Friday, October 12, 2018

MY FAMILY IS MY INSPIRATION


And God blessed us, He gave us family
From start till the end of let say eternity
Binds thru summer, or be storm or rainy
In a nutshell, togetherness is summary

In a place there is my family have arise
With diligent pillar of a home we survive
On his side, a thoughtful and caring wife
The children are gifts that have no price

We have been through many challenges
Thru high and low, our faith no changes
We have come to this far but to no aches
For we hold each other, everybody cares

In this truth, I swear I was deeply inspired
In life, to keep strong gets you to transpire
Amidst of noise and chaos, you’re surefire
To get what your heart and mind desire

Whatever I witnessed on my family’s role
When time comes I have my own to clone
All wisdom and values for long I atoned
I wanted them be same as what I’d owned

Thursday, October 11, 2018

PANA-PANAHON NG EKONOMYA


Sabi sa balita: inflation rate highest since 10 years, presyo ng petrolyo – pinakamataas mula nuong 2007, halaga ng piso –pinakamababang halaga ng piso sa loob ng labing dalawang taon, dollar exchange rate… Presyo ng bigas – pinakamataas mula 2006, etc….  Kung babalikan, puro panahon ni PGMA ang mga nabe-break na record.  Patunay lang na nung term ni PNoy ay napaganda niya ang pangit na iniwan ni PGMA.  At ngayong tapos na ang termino niya, pumapangit na naman ang ekonomiya ng bayan.  Ang mas masahol pa nito, dinadaig pa yung mga hindi magandang naitala ng liderato ni PGMA.  At mandin ay paniwalang-paniwala pa rin ang mga ito at ipinagsisigawan na maayos na ang kabuhayan sa Pilipinas.  O maaaring hindi matanggap, niloloko at pinasasaya na lamang ang mga sarili nila.  Sabi pa, magsipag lang daw ay hindi magugutom, o mahihirapan sa nangyayaring kabi-kabilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.  Buhay-loyalista at panatiko nga naman talaga.

Walang masama at walang mali na sabihing magsipag lang upang mabuhay dahil magagawa nitong mahikayat ang mga tao na maging masipag.  Ngunit kung para pagtakpan at bigyang-katwiran ang maling desisyong ginawa o lokohin ang mga tao sa totoong kalagayan ng bansa, o ipasunod sa mga tao ang maling paniniwala, o paasahin pang magdudulot ng kabutihan ang maling desisyon na nagawa nila, ang mga ito ang mali.  Dahil sa halip ay dapat na mas hikayatin ang mga tao na labanan ang kahirapan at makatulong sa paglutas sa kinakaharap na kakulangan.  Magsipag lang daw para hindi magutom – kung alam mong hindi ka tamad, aminin natin sa ating mga sarili na hindi ito totoo.  Alam naman natin na kayod-kalabaw na ang mga magsasaka at mangingisda natin na nasa kanayunan na nangigitata na ang mga kasuutan at nangapal na ang mga kalyo– tamad pa bang masasabi ang mga ito?  Ang mga basurero, nagtitinda ng kendi sa bangketa, janitor, at iba pa, nagtratrabaho sila maghapon, iyung iba nga ay hanggang magdamag pa pero hanggang duon lang talaga ang kita nila.  Kahit nga yung mga nasa bangko na de-oras ang trabaho ay kinakapos pa rin dahil nasa minimum wage sila – tamad ba ang mga ito kaya nahihirapan sa buhay?

Ang daling sabihing magsipag ka lang ay mabubuhay ka na kung wala ka sa sitwasyong naghihrap.  Ang makakapagsabi lang nito ay iyung mga sinuwerte na lumaki ang suweldo o nagkaroon ng sariling negosyo.  Pero mayroong 44M manggagawa sa Pilipinas na hindi naman maaaring lahat ng ito ay Manedyer, CEO, board member o nagmamay-ari ng negosyo.  Maliit na bahagi lang sila ng 44M na ito kaya iyung mag-sipag lang daw ay mabubuhay na ay napakahirap.  Sa kalakhang-Maynila at maging sa karatig-probinsiya ay kayang mabuhay basta magsipag pero pahirapan ito.  Ibig sabihin, pahirapan pagkasyahin ang pera sa pagkain, baon sa trabaho at pag-aaral ng anak, iyung maghahagilap ng pera kapag mayroong biglang kailangan dalhin sa ospital.  Oo maaaring totoo na bastat magsipag lang ay mabubuhay pero anong klaseng buhay?  Iyung ganito na isang kahig-isang tuka?  Iyung walang maliwanag na kasigurudahan ang kinabusan?  Sa probinsiya, kasabihan na magsipag lang ay mabubuhay.  Magtanim lang ng kamoteng kahoy at mga gulay sa bakuran, hindi ka na magugutom.  Pero hanggang sa kumain lang ba ng tatlong beses isang araw, sapat na ba ito?  Hindi lang naman pagkain ang kailangan at ambisyon mo sa buhay.  Kailangan mo ng magandang buhay para maipamana sa mga anak mo.  Ang sinasabing kahirapan dito ay iyung hindi mo mapag-aral ang mga anak mo.  Oo makakapagtanim ka na maaari mong kainin o ibenta pero iyung ni hindi mo maibili ang mga anak mo ng bagong tsinelas o damit dahil ang hawak mong pera ay sa pangkain lang o sa pambayad sa paaralan.

Kahit anung sipag ng isang tao kung ang ibinabalik naman sa kanya ng gobyerno niya ay pahirap – magrereklamo talaga ang mga taong mahihirap.  Ilan lang dito ang kakulangan sa matinong pasuweldo at kawalan ng kabuhayan sa kanayunan,  Kaya kahit magsipag ang isang tao, kung ang presyo ng mga bilihin, ang pamasahe, pagpapa-aral, bayad sa kuryente, gamot, at ibang serbisyo ay nagtataasan ay kakapusin talaga.  Ang mga nagtatanim ng gulay, ni patubig ng gobyerno ay walang ayudang natatanggap. Sa halip ay sa pera pa nila kinukuha na kabawasan pa sa kanilang pangangailangan.  Sila ang nagpapakahirap pero sila itong barya-barya ang kinikita dahil kulang sa ayuda ng pamahalaan.  Iyung matulungan man lang sana silang dalhin na diretsong maibenta sa merkado ang kanilang mga gulay ay malaking kabayaran na sa kanilang pagpapakahirap at panghikayat na ring mapalago at mapagsikapan pa nila ang sector ng agrikultura.  Isa lang ito sa mga mahalagang mapagtuunan upang maalagaan at mapalakas ang ekonomya ng ating bansa. Ang iba pa ay ang industriya at pangangalakal, mahalagang mailapit ang mga ito sa mga tao upang makapag-bigay ng trabaho at magkaroon ng sapat na pera sa sirkulasyon ng merkado na magpapasigla sa ating ekonmya.

Monday, October 08, 2018

MGA INPRASTRATURA NI MARCOS

Isa sa madalas kong makita at marinig na ipinagmamalaki ng mga loyalista ni Marcos at panatiko ni Duterte ay ang mga inprastratura ni Marcos na hindi daw kayang pantayan ng iba pang presidente at pinakikinabangan ng mga Pilipino hanggang ngayon.  Ang sabi nila, ang mga galit sa mga Marcos ay huwag gumamit ng NAIA, LRT, MRT, Lung Center, National Kidney, Heart Center, EDSA, MERALCO, MWSS, at kung anu-ano pa.  Heto ang sagot ko:
Una, pera ng taong-bayan ang ginamit at ipinambabayad sa mga utang na ipinagpatayo ng mga inprastraktura na ito.  Pera ng Pilipinas at mga Pilipino ang pinangpagawa sa mga iyan at hindi sa galing sa bulsa ni Marcos.. Sino kayo para sabihing huwag gamitin yang mga iyan?  Saka sa 21 taon niya bilang Pangulo, dapat lang na magawa niya ang mga iyan dahil ang haba ng panahon para magawa niya mga ito. Trabaho niya ang magpatayo ng mga ito at hindi utang ng loob ng taong-bayan.  At higit sa lahat, sa mga inprastratura na ito yumaman ang pamilya ni Marcos at mga kaibigan nito.
Pangalawa, hindi lahat ng mga inaangkin nila ay ipinatayo talaga ni Marcos. Marami sa mga binanggit nila ay naipatayo na bago pa man maupo si Marcos tulad ng PNR, NAIA, samantala ang EDSA ay ginawa nung 1930’s, ang MERALCO ay nuong 1961. Ang NAIA-I at Phil National Railway ay kay dating Pang. Roxas habang ang National Museum at Phil Post Office ay nuong panahon ni Pang. Quezon pero may narinig ba tayong ipinagyayabang nila ang mga ito? Ang MRT ay nuon panahon ni Cory samantala ang LRT-2 ay dalawang linya ang natapos sa panahon ni Cory sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan samantala ang LRT ni Marcos ay iisang linya lang sa loob ng dalawampu't isang taon niya ng pagiging Pangulo.  Ang iba pa ay hindi na ipinangalandakan ng mga sumunod na Pnagulo tulad ng SCTEX, TPLEX, flyovers, etc.
Pangatlo, maraming mga ipinatayo si Marcos upang pasayahin lamang si Imelda.  Ang Folk Arts Theater, CCP, Manila Film Center, PICC, at Coconut Palace ay mga kaluhuan ni Imelda na ipinatayo upang gumanda at bumango ang pangalan ni Imelda. At marami rin sa mga ito ang hindi talaga prodaktibo at nasasayang lamang. Ang CCP ay laging kulang sa budget upang i-mantine ito,katulad din ng FAT, PICC, Metropolitan Theater at MFC na hindi masyadong pinakikinabangan ngayon.
Pang-apat, ang mga ipinatayo ni Marcos ay pinondohan mula sa utang sa IMF at WB kaya lumaki ang pang-labas na utang ng Pilipinas.  Utang kada utang ang ginawa nila. Sabi pa ng mga panatiko at loyalista ay mabuti na yun dahil may pinuntahan ang inutang pero alalahanin natin may pinuntahan din ang mga nakupit ng mga kaibigan ni Marcos dahil sa mga inprastraktura na ito sa pamamag-itan ng pagpapalabis ng presyo sa bawat proyekto.  Para mapagtakpan ang bilyones na ninakaw nila sa bayan, ang mga inprastraturang ito ang ginamit nila para may nakikita.  Ngayon, ito ba ang sinasabing mabuti ng mga loyalista at panatiko?  At alalahanin natin na kailangan nilang may maipakitang mga ipinapatayo upang sila ay makautang ulit. At ang masakit nito, aabot hanggang 2025 para mabayaran ang utang na ito, apatnapung taon pagkatapos ng EDSA-1.
Gustong magpatayo ng mga inprastaktura ni Marcos kahit naghihirap ang bansa kaya umutang siya ng umutang upang maipakita lamang sa buong mundo na ang Pilipinas ay hindi mahirap, na ang bayan ay umuunlad, na siya ay magaling.  Sa mga nilamon ng social media at mga nabiktima ng propaganda ng mga Marcos, huwag maging bobo.  Sa huli mananaig pa rin ang katotohanan at kayo ang magmumukhang kaawa-awa at katawa-tawa.
16MvsMe

Tuesday, October 02, 2018

MGA ARAL SA PAGMAHAL NG MGA BILIHIN



Ang sumusunod na artikulo ay akmang isinulat para sa aralin ng isang mag-aaral sa haiskul.

Ang pamilya ang pinakamaliit na bahagi ng lipunan.  Dito nagsisimula kung paano magiging kapaki-pakinabang na mamamayan ng bayan ang isang tao.  Kung ano ang ugali ng isang tao ay madadala niya ito hanggang sa labas ng kanyang tahanan.  Kaya marapat lamang na sa loob pa lamang ng tahanan ay mahubog na ng mga magulang ang kanilang anak upang maging isang mabuting mamamayan.  Kaya dapat na dito magsimula ang pagtuturo ng tama at pagbabago ng kamalian.  Sa punto ito, kasama na dito ang usaping panglipunan tungkol sa pagtaas ng mga presyo ng produkto at serbisyo.  Sa panahon ngayon na ang buhay ay nagiging mahirap dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng pagbaba ng halaga ng ating salapi, mahalagang maituro ng magulang sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagtitipid at pag-iimpok.   Sa ganitong mga panahon natin mauunawaan na ang halaga ng bawat sentino at bawat piso na dumadaan sa ating mga kamay.

Sa isa naming hapunan, ipinaliwanag ng aking ina ang aming mga nararapat gawin sa mga ganitong pagkakataon.  Naging pagkakataon na rin ito upang maunawaan ng bawat isa ang mga sakripisyo na gagawin.  Sa huli, ang lahat ng ito ay para sa aming pamilya.  Ang aking pamilya ay isa sa nakakaramdam ng kasalukuyang hirap ng buhay.  Ang aking mga magulang ay sinisikap kaming mga anak nila na mabigyan ng magandang edukasyon sa kabila ng sakripisyo nila.  Tinitiis ng aking ama ang malayo sa amin upang matupad lamang ang kanilang tungkulin sa amin.  Gayun din ang aking ina, sinisikap niya na mapag-abot ang aming mga pangangailangan sa kabila ng lumalaki naming gastusin.  Sa aming pagtutulungan, kailangan namin magsagawa upang ang mga paghihirap na ito ay aming malampasan.  Kailangan ng bawat isa ang maghigpit ng sinturon.  Kailangan ng bawat isa ang magsakripisyong magtipid upang makatulong na maibsan ng kahit konti ang aming gastusin.  Sabi ng aking ina, ang salapi ay hindi pinupulot bagkus ito ay pinaghihirapan ng dugo at pawis ng aking ama.  Kailangan namin pahalagahan ang bawat kusing na ibinibigay sa amin.  Dahil sa bandang huli kapag natutunan namin ang pagtitipid ay magagamit namin ito sa aming magiging buhay pagdating ng panahon.

Mahalagang naipaliwanag sa amin ng aking ina na ang pagtitipid ay iba sa pagiging kuripot.  Ang matipid ay ang hindi paggastos sa mga bagay na hindi kailangan.  Samantalang ang kuripot ay pagiging maramot o mayroong yaman sa pera ngunit hindi gumagastos sa kadahilanang ayaw mabawasan ang yaman.  Ang payo sa amin ng aking ina, maging praktikal kung kailangan bang bilhin ang isang bagay upang sa gayon ay hindi ito masayang.  Dahil kapag hindi naman ito mahalaga sa amin ay para na rin namin binabale-wala ang paghihirap sa pagtratrabaho ng aming ama.  Ang aking mga interes sa buhay ay simple lamang.  Ayaw ko ng mga mararangyang gamit sa katawan, mga labis na kasiyahan sa paglalaboy at magarbong pakikisalamuha.  Nagpapasalamat ako sa naging ugali kong ito dahil naiiwasan ko ang maging bulagsak sa pera at maging magarbo sa buhay na hindi naman kinakailangan.  At nagpapasalamat din ako dahil karamihan sa mga bagay na kasama sa pagtaas ng mga bilihin ay hindi gaanong umapekto sa mga simpleng bagay na gusto ko.  Ang simpleng paglalakad sa baybayin, pagmamasid sa mga luntian ng kapaligiran, pagtugtog ng gitara at iba pa ay ang aking mga nais sa simpleng buhay.  Ang aking pamilya ay nagtutulung-tulungan upang makasabay sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.  Ang prayoridad ay mahalaga.  Kung gagawin natin na sa halip na sa mga materyal na bagay gastusin ang malaking halaga ay mabuting ilaan ito sa pang-araw-araw na pagkain o sa pag-iimpok.  Mas unahin natin kung ano ang kailangan kaysa sa kung ano ang kagustuhan.  Dahil anut-anuman ay maaari nating gawin an gating kagustuhan anumang oras sa ibang pagkakataon.

Isang panlipunang suliranin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.  Ngunit hindi lamang gobyerno ang dapat kumilos upang matugunan ang suliraning ito.  Ang bawat pamilyang-Pilipino ay kailangang makibahagi din sa pakikipagtulungan upang malabanan ang nangyayaring ito.  Kung sa loob pa lamang ng tahanan ay matuturuan ang bawat isa na matutong maging masinop, makakaraos kahit papaano ang bawat pamilya.  Dahil ang bawat isang pamilya kapag nagsama-sama sa isang maliit na mabuting gawain ay isang malaking tagumpay ng ating pamahalaan.