Sa mga oras na
ito, may katuwaan akong nararamdaman habang nangangarap nang gising tungkol sa
mga bagay na nais kong mangyari sa malapit na hinaharap. Kaysa sa
magbalik-tanaw sa mga nagdaang pangyayari at karanasan masaya man o malungkot
ay mas nakatuon ang aking pananaw ngayon sa aking mga plano sa mga susunod na
taon. Kaysarap isipin ng mga gusto mong gawin sa iyong buhay na parang
nakikini-kinita mo ang iyong sarili at nararamdaman mo ang pakiramdam sa iyong
pinapangarap na buhay. Iyung pakiramdam mo ay lahat ay ayon sa plano mo
at puro kaginhawahan dahil ang mga pinapangarap mo ay isinasabuhay mo na.
Talagang masarap ang mangarap ng gising.
Ilang taon mula ngayon, gusto kong iwanan na ang mapagdikta kong
trabaho bilang manggagawa ng isang kumpanya upang tumigil na sa pagpapakapagod
para kumita. Iligpit ang mga gamit sa lamesa at isara ang ilaw at pintuan
ng opisina upang tuluyan ng iwanan ang aking karera at intindihin ko na lamang
ang aking sariling buhay. Kaysarap isipin ng magiging buhay ko pagkatapos
ng mahabang panahon ng pagtratrabaho ay malaya na ako sa responsibilidad sa
aking pinagtratrabahuhan. Iyung hindi na obligado na gumising nang maaga
para magampanan ang responsibilidad na pumasok sa trabaho, iyung wala ng alalahaning
mapahanga at mabigyan ng laging
tamang trabaho ang amo, at pakitunguhan ang mga kasamahang may mga maling
ugali. Gusto ko ng magpahinga, buong buhay ko sa pagtratrabaho ay
taga-sunod sa mga utos ng nakatataas sa akin. Nakakapagod ang
napakahabang halos tatlumpung taon na paglilingkod sa mga kumpanya lalu na kung
ang pakiramdam mo ay hindi ka sulit sa kabayaran. Ayoko na, gusto
kong ako na ang may hawak ng aking oras at magpatakbo ng aking pang-araw-araw
na buhay.
Sa aking pag-iisa, ang sarap damhin yung pakiramdam kong naruon na
ako sa panahon at buhay na hinihintay ko. Iyung buhay na wala ng iintindihing
alalahanin dahil napaglingkuran ko na ang aking mga magulang, kapamilya at
ilang kaibigan. Nais kong gugulin na lamang ang aking mga araw sa
pagpapakasaya sa pagiging retirado at pensyonado, damhin ang bunga ng aking
pinagpaguran sa pagtratrabaho, tamasahin ang mga benepisyo, pribileheyo at
respetong ibinibigay sa isang Nakatatanda. Mananatili na lamang ako sa aking
bahay-pangretiro na tinatawag kong “aking kaharian” dahil ito ay akin at
dito ako ang “masusunod”. Sa panahon na iyon, uunahin ko na ang sarili
ko, gagawin kung ano ang aking gusto at kinagigiliwan. Babalikan ko ang
libangang kay tagal kong hindi nagawa – ang pagtatanim at pag-aalaga ng mga
halaman sa aking bakuran. Sa aking iginuhit, itatayo ko ang isang matibay
at simpleng bahay upang gawin kong siyang aking paraiso. Nakatayo sa
isang malawak na bakuran, maraming namumulaklak na halaman sa harapan, sa likod
at gilid ay may mga puno na namumunga ng kakanin at mga pananim na gulay.
May sariling pinagkukunan ng tubig, tahimik, maaliwalas at malawak ang lugar na
siyang gusto ko, malakas ang sariwang hangin na nuon ko pa pinapangarap dahil
kay tagal akong nagtitiis sa mainit, maingay at masikip na kabayanan.
At higit sa lahat, magsusulat ako kahit anung oras na masumpungan
ko nang walang alalahaning hahadlang na kailangan kong unahin muna kaysa sa
aking pagsusulat. Napakarami kong dapat isulat, naghihintay lang ang
aking mga lumang kwento upang isulat. Tatapusin ko ang lahat ng mga
nakabinbin kong mga kwentong kailangang dugtungan o wakasan. Magpapahinga
na ako mula sa ibat-ibang paglalakbay at isusulat ko ang mga naipong kwento at
alala sa ibat-ibang lugar, panahon, at tao. Ang mga sinauna kong isinulat
nuong nagsisimula pa lamang ako na matagal na nakatago, kailangan ko silang
balikan, ayusin, sinupin at pagsama-samahin sa isang libro. Alam kong
magagawa ko lamang ito kapag ang buong oras ko ay naibibigay ko na sa
pagsusulat.
Sa aking pagtanda, hindi ko na pinapangarap ang maging patriaka ng
aming pamilya, ang maging makapangyarihan at sinusunod dahil sa ako ang
pinakamatanda. Ang gusto ko lamang ay igalang ako bilang Nakatatanda,
mabuhay nang wala ng iisipin problema at magpakasaya sa nalalabing buhay ng
aking dapit-hapon. Hindi ko pa nga lang alam kung mangyayari ang mga ito,
kaya sa ngayon ay sinisikap kong maisaayos ang mga detalye ng aking ginagawang
plano, ayusin ang daan patungo sa hinaharap at sana ay magtutuloy-tuloy lamang ayon
sa aking paghahanda tungo sa pangarap kong ito.
Ni Alex V. Villamayor
June 29, 2016