Monday, April 30, 2018

TAONG MUKHANG MABAIT


Maayos at malumanay magsalita habang kausap, tumutulong sa mga kapos-palad at relihiyosong tao – ang bait tingnan ng mga taong ganito.  Pero meron sa kanila ang hindi naman talaga lubos at likas na mabait kundi mukhang mabait lamang at inaasahan nila na maging mabuti ang ipapakita sa kanila ng kanilang kapwa.   Mabait ang gusto nilang ipakita dahil ayaw nila ng may masasabi sa kanila ang mga tao o maipintasan sila o may makararating sa kanila na hindi maganda tungkol sa kanila.  Iyung kapag may nagawa kang mali o hindi nila ikinatutuwa ay walang pagbibigay-daan ng pagbabale-wala kundi kukumprontahin ka at ipapamukha sa iyo ang iyong kamalian.  Oo, bahagi ng pagpapatakbo sa ating buhay ay alamin mo kung kailan at hanggang saan ang pagbibigay ng kabaitan.  Pero sana din ay ginagawa nating maging malawak ang aking pang-unawa at bukas ang ating loob sa pagpaparaya sa ating kapwa upang maging mas ganap ang ating totoong kabaitan.

May nakikita at nakilala na akong mga tao na ganito sa mundong aking ginagalawan.  Nuon pa, hindi na ako naniniwala o sumasang-ayon sa kabaitan ng mga taong mukhang mabait.  Sa pansarili ko na lang karanasan, may isang tao ang ilang beses ko na rin kasing pinagdudahan ang kanyang ipinapakitang kabaitan.  Kung tutuusin ay mabuti naman ito para sa akin at sa ibang mga tao dahil kahit papaano ay may tulong at pag-asa kaming nakukuha.  Ang nakakapanghinanakit lamang ay iyung mararamdaman mong para ka lang kayong ginagamit.  Sa akin na lang, tutulungan ba niya talaga ako?  Dahil napapansin ko at natatanong ko ang aking sarili na bakit ang mga tao na mas malalapit sa kanya o kamag-anak pa ay hindi pa niya natutulungan?  Nagdududa tuloy ako na parang ang nangyayari ay ayaw niyang malampasan siya ng mga nasa tabi niya kaya hindi niya sila mapagbigyan.  Hindi ako dapat magsalita ng ganito kaya sinasaloob ko na lang ang nararamdaman ko.  At saka wala akong karapatan magtanong kaya ang iniisip ko na lang, wala pa kasing oportunidad para sa akin at siguro’y talagang mahirap ang hinihingi kong tulong.  At saka nakiki-usap lang ako kaya hindi dapat maghangad pa ng kung anu-ano.

May karanasan pa ako sa taong mukhang mabait na nang nagkamali ako na hindi ko naman sinasadya ay napagsalitaan niya ako ng hindi ko masyadong gusto.  Hindi ako nakipagdiskusyon dahil wala naman ako hilig sa pakikipagdiskusyon.  Minsan naman ay pinayuhan niya ako na huwag ako basta-basta gagawa ng aksiyon kung hindi ko muna siya sinasanguni.  Nangyari ito nang ang alam kong dapat gawin ay ginawa ko dahil kailangan kong magdesisyon sa nauubos na oras, bagay na hindi niya nagustuhan.  Inisip ko, kung sa palagay niya ay may pagkakamali ako kaya niya ako sinabihan o pinayuhan, hindi kaya niya inisip naman yung mga ipinakiusap niya sa akin na sinunod ko naman?  Hindi sa isinusumbat ko iyun kundi sumagi lang ito sa isip ko dahil sa ginawa niya.  At gusto ko lang ipunto dito iyung katotohanan na hindi ko naman siya ipapahamak dahil nasa kanya ang pagmamalasakit ko.  Natural na lang siguro sa tao na sa sampung magagandang ginawa mo, magkamali ka lang ng isang beses ay burado o mababale-wala lahat ng magagandang ginawa mo.

Muli hindi ko pinahaba ang diskusyon, humingi pa ako ng paumanhin pero sa sarili ko ay pinanindigan ko ang aking ginawa at hindi ko iyon iniisp na mali.  At sa sarili ko ay napatunayan ko na mukha lang talaga siyang mabait na sa likod ng maamo at pala-ngiti niyang mukha ay may talim siya sa pananalita.
Mula ng insidente na iyon ay hindi na akong lubos na humahanga kapag nalalaman akong may tinulungan siya.  Masaya ako para sa ginawa niya sa tao pero sa kanya ay hindi ako masyado napapahanga.  Pero kahit ganun ang nararamdaman ko sa kanya dahil sa naging karanasan ko ay masasabi kong hindi ako galit sa kanya.  At sa huli ay gusto ko pa rin na sana ay makatulong pa siya hindi na sa akin kundi sa ibang maraming tao.  At kung hindi ko man magawang muling mailapit at maging kampante ang sarili ko sa kanya, masaya na akong maging sibil sa kanya nang parang walang nangyaring sakit ng loob.

No comments: