Monday, October 08, 2018

MGA INPRASTRATURA NI MARCOS

Isa sa madalas kong makita at marinig na ipinagmamalaki ng mga loyalista ni Marcos at panatiko ni Duterte ay ang mga inprastratura ni Marcos na hindi daw kayang pantayan ng iba pang presidente at pinakikinabangan ng mga Pilipino hanggang ngayon.  Ang sabi nila, ang mga galit sa mga Marcos ay huwag gumamit ng NAIA, LRT, MRT, Lung Center, National Kidney, Heart Center, EDSA, MERALCO, MWSS, at kung anu-ano pa.  Heto ang sagot ko:
Una, pera ng taong-bayan ang ginamit at ipinambabayad sa mga utang na ipinagpatayo ng mga inprastraktura na ito.  Pera ng Pilipinas at mga Pilipino ang pinangpagawa sa mga iyan at hindi sa galing sa bulsa ni Marcos.. Sino kayo para sabihing huwag gamitin yang mga iyan?  Saka sa 21 taon niya bilang Pangulo, dapat lang na magawa niya ang mga iyan dahil ang haba ng panahon para magawa niya mga ito. Trabaho niya ang magpatayo ng mga ito at hindi utang ng loob ng taong-bayan.  At higit sa lahat, sa mga inprastratura na ito yumaman ang pamilya ni Marcos at mga kaibigan nito.
Pangalawa, hindi lahat ng mga inaangkin nila ay ipinatayo talaga ni Marcos. Marami sa mga binanggit nila ay naipatayo na bago pa man maupo si Marcos tulad ng PNR, NAIA, samantala ang EDSA ay ginawa nung 1930’s, ang MERALCO ay nuong 1961. Ang NAIA-I at Phil National Railway ay kay dating Pang. Roxas habang ang National Museum at Phil Post Office ay nuong panahon ni Pang. Quezon pero may narinig ba tayong ipinagyayabang nila ang mga ito? Ang MRT ay nuon panahon ni Cory samantala ang LRT-2 ay dalawang linya ang natapos sa panahon ni Cory sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan samantala ang LRT ni Marcos ay iisang linya lang sa loob ng dalawampu't isang taon niya ng pagiging Pangulo.  Ang iba pa ay hindi na ipinangalandakan ng mga sumunod na Pnagulo tulad ng SCTEX, TPLEX, flyovers, etc.
Pangatlo, maraming mga ipinatayo si Marcos upang pasayahin lamang si Imelda.  Ang Folk Arts Theater, CCP, Manila Film Center, PICC, at Coconut Palace ay mga kaluhuan ni Imelda na ipinatayo upang gumanda at bumango ang pangalan ni Imelda. At marami rin sa mga ito ang hindi talaga prodaktibo at nasasayang lamang. Ang CCP ay laging kulang sa budget upang i-mantine ito,katulad din ng FAT, PICC, Metropolitan Theater at MFC na hindi masyadong pinakikinabangan ngayon.
Pang-apat, ang mga ipinatayo ni Marcos ay pinondohan mula sa utang sa IMF at WB kaya lumaki ang pang-labas na utang ng Pilipinas.  Utang kada utang ang ginawa nila. Sabi pa ng mga panatiko at loyalista ay mabuti na yun dahil may pinuntahan ang inutang pero alalahanin natin may pinuntahan din ang mga nakupit ng mga kaibigan ni Marcos dahil sa mga inprastraktura na ito sa pamamag-itan ng pagpapalabis ng presyo sa bawat proyekto.  Para mapagtakpan ang bilyones na ninakaw nila sa bayan, ang mga inprastraturang ito ang ginamit nila para may nakikita.  Ngayon, ito ba ang sinasabing mabuti ng mga loyalista at panatiko?  At alalahanin natin na kailangan nilang may maipakitang mga ipinapatayo upang sila ay makautang ulit. At ang masakit nito, aabot hanggang 2025 para mabayaran ang utang na ito, apatnapung taon pagkatapos ng EDSA-1.
Gustong magpatayo ng mga inprastaktura ni Marcos kahit naghihirap ang bansa kaya umutang siya ng umutang upang maipakita lamang sa buong mundo na ang Pilipinas ay hindi mahirap, na ang bayan ay umuunlad, na siya ay magaling.  Sa mga nilamon ng social media at mga nabiktima ng propaganda ng mga Marcos, huwag maging bobo.  Sa huli mananaig pa rin ang katotohanan at kayo ang magmumukhang kaawa-awa at katawa-tawa.
16MvsMe

No comments: