Friday, March 16, 2018

TAPOS NA


Pagkatapos ng sakit at hirap
Pagkatapos ng isang araw na dumadaing sa pananakit ng katawan
Pananakit na hindi na kayang lunasan
Pananakit na iniiyak dahil walang paraan para maibsan
Ang mga sumunod na araw ay katahimikan

Buong araw siyang nagtulog
Mahimbing, tila nagpapahinga ang napagod na katawan
Tila nagpapahinga mula sa nagdaang  isang araw ng paghihirap
Minsan ay nagdidilat ng mga mata
Pero sandali lang ay muling pipikit upang matulog
Isang buong araw siyang ganon
Walang palatandaan na may dinaramdam
Mabuti naman at tila wala na siyang iniindang pananakit ng katawan
Mabuti at dininig ng Diyos ang aming mataimtim na panalangin
Na sana’y huwag na siyang mahirapan
Na tanging Siya lamang ang makakapagpaalis na hindi kaya ng mga gamot

Nang magkaroon ng pagkakataon ay kinausap ko siya
Sinabi kong kumapit siya sa Diyos
Magdasal
Huwag na niya kaming alalahanin
Kundi ang tanging sarili na lang niya ang kanyang isipin
Intindihin na lang ang kanyang sarili na huwag ng masaktan
Sinabi ko sa kanyang mahal na mahal namin siya
Sinabi ko sa kanya na mahal ko siya

Pagkatapos ng isang araw na pasakit
Ang tatlong araw na sumunod ay kaginhawahan
Tatlong araw siyang natutulog lamang
Na may paminsan-minsang pagdilat ng mga mata
Sa kanyang mga huling oras
Tila ba naghihintay na lamang ng tamang oras
Hanggang sa siya ay tuluyan ng lumisan
Tuluyan na siyang tumigil sa paghinga.
Wala ng sakit, wala ng paghihirap

Napaka-payapa niyang lumisan
Napakatahimik
Napaka-gaan sa loob
Walang pag-iyak mula sa kanya
Walang pagdaing
Napakapayapa niyang umalis
Natupad na ang hinihiling niya
Ng mapayapang pag-alis.

No comments: