Tuesday, September 17, 2019

NAAALA-ALA KO SI NANAY

(Ikalawang salin ng NAGDARAAN LANG)

Nuon madalas sabihin sa akin ng nanay
“Mahirap ang tumandang nag-iisa”
Sa loob-loob ko, paghahandaan ko.
Pag-iipunan ko
para hindi ako manghihingi
Magiging mabait ako mga kasama
para hindi ako ayawan
at tatanggapin kong mahirap talaga
para maging handa ako.

Pero kailan lang ay parang nagparamdam na
kung paano ang nag-iisa.
Minsan ay nakaramdam ako ng takot
pero hindi ko alam kung bakit ako takot.
Hindi naman napagod, nasabik, nabigla,
o wala namang sakit na ininda muna.
Pero bakit?
Ang sagot pagkailang araw nalaman.
Hindi naman sa takot talaga
kung bakit kinakabahan ang nadarama
kundi sa lungkot ito nagmumula.

Kapag dinalaw ako ng inip habang nag-iisa,
iniisip ang mga nagdaan na pinanghihinayangan,
mga gagawin na hindi magawa-gawa,
mga masasayang bagay na di na maibabalik,
maiisip yung mga takot sa buhay,
tapos yung mga problema o mga pinagdaraanan
ng mga taong malalapit sa akin at mga kaibigan.
Maraming negatibo ang naiisip
kaya makakaramdam ng lungkot.
Malilito, ang dibdib hayan kakaba na,
hanggang tila matatakot sa pag-iisa,
at tuluyan na ngang malulungkot na.

“Mahirap ang tumandang nag-iisa”
sabi ng aking nanay.
Ilang singkad na lang, malapit-lapit na rin.
Ngayon ko nadarama ang hirap ng nag-iisa.
Hindi dahil walang katuwang sa buhay,
iyung walang tumutulong kapag mayroong hindi kaya.

Ang hirap ng katawan ay nakakaya
tulad ng mag-isa lang binubuhay ang sarili,
mag-isa sa gastos, mag-isang nag-iipon,
at nagpupundar ng kagamitan,
mag-isang naglilinis ng bahay.

Pero hindi katawan kundi,
ang hirap ay iyung sa isip.
Iyung lungkot. Walang kasama, kausap.
Mahirap dahil minsan natatakot ka pero wala kang kasama.
Kapag naiinip ka ay wala kang makausap.

Nahihirapan, nakakayanan naman
pero kapag yung natakot
na walang makakasama kapag mahina na,
naaala-ala ko si nanay.
Tuloy ay naiisip ko,
kapag matanda na nga ako, paano kapag sakitin na ako,
paano kapag matanda na ako
ay maramdaman ko ulit ang lungkot,
inip at takot na naramdaman ko ngayon?
Makakayanan ko ba?

Nuon ay kayang-kaya ko ang pag-iisa.
Kahit maghapong sa bahay nag-iisa,
nakaupo lang na walang ginagawa.
Kampante lang, ang isip ay malaya,
walang inip, lungkot at pangamba.
Ngunit bakit sa ngayon ay nag-iiba?
Dahil ba sa buhay ay nag-iisa?
Walang-katiyakang bukas ba,
o sa buhay ay napapagod na?
Mga nag-aalisang kaibigan kaya,
o mga iniisip na di nangyayari pa,
o marami lang negatibong akala?

Pero di pangamba kung bakit kumakaba,
kundi lungkot at inip kaya nangangamba.
Hindi ang hirap sa pagtanda nang nagiisa,
kundi ang lahat nito’y lungkot ng nag-iisa.
Nagdaraan lang sa isang bagong eskinita.
Madilim, makitid, at walang nagsasalita.
Sa dulo nito’y mararating ang gitna,
papunta sa tulad ng dating masigla.

Friday, September 13, 2019

NAGDARAAN LANG


Nang unang nangyari, ang aking akala,
natatakot kaya dibdib ay kumakaba,
pero ‘di alam kung bakit nangangamba.
Hindi naman napagod, nasabik, nabigla,
o wala namang sakit na ininda muna.

Pero  hindi naman sa takot talaga
kung bakit kinakabahan ang nadarama
kundi sa lungkot ito nagmumula.
Kapag dinalaw ng inip habang nag-iisa,
nag-iisip pero wala ng magagawa.
Malilito, ang gagawin ay ano nga ba?
Ang dibdib, hayan na ay kakaba,
hanggang tila matatakot sa pag-iisa,
at tuluyan na ngang malulungkot na.

Nuon ang pag-iisa ay kayang-kaya.
Gustong-gusto at natutuwa pa nga.
Kahit maghapong sa bahay nag-iisa,
nakaupo lang na walang ginagawa.
Kampante lang, ang isip ay malaya,
walang inip, lungkot at pangamba.

Ngunit bakit ngayon ay nag-iiba?
Dahil ba sa buhay ay nag-iisa?
Walang-katiyakang bukas ba,
o sa buhay ay napapagod na?
Mga nag-aalisang kaibigan kaya,
o mga iniisip na di nangyayari pa,
o marami lang negatibong akala?

Pero di pangamba kung bakit kumakaba,
kundi lungkot at inip kaya nangangamba.
Hindi ang hirap sa pagtanda nang nagiisa,
kundi ang lahat nito’y lungkot ng nag-iisa.
Nagdaraan lang sa isang bagong eskinita.
Madilim, makitid, at walang nagsasalita.
Sa dulo nito’y mararating ang gitna,
papunta sa tulad ng dating masigla.