Kailan lang ay nagmuni-muni ako kung anung klase ba akong kaibigan
at kasama. May mga inaasahan ako o may mga hinahanap ako na hindi nangyayari at
may nakaka-argumento ako na iniisip ko kung bakit nangyayari. Iniisip ko: makasarili kaya ako? Marunong ba akong makisama? O baka naman
hindi talaga ako madaling kagaangan ng loob? May ginawa kaya akong masama, mali
o masakit ba akong magsalita o magbiro kaya hindi ako tinutugunan ng mga taong
inaasahan ko? O baka kaya mapaghanap lang ako? Ang tao ay
nakikisalamuha sa kapwa. Mahalagang
pagandahin natin ang pakikipagkapwa-tao.
Madalas ay sinusuri natin ang ating kapwa at may kahirapan sa akin ang
suriin ang ating sarili. Kailangan din
natin na magsariling-pagsusuri dahil maganda
kung malaman natin kung ano at paano ba tayo bilang tao, kasamahan at
kaibigan. Mayroon talaga tayong
makakakontra-pelo ng ating paniniwala dahil magkakaiba ang mga tao. Hindi kapintasan kung ikaw ay may
nakakaargumento dahil ito ay bahagi ng pakikipagpalitan ng kuro-kuro na
magbibigay sa iyo ng kaalaman. Ang
nakakabahala lang ay kung marami tayong argumento na humahantong sa alitan.
Iyung pagiging tapat, prangko at totoo ko, baka ang akala nila ay
mapanakit ako ng damdamin. Alam ko sa
sarili ko na kapag nagsasabi ako ng isang negatibong katotohanan ay wala akong
intensiyong manakit ng damdamin. Bukal
sa loob na walang halong malisya kundi purong pagsasabi lamang ng
katotohan. Mahirap maging 100% tapat o
hindi manloloko ang isang tao, pero naniniwala ako sa pagiging-tapat kaya
pinipilit kong maging tapat kahit alam kong may ilan akong mga maliit na
kasinungalinan. Minsan nagmumukha akong
imposible, mababaw, at may sala pero gusto ko kasing maging tapat. Baka 99% sa atin ay nagsisinungalin pero hindi lahat ay
nangloloko. Ang naturalesa ko ay ang
pagsasabi ng totoo. Hirap akong
magsinungalin at hindi kapanipaniwala kaya kahit nakakasakit ay sinasabi ko
minsan dahil hindi ko kayang magsabi ng hindi totoo. Pero may kasinungalinan din ako dahil mahirap
iwasan minsan kung kailangan mong iligtas ang sarili mo o para hindi ka
makapagpahamak ng kapwa mo. Iyung
magsinungalin ka nang madalas para lumakas, gumanda at tumaas ang sarili mo o
pagtakpan ang pagkakamaling ginawa mo – yun ang ayokong gawin. Ang panloloko ay mas masahol sa
pagsisinungalin.
May kaibigang nagsabi sa akin nuon na wala akong pagpapahalaga sa pagkakaibigan dahil kulang ako sa mga gawa. Tahimik kasi ako at hindi ako mahilig ipakita ang aking kalooban pero totoo ako kung makipagkaibigan. Iyung pagiging tahimik ko baka ang akala nila ay mahirap akong lapitan o kasama. Kung malalaman o kung lubos lang nila akong makikilala, malalaman nila na ang katahimikan ko ay marahil dahil sa personalidad kong pasipista o mapagmahal sa kapayapaan. Hindi ako tahimik dahil maselan at hindi palakaibigan kundi tahimik ako dahil hindi ako mahilig makipagtalo, makisabat sa usapan, magsalita ng kaalaman at makihalobilo. Bukod dito, tahimik ako kasi aminado naman ako na hindi ako ismarte, mahusay manalita at huli pa kung minsan ang reaksiyon. At tahimik ako dahil hindi rin ako yung mahilig mamuno kundi masunurin at mapagbigay lamang. Ang katahimikan ng isang tao ay magandang pangitain sa pagkakaroon ng katahimikan at kapayapaan. Kung ang bawat isa ay magkakaroon ng ugaling mapagbigay at kung ang katahimikan ay upang hindi na humantong sa kaguluhan at alitan, may pag-asa ang mundo nating makamit ang kapayapaan.
Sa makabagong-panahon natin ngayon, kasiyahan ko ang magpakita sa
social media ng mga bagay na natatanggap ko, kinakain ko, ginagawa ko, ugali
ko, gusto ko, opinyon ko – inaakala kaya ng mga nakakakita na nagyayabang
ako? Minsan na akong nasabihan na hayaan
mong ibang tao ang unang magsabi ng mga bagay na iyun. Pero ang mga iyun ay hindi upang makakuha ng
tugon kundi iyun ay pagpapakilala lang para kung ang inaakala nila na ako iyung
negatibong alam nila ay nagkakamali sila dahil heto ako, ito ako. Ang mga iyun ay ang totoong ako. Wala akong intensiyong ipagmalaki ang mga ito
kundi gusto ko lang sabihin na – ito ako.
Kung ang mga ito ay ginagawa ng isang tao sa kanyang sariling lugar niya
social media na ayon sa alituntunin nito, sa palagay ko ay katanggap-tanggap na
yun. Ang hindi maganda ay ikalat mo ang
sarili mo sa lugar ng may lugar, iyun ang kayabangan ng matatawag.
Sa pagmumuni-muni ko, iniisip ko na baka naman hindi talaga ako
yung walang malisya, mapagbigay at tahimik kundi tanga lang talaga ako. Madalas kong makita – ang mga taong
matatalino, hayagan magsalita, at hindi nagpapatalo ay sila yung mga nagiging
mapagmataas, mapaghusga at mapaghari-harian.
Kaya kapag naiisip ko na sa aking katangahan ay nararamdaman ko pa rin
na may mga kabutihan naman itong naibibigay.
At gugustuhin ko pa rin ang maging ganito dahil sa napakaingay, tuso at
napakamateryalistikong mundo, mas gusto ko na ang maging isang tanga na parang
bulag, pipi at bingi dahil sa mga ito ay nakakaiwas ako sa mga kasalanan.
No comments:
Post a Comment