Monday, April 30, 2018

TAONG MUKHANG MABAIT


Maayos at malumanay magsalita habang kausap, tumutulong sa mga kapos-palad at relihiyosong tao – ang bait tingnan ng mga taong ganito.  Pero meron sa kanila ang hindi naman talaga lubos at likas na mabait kundi mukhang mabait lamang at inaasahan nila na maging mabuti ang ipapakita sa kanila ng kanilang kapwa.   Mabait ang gusto nilang ipakita dahil ayaw nila ng may masasabi sa kanila ang mga tao o maipintasan sila o may makararating sa kanila na hindi maganda tungkol sa kanila.  Iyung kapag may nagawa kang mali o hindi nila ikinatutuwa ay walang pagbibigay-daan ng pagbabale-wala kundi kukumprontahin ka at ipapamukha sa iyo ang iyong kamalian.  Oo, bahagi ng pagpapatakbo sa ating buhay ay alamin mo kung kailan at hanggang saan ang pagbibigay ng kabaitan.  Pero sana din ay ginagawa nating maging malawak ang aking pang-unawa at bukas ang ating loob sa pagpaparaya sa ating kapwa upang maging mas ganap ang ating totoong kabaitan.

May nakikita at nakilala na akong mga tao na ganito sa mundong aking ginagalawan.  Nuon pa, hindi na ako naniniwala o sumasang-ayon sa kabaitan ng mga taong mukhang mabait.  Sa pansarili ko na lang karanasan, may isang tao ang ilang beses ko na rin kasing pinagdudahan ang kanyang ipinapakitang kabaitan.  Kung tutuusin ay mabuti naman ito para sa akin at sa ibang mga tao dahil kahit papaano ay may tulong at pag-asa kaming nakukuha.  Ang nakakapanghinanakit lamang ay iyung mararamdaman mong para ka lang kayong ginagamit.  Sa akin na lang, tutulungan ba niya talaga ako?  Dahil napapansin ko at natatanong ko ang aking sarili na bakit ang mga tao na mas malalapit sa kanya o kamag-anak pa ay hindi pa niya natutulungan?  Nagdududa tuloy ako na parang ang nangyayari ay ayaw niyang malampasan siya ng mga nasa tabi niya kaya hindi niya sila mapagbigyan.  Hindi ako dapat magsalita ng ganito kaya sinasaloob ko na lang ang nararamdaman ko.  At saka wala akong karapatan magtanong kaya ang iniisip ko na lang, wala pa kasing oportunidad para sa akin at siguro’y talagang mahirap ang hinihingi kong tulong.  At saka nakiki-usap lang ako kaya hindi dapat maghangad pa ng kung anu-ano.

May karanasan pa ako sa taong mukhang mabait na nang nagkamali ako na hindi ko naman sinasadya ay napagsalitaan niya ako ng hindi ko masyadong gusto.  Hindi ako nakipagdiskusyon dahil wala naman ako hilig sa pakikipagdiskusyon.  Minsan naman ay pinayuhan niya ako na huwag ako basta-basta gagawa ng aksiyon kung hindi ko muna siya sinasanguni.  Nangyari ito nang ang alam kong dapat gawin ay ginawa ko dahil kailangan kong magdesisyon sa nauubos na oras, bagay na hindi niya nagustuhan.  Inisip ko, kung sa palagay niya ay may pagkakamali ako kaya niya ako sinabihan o pinayuhan, hindi kaya niya inisip naman yung mga ipinakiusap niya sa akin na sinunod ko naman?  Hindi sa isinusumbat ko iyun kundi sumagi lang ito sa isip ko dahil sa ginawa niya.  At gusto ko lang ipunto dito iyung katotohanan na hindi ko naman siya ipapahamak dahil nasa kanya ang pagmamalasakit ko.  Natural na lang siguro sa tao na sa sampung magagandang ginawa mo, magkamali ka lang ng isang beses ay burado o mababale-wala lahat ng magagandang ginawa mo.

Muli hindi ko pinahaba ang diskusyon, humingi pa ako ng paumanhin pero sa sarili ko ay pinanindigan ko ang aking ginawa at hindi ko iyon iniisp na mali.  At sa sarili ko ay napatunayan ko na mukha lang talaga siyang mabait na sa likod ng maamo at pala-ngiti niyang mukha ay may talim siya sa pananalita.
Mula ng insidente na iyon ay hindi na akong lubos na humahanga kapag nalalaman akong may tinulungan siya.  Masaya ako para sa ginawa niya sa tao pero sa kanya ay hindi ako masyado napapahanga.  Pero kahit ganun ang nararamdaman ko sa kanya dahil sa naging karanasan ko ay masasabi kong hindi ako galit sa kanya.  At sa huli ay gusto ko pa rin na sana ay makatulong pa siya hindi na sa akin kundi sa ibang maraming tao.  At kung hindi ko man magawang muling mailapit at maging kampante ang sarili ko sa kanya, masaya na akong maging sibil sa kanya nang parang walang nangyaring sakit ng loob.

Friday, April 27, 2018

KASIYAHAN SA PAGLALAKBAY


Ang kasiyahan sa isang bagay ng tao ay hindi maikukumpara sa iba kung sino ang mas nakahihigit na masaya dahil kung parehas silang masaya sa maliit o malaki man na paraan ay hindi maipagpapalit ng isa ang kasiyahan ng isa sa isa.  Wika nga ay kanya-kanya tayo ng kinahihiligan at kasiyahan.  Kung para sa iyo ay masaya ka kung ibat-iba ang iyong mga makabagong gamit, hindi mo ito maididikta sa  iba na magsaya rin sa pagbili ng mga gamit kung hindi naman niya ito pinapahalagahan.  Tulad din ng mga taong masayang-masaya kapag nagpupunta sa ibat-ibang restaurant upang makakain ng masasarap na pagkain.

Malaki ang kasiyahang naidudulot sa akin ng pagpunta sa ibat-ibang malalayo at magagandang lugar.  Gustong-gusto ko ito dahil dito ako masaya.  Para sa akin hindi ito mahihigitan sa kasiyahan kapag bumibili ako ng magaganda, makabago, at mamahaling gamit, at pagkain ng iba’t-iba at masasarap na pagkain.  Kung sa iba ay tama na ang simpleng lugar upang makapagrelaks minsan sa isang taon, magaling at mabuti para sa iyo.  Pero may mga tao na likas na gusto ang magagandang lugar upang makapagrelaks mnsan sa isang taon, walang mali dito.  Para sa sakin, ang pagpunta sa ibat-ibang magaganda at malalayong lugar ay nagbibigay sa akin ng karanasan, kaalaman at kasiyahang madadala ko hanggang sa pagtanda ko.  Naiiwan nito ang mga kaalaman sa aking ala-ala akung gaano ako kasaya sa bawat lugar na aking napupuntahan.  Mas pang matagalan ang kasiyahang makukuha ko sa paglalakbay kasya sa panandaliang saya sa mga usong gamit at masasarap na pagkain.

Kapag sumapit na ako sa edad na nakatatanda, masasabi ko na napuntahan ko na ang Cebu, Davao, Bataan at Baler at makakabalik-tanaw ako kung gaano ito kagaganda.  Maikukuwento ko ang kagandahan ng Batanes, Palawan, Boracay, Siquijor.  Maituturo ko ang mga kaalamang natutunan ko nang magpunta ako sa bayan ng Bohol, Bicol, Sagada, at Ilokos.  Iyung kung paano ako humanga sa kwento ng mga matatanda kung gaano talaga kaganda ang ilog ng Pasig, Maynila, Laguna at ibat-ibang probinsiya nuon, ay siyang kaparis na maipagmamalaki ko rin sa mga inapo ko.  Iyung pagkamangha ko sa kalabisang-ganda ng malilinaw na tubig at malalakas na alon sa mapuputing pinong buhangin ay hindi mahihigitan ng makabagong gadyet, mamahaling damit, pabango at alahas.  Iyung paghanga ko sa mga natural na disenyo ng matataas at maberdeng bundok, malamig at matalinghagang kuweba at mataas na alon ay hindi matutumbasan ng tamis ng mga panghimagas at kakanin, linamnam ng ibat-ibang putahe ng baboy, baka at manok at pagkain sa mamahalin at kilalang restaurant.  At iyung mga natutunan ko sa mayayamang kultura at kaugalian ng ibat-ibang probinsiya ay hindi mapapantayan ng aliw sa ibat-ibang tugtog sa bistro, kwentuhan ng mga pelikula, at iba’t-ibang kaganapan sa mga makabagong pasyalan at pamilihan.

Ang mga bagay ay nassira at bumababa ang halaga, ang pagkain ay nauubos at maaaring magdulot ng iba’t-ibang  sakit ngunit ang paglalakbay ay nagpapayaman sa iyong karunungan na mananatili.  Hindi ito pagwawaldas ng pera kung kuntento ka naman sa bawat pinupuntahan mo, o luho kung ito lang naman ang iyong kasiyahan.  Sa pagpunta ko sa ibat-ibang lugar ay maaaring nakakain ko na ang masasarap na pagkain at nakakain ko na rin naman ang ibat-ibang pagkain ngunit hindi lahat ng tao ay nakakapunta sa ibat ibang lugar.  Kanya-kanya tayo ng kinahihiligan at kasiyahan.  Kung ano ang nakakapagpasaya sa atin nang wala tayong inaapakang ibang tao ay iyon ang ating sundin.  Ang mahalaga ay wala tayong pagsisisihan kung bakit natin ginawa o hindi ginawa ang mga mithiin ng ating buhay.