Monday, March 12, 2018

UNTI-UNTI


Nang naparalisado ang nanay ko, alaga na siya sa mga gamot.
Matagal-tagal na, hanggang makalipas ang labing limang taon
Pero kahit anong alaga sa gamot
Darating ang araw ay manghihina ka rin
Tutupukin ng panahon ang iyong lakas

Taon-taon nagbabago
Yung pahina ng papahina, pero palakas ng palakas ang mga gamot
Yung pabawas ng pabawas ang kayang gawin
Yung kung nuon ay nakakaya pa niya ang makapaglakad papunta sa banyo
Kung dati ay nakakapagtupi pa siya ng damit nang isang kamay lang ang ginagamit
Nuon ay nakakapagsulat pa siya para sa akin
Nagkukuwento sa sulat, kahit maiksi ay ramdam ko yung pagsisikap na nagsulat siya
Yung kita mo yung parang sulat ng bata dahil hindi nya kayang magsulat
Kaya ang kaliwang kamay ang ipinangsusulat niya dahil paralisado ang kanyang kanang katawan
Pero sa paglipas ng mga taon ay unti-unting hindi na nakakaya
Hanggang hindi na ako nakakatanggap ng mga sulat sa kanya.

Kada taon ay nakikita mong nababawasan ang lakas ng isang tao.
Ang katawan ay nababawasan ng kulay, ng sigla.
Ang mukha ay nagkakaroon ng mga mangitim-ngitim na kulay
Ang mga mata ay lumalamlam o iyung parang nawawalan ng kulay
Parang napapagod na.
Ang balat ay lalong kumukulubot.

Taon-taon, tuwing umuuwi ako ay may nagbabago.
Pagbabago papunta sa hindi maganda
Sa mga pagbabagong ito, gusto kong sumaya pa rin siya
Kaya kapag umuuwi ako, madalas kapag yung nakaupo siya ay lumalapit ako sa kanya para makipagkwentuhan
Binabalikan namin yung mga ala-ala nuong araw.
Yung buhay namin nuon, yung mga nangyari nuon
Magaganda man mo hindi magagandang nangyari
Pinag-uusapan din namin yung mga nakikita namin sa paligid
Iyung mga nangyayari sa tabi-tabi
Mula sa mga kapit-bahay namin hanggang sa politika
Pinag-uusapan din namin ang mga saloobin namin
Iyung kung ano ang mga gusto ko
Kung ano ang mga naiisip niya
Sa kabila ng kanyang karamdaman
Naroon pa ring ang matalas niyang memorya
At nararamdaman pa rin niya ang mga nangyayari sa paligid

Ipinagluluto ko siya
Kapag lumuluwas ako, may pasalubong ako
Gusto kong makakain naman siya ng mga nabibili sa kilalang kainan.
Dahil hindi na niya alam ang mga iyon.
Kapag tuwing bakasyon ko ay hinahayaan ko siyang makakain ng hindi niya nakakain
Para maiba naman sa mga kinakain niya
Kasi nararamdaman kong masaya siya kapag nakakain siya ng mango peach pie, pizza, etc…

Nasabi niya na gusto niya raw matikman iyung niluto kong cordon bleu.
Alam ko nung huling uwi ko ay hinintay niya yung lulutuin kong cordon bleu
Hindi ko nagawa. Wala akong oras, hindi ako nakapaghanda…
Sa halip ay ibang putahe ng manok ang ginawa ko.
Anu mararamdaman mo kung nabigo ka sa gusto mo?
Kahit hindi niya sabihin alam kong hinintay pa rin niya yung cordon bleu.
Hanggang sa aalis na ako, sinabi ko na lang na sa ibang pagkakataon ay gagawin ko ang cordon bleu
Naawa ako nuon sa kanya dahil nabigo ko siya
Ilang beses ko rin nabigo siya
Marami na rin akong pagkukulang sa kanya
Hindi ko tinupad ang plano ko nuon sa kanyang magarbong ika-75 kaarawan
Hindi ko rin masunod ang gusto niya para sa akin
Ni hindi ko siya tinatawagan nang madalas
Nakukunsensiya ako ngayon dahil may isang uwi ako na hindi ko siya masyado kinakausap dahil sa kababawan ko
At nagi-guilty ako.  Pakiramdam ko ay may kasalanan ako.
Kasi minsan nag-iisip ako na kung wala sana akong tinutustusan ay malaki na sana ang ipon ko.
Hindi ako nanghihinayang, o nagkukuwenta, o nagmamaramot
Kundi sumasagi lang ito sa isip ko
At iniisip ko kung bakit sumasagi ito sa isip ko.
At dito ako nakukunsensiya.
Iyung uusigin ka ng sarili mong konsensiya
Kahit iyung bakod namin na tinaaasan
Nang tinaasan ay wala na raw siyang nakikita para malibang siya
Pakiramdam ko ay lumiit lalo ang kanyang mundo, pinaliit ko ang kanyang mundo
Nabawasan na naman ang kanyang ginagawa

Para sumaya
Sinasabiko sa kanya yung mga plano sa bahay namin
Ikinukuwneto ko sa kanya yung mga nakakatawang nangyayari
Kapag bumibili ako ng damit ko ay ipinapakita ko sa kanya
Gaya nung dati na sa Pilipinas pa ako nagratrabaho
Dahil dati siyang mananahi kaya alam kong gusto niyang makakita ng mga damit
Siya ang nagsasabi kung ano ang tamang kulay na dapat kong iterno sa mga binili ko

At yung tuwing babalik na ako
Kapag yung nagpapaalam na ako, hindi ko alam kung iyun na ba ang huling pagkikita namin.
Magkikita pa ba kami?
Kung sa isang taon ba ay maaabutan pa niya ang pag-uwi ko.

Ikaw, ano ang mararamdaman mo kapag yung alam mo ng hindi na magtatagal ang buhay mo?
Iyung siguro ay tatagal na lamang ng ilang taon ang buhay mo.
Dahil sa loob ng matagal na panahon na dinaramdam mo ang sakit mo.
Ilang taon na rin pinahihirapan ng karamdaman.

Sa nakalipas na isang taon mula ng huli kaming magkita
Nabawasan na naman ang kanyang mga nagagawa
Paunti nang paunti, nababawasan ng nababawasan
Kung nuon…
Iniuupo, nakakatayo, naglalakad ng ilang metro, nakakakain mag-isa.
Iniuupoo, nakakatayo, naglalakad sa gilid na lang, nakakakain mag-isa
Iniuupo, tinutulungan makatayo, naglalakad sa gilid, nakakakain mag-isa
Iniuupo, nahuhukot na ang katawan, tila umuurong na ang buto
Iniuupo, pero hindi na makatagal sa pagkakaupo dahil sa pananakit ng pang-upo.
Hanggang hindi na makabangon
Nakahiga na lang, gustong natutulog lamang
Hindi na nanonood ng paborito niyang palabas sa telebisyon
Pinapakain, hindi naman nauubos.
Hindi na rin makakilala, tila walang nakikita
Tila ang maghapon sa kanya ay gabi buong magdamag.
At mahirap na siyang ihanap ng puwesto sa pagkakahiga
Dahil baluktot na rin ang kanyang katawan sa tagal ng kanyang karamdaman

Ilang araw pa
Hindi nakakaramdam ng gutom
Mas madalas ang tulog kaysa sa gising.
Ang pananakit ng balakang ang nararamdaman dahil na rin sa tagal ng kanyang pagkakahiga.
Hirap na siyang kausapin, kung marinig man niya ako ay hindi niya maintindihan
Sa boses na lamang niya ako nakikilala

Isang araw ay balisa
Nahihirapan siyang huminga
Kahit sa ospital ay nakakaramdam ng sakit at sikip sa paghinga
Hahayaan mo bang panoorin na lang siya hanggang tumigil ang paghinga?
Yung dapat lagyan ng tubo sa katawan para lang gumaang ang paghinga
Yung kahit lagyan ng tubo ay hindi garantiya na hindi titigil ang paghinga
Yung ang magagawa mo na lang ay bawasan ng kahit konti ang sakit na naraamdaman niya sa pamamag-itan ng tubo.
Natatakot siya, ramdam ko yung takot niya
Ramdam ko kung bakit siya natatakot
Alam ko kasi na hindi siya handa, alam ko na ayaw pa niya
Kung may magagawa lang ako.,
Kung kaya ko lang ang magpaalis ng sakit sa katawan
Kung kaya ko lang magpaalis ng takot sa katawan
Kung mayamang-mayaman lang sana ako, ibibili ko pa siya ng kahit sandali pang buhay

Kung dalawang linggo na lang
Kung alam mong ang buhay ay dalawang linggo na lang
Iyung iniisip mong anu ba ang iniisip at nararamdaman ng may katawan
Yung hindi na niya kayang kumilos
Maiidlip ng dalawang minuto, gising na naman dahil sa pananakit ng katawan
Pananakit ng katawan na hindi kayang lunasan ng gamot.
Hindi tinatalaban.
Masakit ang katawan dahil nalason na ng mga gamot ang katawan
Sira na kasi ang mga panloob na bahagi ng katawan niya…
Sakit ng katawan na idinadaan sa pagtaghoy.
Ang sakit isipin
Ang sakit isipin yung pinagdadaanang niyang sakit ng katawan.
Ang sakit isipin ng alam mong kung gaano kapayat ang kanyang katawan para pagdaanan ang sakit ng katawan.
Mag-isa niyang dinaranas ang sakit, mag-isang pinagdaraanan ang sakit.
Sa hagod ng kamay ng kanyang anak, muli siyang maiidlip
Pero muli siyang magigising dalawang minuto lamang dahil ramdam niya talaga ang pananakit ng katawan.
Anong gagawin, paano mapipigil ang nararamdaman niyang sakit?
Kung pwedeng lang akuin ang nararamdaman niyang sakit para makapagpaginhawa sa kanya.
Alam ko, gusto pa niyang mabuhay
Gusto pa niyang makasama ang kanyang masayang pamilya
Pero nahihirapan na siya
Ayaw ko man, ayaw man namin
Gusto man namin na maging masaya pa siya na pagbigyan siya sa kanyang gusto
Pero mas gusto namin na hindi na siya nasasaktan.
Nakakaawa, nakakadurog ng puso na makita at marinig ang pag-iyak niya dahil sa sakit
Ang hirap, akala namin ay nakahanda na kami
Pero kapag naruon na, napakahirap pala
Kahit nakahanda na kami, iba na kapag nariyan na.

No comments: