Friday, April 26, 2019

SARILING PAGSUSURI


Kailan lang ay nagmuni-muni ako kung anung klase ba akong kaibigan at kasama. May mga inaasahan ako o may mga hinahanap ako na hindi nangyayari at may nakaka-argumento ako na iniisip ko kung bakit nangyayari.  Iniisip ko: makasarili kaya ako?  Marunong ba akong makisama? O baka naman hindi talaga ako madaling kagaangan ng loob? May ginawa kaya akong masama, mali o masakit ba akong magsalita o magbiro kaya hindi ako tinutugunan ng mga taong inaasahan ko?  O baka kaya mapaghanap lang ako?  Ang tao ay nakikisalamuha sa kapwa.  Mahalagang pagandahin natin ang pakikipagkapwa-tao.  Madalas ay sinusuri natin ang ating kapwa at may kahirapan sa akin ang suriin ang ating sarili.  Kailangan din natin na magsariling-pagsusuri dahil maganda kung malaman natin kung ano at paano ba tayo bilang tao, kasamahan at kaibigan.  Mayroon talaga tayong makakakontra-pelo ng ating paniniwala dahil magkakaiba ang mga tao.  Hindi kapintasan kung ikaw ay may nakakaargumento dahil ito ay bahagi ng pakikipagpalitan ng kuro-kuro na magbibigay sa iyo ng kaalaman.  Ang nakakabahala lang ay kung marami tayong argumento na humahantong sa alitan.

Iyung pagiging tapat, prangko at totoo ko, baka ang akala nila ay mapanakit ako ng damdamin.  Alam ko sa sarili ko na kapag nagsasabi ako ng isang negatibong katotohanan ay wala akong intensiyong manakit ng damdamin.  Bukal sa loob na walang halong malisya kundi purong pagsasabi lamang ng katotohan.  Mahirap maging 100% tapat o hindi manloloko ang isang tao, pero naniniwala ako sa pagiging-tapat kaya pinipilit kong maging tapat kahit alam kong may ilan akong mga maliit na kasinungalinan.  Minsan nagmumukha akong imposible, mababaw, at may sala pero gusto ko kasing maging tapat.  Baka 99% sa atin ay nagsisinungalin pero hindi lahat ay nangloloko.  Ang naturalesa ko ay ang pagsasabi ng totoo.  Hirap akong magsinungalin at hindi kapanipaniwala kaya kahit nakakasakit ay sinasabi ko minsan dahil hindi ko kayang magsabi ng hindi totoo.  Pero may kasinungalinan din ako dahil mahirap iwasan minsan kung kailangan mong iligtas ang sarili mo o para hindi ka makapagpahamak ng kapwa mo.  Iyung magsinungalin ka nang madalas para lumakas, gumanda at tumaas ang sarili mo o pagtakpan ang pagkakamaling ginawa mo – yun ang ayokong gawin.  Ang panloloko ay mas masahol sa pagsisinungalin.

May kaibigang nagsabi sa akin nuon na wala akong pagpapahalaga sa pagkakaibigan dahil kulang ako sa mga gawa.  Tahimik kasi ako at hindi ako mahilig ipakita ang aking kalooban pero totoo ako kung makipagkaibigan.  Iyung pagiging tahimik ko baka ang akala nila ay mahirap akong lapitan o kasama.  Kung malalaman o kung lubos lang nila akong makikilala, malalaman nila na ang katahimikan ko ay marahil dahil sa personalidad kong pasipista o mapagmahal sa kapayapaan.  Hindi ako tahimik dahil maselan at hindi palakaibigan kundi tahimik ako dahil hindi ako mahilig makipagtalo, makisabat sa usapan, magsalita ng kaalaman at makihalobilo.  Bukod dito, tahimik ako kasi aminado naman ako na hindi ako ismarte, mahusay manalita at huli pa kung minsan ang reaksiyon.  At tahimik ako dahil hindi rin ako yung mahilig mamuno kundi masunurin at mapagbigay lamang.  Ang katahimikan ng isang tao ay magandang pangitain sa pagkakaroon ng katahimikan at kapayapaan.  Kung ang bawat isa ay magkakaroon ng ugaling mapagbigay at kung ang katahimikan ay upang hindi na humantong sa kaguluhan at alitan, may pag-asa ang mundo nating makamit ang kapayapaan. 

Sa makabagong-panahon natin ngayon, kasiyahan ko ang magpakita sa social media ng mga bagay na natatanggap ko, kinakain ko, ginagawa ko, ugali ko, gusto ko, opinyon ko – inaakala kaya ng mga nakakakita na nagyayabang ako?  Minsan na akong nasabihan na hayaan mong ibang tao ang unang magsabi ng mga bagay na iyun.  Pero ang mga iyun ay hindi upang makakuha ng tugon kundi iyun ay pagpapakilala lang para kung ang inaakala nila na ako iyung negatibong alam nila ay nagkakamali sila dahil heto ako, ito ako.   Ang mga iyun ay ang totoong ako.  Wala akong intensiyong ipagmalaki ang mga ito kundi gusto ko lang sabihin na – ito ako.  Kung ang mga ito ay ginagawa ng isang tao sa kanyang sariling lugar niya social media na ayon sa alituntunin nito, sa palagay ko ay katanggap-tanggap na yun.  Ang hindi maganda ay ikalat mo ang sarili mo sa lugar ng may lugar, iyun ang kayabangan ng matatawag. 
Sa pagmumuni-muni ko, iniisip ko na baka naman hindi talaga ako yung walang malisya, mapagbigay at tahimik kundi tanga lang talaga ako.  Madalas kong makita – ang mga taong matatalino, hayagan magsalita, at hindi nagpapatalo ay sila yung mga nagiging mapagmataas, mapaghusga at mapaghari-harian.  Kaya kapag naiisip ko na sa aking katangahan ay nararamdaman ko pa rin na may mga kabutihan naman itong naibibigay.  At gugustuhin ko pa rin ang maging ganito dahil sa napakaingay, tuso at napakamateryalistikong mundo, mas gusto ko na ang maging isang tanga na parang bulag, pipi at bingi dahil sa mga ito ay nakakaiwas ako sa mga kasalanan.

Thursday, April 11, 2019

NANGHIHINAYANG


May mga bagay na maliliit o ordinaryo lamang na kapag hindi natin nagawa ay sobrang pinanghihinayangan natin dahil naunawaan na natin ang malaking kahalagahan nito.  Hindi man sila pangmalakasan tulad ng pakikipaglaban nang hindi sapat upang manalo sa prestihiyosong patimpalak,totoong pag-ibig na hindi ipinaglaban, o mga daan-libo o milyong pera na winaldas kundi mayroon ding mga maliliit na bagay na binabale-wala natin ngunit pinanghihinayangan natin nang labis kapag wala na o tapos na.  Tunay na malalaman mo ang halaga ng isang bagay kapag wala na ito.

Isa sa mga pinanghihinayangan ko na hindi ko na maaaring gawin ay iyung hindi ko nagawang maisakay sa eroplano ang aking nanay.  Gusto ko sana ay maranasan niya ang makasakay sa eroplano papunta sa isang kilala, mamahalin at magandang lugar – Boracay o El Nido.  Sa tanang-buhay niya kasi, bihira niyang maranasan iyung “buhay-mayaman” (siyempre hindi na naman ako mayaman).  Gusto ko sana na kahit minsan lang ay maranasan niya ang mai-tratong VIP mula stewardess hanggang sa mga tauhan ng hotel.  Nang panahon na kaya ko na siyang dalhin sa mga ganung lugar kaso siya naman ang umaayaw dahil sa kalagayan ng kalusugan niya.  Hindi kasi niya kakayanin ang malayo at matagal na biyahe.  Nag-iisip ako ng paraan para sa kombenyensa niya pero ayaw talaga niya at sa halip ay sinabi niya sa akin na kanyang mga apo o kapatid ko na lang ang isama ko.  Nakakalungkot at nakakaramdam lang ako ngayon ng pangungunsensiya dahil hindi ko nagawa, sana nung wala pa siyang karamdaman ay ipinasyal ko na siya, pero wala pa ako pang-laboy nuon.  Nakakahinayang lang.

Parang nuon din sa tatay ko, nang mawala siya ay may pinanghihinayangan din ako na hindi ko nagawa.  Dahil nuong mga panahon na iyon ay wala pa akong matatag na trabaho kaya wala talaga akong mga magarbong plano.  Simple lang sana pero hindi ko pa rin nagawa.  Iyung maabutan sana siya ng maraming gamit tulad ng mga damit at tsinelas.  Naaabutan ko siya ng maliit na halaga dahil ang malaking bahagi ng sweldo ko ay iniaabot ko sa nanay ko na siyang humahawak ng gastos sa bahay.  Ganuon din ang panghihinayang ko sa pagkakataon sa lola ko dahil hindi niya ako naabutan na magkaroon ng trabaho.  Palagay ko ay gusto niyang manirahan sa amin ngunit ayaw niyang makabigat pa siya sa amin dahil alam niyang hirap pa sa paghahanap-buhay ang tatay at nanay ko.  Madalas siya dumalaw sa bahay at gusto ko sana siyang pumirmi ng manirahan sa amin kapag nagkatrabaho na ako para kahit papaano ay hindi mahirapan ang nanay at tatay ko sa gastusin.  Nang magkaroon na ako ng trabaho ay pumanaw na siya.  Sana lang ay napagsilbihan ko siya.

Manghihinayang ka na lang kapag huli na ang lahat at sabay sabing nasa huli talaga ang pagsisisi.  Pero hindi natin magagawa o makukuha o masusunod ang lahat ng gusto natin.  Ang katotohanan ay marami tayong mga hindi nagagawa o nakukuhang bagay.  Mas masakit at mas nakakahinayang yung kaya mo naman ngunit hindi mo pa lamang ginagawa hanggang sa maubusan ka na lang ng oras na hindi nagawa kaysa sa hindi mo nagawa dahil hindi mo pa kaya.  Sa parehong sitwasyon, masakit lang ay iyung maliit na nga lang na bagay pero hindi pa nangyari.  Bakit hindi natin ginawa, bakit hindi natin pinilit?  Ewan.  Hindi natin alam bakit hindi nga natin ginawa at pinilit ang sarili natin.  Pero may dahilan ang lahat.  May dahilan kung bakit hindi pinahintulutan ng Diyos ang gusto natin, maliit man o malaki.  Maaaring pag pinilit natin ay may mas masamang kahihinatnan ang ating pagpupumulit, o maaaring ang akala natin ay maganda ang iniisip natin pero isipin na lang natin na may mas mabuti at malaki palang mangyayari sa atin.