Thursday, October 11, 2018

PANA-PANAHON NG EKONOMYA


Sabi sa balita: inflation rate highest since 10 years, presyo ng petrolyo – pinakamataas mula nuong 2007, halaga ng piso –pinakamababang halaga ng piso sa loob ng labing dalawang taon, dollar exchange rate… Presyo ng bigas – pinakamataas mula 2006, etc….  Kung babalikan, puro panahon ni PGMA ang mga nabe-break na record.  Patunay lang na nung term ni PNoy ay napaganda niya ang pangit na iniwan ni PGMA.  At ngayong tapos na ang termino niya, pumapangit na naman ang ekonomiya ng bayan.  Ang mas masahol pa nito, dinadaig pa yung mga hindi magandang naitala ng liderato ni PGMA.  At mandin ay paniwalang-paniwala pa rin ang mga ito at ipinagsisigawan na maayos na ang kabuhayan sa Pilipinas.  O maaaring hindi matanggap, niloloko at pinasasaya na lamang ang mga sarili nila.  Sabi pa, magsipag lang daw ay hindi magugutom, o mahihirapan sa nangyayaring kabi-kabilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.  Buhay-loyalista at panatiko nga naman talaga.

Walang masama at walang mali na sabihing magsipag lang upang mabuhay dahil magagawa nitong mahikayat ang mga tao na maging masipag.  Ngunit kung para pagtakpan at bigyang-katwiran ang maling desisyong ginawa o lokohin ang mga tao sa totoong kalagayan ng bansa, o ipasunod sa mga tao ang maling paniniwala, o paasahin pang magdudulot ng kabutihan ang maling desisyon na nagawa nila, ang mga ito ang mali.  Dahil sa halip ay dapat na mas hikayatin ang mga tao na labanan ang kahirapan at makatulong sa paglutas sa kinakaharap na kakulangan.  Magsipag lang daw para hindi magutom – kung alam mong hindi ka tamad, aminin natin sa ating mga sarili na hindi ito totoo.  Alam naman natin na kayod-kalabaw na ang mga magsasaka at mangingisda natin na nasa kanayunan na nangigitata na ang mga kasuutan at nangapal na ang mga kalyo– tamad pa bang masasabi ang mga ito?  Ang mga basurero, nagtitinda ng kendi sa bangketa, janitor, at iba pa, nagtratrabaho sila maghapon, iyung iba nga ay hanggang magdamag pa pero hanggang duon lang talaga ang kita nila.  Kahit nga yung mga nasa bangko na de-oras ang trabaho ay kinakapos pa rin dahil nasa minimum wage sila – tamad ba ang mga ito kaya nahihirapan sa buhay?

Ang daling sabihing magsipag ka lang ay mabubuhay ka na kung wala ka sa sitwasyong naghihrap.  Ang makakapagsabi lang nito ay iyung mga sinuwerte na lumaki ang suweldo o nagkaroon ng sariling negosyo.  Pero mayroong 44M manggagawa sa Pilipinas na hindi naman maaaring lahat ng ito ay Manedyer, CEO, board member o nagmamay-ari ng negosyo.  Maliit na bahagi lang sila ng 44M na ito kaya iyung mag-sipag lang daw ay mabubuhay na ay napakahirap.  Sa kalakhang-Maynila at maging sa karatig-probinsiya ay kayang mabuhay basta magsipag pero pahirapan ito.  Ibig sabihin, pahirapan pagkasyahin ang pera sa pagkain, baon sa trabaho at pag-aaral ng anak, iyung maghahagilap ng pera kapag mayroong biglang kailangan dalhin sa ospital.  Oo maaaring totoo na bastat magsipag lang ay mabubuhay pero anong klaseng buhay?  Iyung ganito na isang kahig-isang tuka?  Iyung walang maliwanag na kasigurudahan ang kinabusan?  Sa probinsiya, kasabihan na magsipag lang ay mabubuhay.  Magtanim lang ng kamoteng kahoy at mga gulay sa bakuran, hindi ka na magugutom.  Pero hanggang sa kumain lang ba ng tatlong beses isang araw, sapat na ba ito?  Hindi lang naman pagkain ang kailangan at ambisyon mo sa buhay.  Kailangan mo ng magandang buhay para maipamana sa mga anak mo.  Ang sinasabing kahirapan dito ay iyung hindi mo mapag-aral ang mga anak mo.  Oo makakapagtanim ka na maaari mong kainin o ibenta pero iyung ni hindi mo maibili ang mga anak mo ng bagong tsinelas o damit dahil ang hawak mong pera ay sa pangkain lang o sa pambayad sa paaralan.

Kahit anung sipag ng isang tao kung ang ibinabalik naman sa kanya ng gobyerno niya ay pahirap – magrereklamo talaga ang mga taong mahihirap.  Ilan lang dito ang kakulangan sa matinong pasuweldo at kawalan ng kabuhayan sa kanayunan,  Kaya kahit magsipag ang isang tao, kung ang presyo ng mga bilihin, ang pamasahe, pagpapa-aral, bayad sa kuryente, gamot, at ibang serbisyo ay nagtataasan ay kakapusin talaga.  Ang mga nagtatanim ng gulay, ni patubig ng gobyerno ay walang ayudang natatanggap. Sa halip ay sa pera pa nila kinukuha na kabawasan pa sa kanilang pangangailangan.  Sila ang nagpapakahirap pero sila itong barya-barya ang kinikita dahil kulang sa ayuda ng pamahalaan.  Iyung matulungan man lang sana silang dalhin na diretsong maibenta sa merkado ang kanilang mga gulay ay malaking kabayaran na sa kanilang pagpapakahirap at panghikayat na ring mapalago at mapagsikapan pa nila ang sector ng agrikultura.  Isa lang ito sa mga mahalagang mapagtuunan upang maalagaan at mapalakas ang ekonomya ng ating bansa. Ang iba pa ay ang industriya at pangangalakal, mahalagang mailapit ang mga ito sa mga tao upang makapag-bigay ng trabaho at magkaroon ng sapat na pera sa sirkulasyon ng merkado na magpapasigla sa ating ekonmya.

No comments: