Ang sumusunod na artikulo ay akmang isinulat para sa aralin ng isang mag-aaral sa haiskul.
Ang pamilya ang pinakamaliit na
bahagi ng lipunan. Dito nagsisimula kung
paano magiging kapaki-pakinabang na mamamayan ng bayan ang isang tao. Kung ano ang ugali ng isang tao ay madadala
niya ito hanggang sa labas ng kanyang tahanan.
Kaya marapat lamang na sa loob pa lamang ng tahanan ay mahubog na ng mga
magulang ang kanilang anak upang maging isang mabuting mamamayan. Kaya dapat na dito magsimula ang pagtuturo ng
tama at pagbabago ng kamalian. Sa punto
ito, kasama na dito ang usaping panglipunan tungkol sa pagtaas ng mga presyo ng
produkto at serbisyo. Sa panahon ngayon
na ang buhay ay nagiging mahirap dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga
bilihin dulot ng pagbaba ng halaga ng ating salapi, mahalagang maituro ng
magulang sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagtitipid at pag-iimpok. Sa ganitong mga panahon natin mauunawaan na
ang halaga ng bawat sentino at bawat piso na dumadaan sa ating mga kamay.
Sa isa naming hapunan, ipinaliwanag
ng aking ina ang aming mga nararapat gawin sa mga ganitong pagkakataon. Naging pagkakataon na rin ito upang maunawaan
ng bawat isa ang mga sakripisyo na gagawin.
Sa huli, ang lahat ng ito ay para sa aming pamilya. Ang aking pamilya ay isa sa nakakaramdam ng
kasalukuyang hirap ng buhay. Ang aking
mga magulang ay sinisikap kaming mga anak nila na mabigyan ng magandang
edukasyon sa kabila ng sakripisyo nila.
Tinitiis ng aking ama ang malayo sa amin upang matupad lamang ang
kanilang tungkulin sa amin. Gayun din
ang aking ina, sinisikap niya na mapag-abot ang aming mga pangangailangan sa
kabila ng lumalaki naming gastusin. Sa
aming pagtutulungan, kailangan namin magsagawa upang ang mga paghihirap na ito
ay aming malampasan. Kailangan ng bawat
isa ang maghigpit ng sinturon. Kailangan
ng bawat isa ang magsakripisyong magtipid upang makatulong na maibsan ng kahit
konti ang aming gastusin. Sabi ng aking
ina, ang salapi ay hindi pinupulot bagkus ito ay pinaghihirapan ng dugo at
pawis ng aking ama. Kailangan namin
pahalagahan ang bawat kusing na ibinibigay sa amin. Dahil sa bandang huli kapag natutunan namin
ang pagtitipid ay magagamit namin ito sa aming magiging buhay pagdating ng
panahon.
Mahalagang naipaliwanag sa amin ng
aking ina na ang pagtitipid ay iba sa pagiging kuripot. Ang matipid ay ang hindi paggastos sa mga
bagay na hindi kailangan. Samantalang
ang kuripot ay pagiging maramot o mayroong yaman sa pera ngunit hindi
gumagastos sa kadahilanang ayaw mabawasan ang yaman. Ang payo sa amin ng aking ina, maging
praktikal kung kailangan bang bilhin ang isang bagay upang sa gayon ay hindi ito
masayang. Dahil kapag hindi naman ito
mahalaga sa amin ay para na rin namin binabale-wala ang paghihirap sa
pagtratrabaho ng aming ama. Ang aking
mga interes sa buhay ay simple lamang.
Ayaw ko ng mga mararangyang gamit sa katawan, mga labis na kasiyahan sa
paglalaboy at magarbong pakikisalamuha.
Nagpapasalamat ako sa naging ugali kong ito dahil naiiwasan ko ang
maging bulagsak sa pera at maging magarbo sa buhay na hindi naman
kinakailangan. At nagpapasalamat din ako
dahil karamihan sa mga bagay na kasama sa pagtaas ng mga bilihin ay hindi
gaanong umapekto sa mga simpleng bagay na gusto ko. Ang simpleng paglalakad sa baybayin,
pagmamasid sa mga luntian ng kapaligiran, pagtugtog ng gitara at iba pa ay ang
aking mga nais sa simpleng buhay. Ang
aking pamilya ay nagtutulung-tulungan upang makasabay sa nagtataasang presyo ng
mga bilihin. Ang prayoridad ay
mahalaga. Kung gagawin natin na sa halip
na sa mga materyal na bagay gastusin ang malaking halaga ay mabuting ilaan ito
sa pang-araw-araw na pagkain o sa pag-iimpok.
Mas unahin natin kung ano ang kailangan kaysa sa kung ano ang
kagustuhan. Dahil anut-anuman ay maaari
nating gawin an gating kagustuhan anumang oras sa ibang pagkakataon.
Isang panlipunang suliranin ang
pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ngunit
hindi lamang gobyerno ang dapat kumilos upang matugunan ang suliraning
ito. Ang bawat pamilyang-Pilipino ay
kailangang makibahagi din sa pakikipagtulungan upang malabanan ang nangyayaring
ito. Kung sa loob pa lamang ng tahanan
ay matuturuan ang bawat isa na matutong maging masinop, makakaraos kahit
papaano ang bawat pamilya. Dahil ang
bawat isang pamilya kapag nagsama-sama sa isang maliit na mabuting gawain ay
isang malaking tagumpay ng ating pamahalaan.
No comments:
Post a Comment