lamang at mayroon pa rin silang pagpapahalaga at interes sa pag-aaral dahil pansinin natin na kung sino yung mga kabataan ngayon na walang hilig sa pag-aaral, hindi nag-aaral at “mahina” sa pag-aaral na mas pinipiling gugulin ang oras sa internet ay ang siyang mga nalinlang ng propaganda na maingay na nakikipag-away sa internet.  Mabuti na lamang at mayroon pa ring mga tao na mas gustong paniwalaan ang mga nakasulat sa libro kaysa sa mga nakikita, napapanood at nababasa sa mapang-akit na mundo ng internet.

1 comment:

Anonymous said...

******** @rambotalabang
"Sabi ng parents ko maayos sa amin noon" - argument for Martial Law will never stand.
Even if your family, town, or region had it good then, the remembering is NOT ABOUT YOU. It's about those who suffered, died and never came back.