Minsan, nagiging palaisipan sa akin kahit papaano kung ako ba ay may karamutan o pagiging praktikal lang ba ang umiiral sa akin. Una sa mga materyal na bagay na akin. Ayaw na ayaw ko na natatapon ang tubig sa gripo habang nagsi-sipilyo, umaandar ang bentilador o nakabukas ang ilaw, telebisyon nang walang gumagamit. Mas gusto ko ang magkaroon ng matibay na pangmatagalang baso kaysa gumamit ng disposable na baso araw-araw o mayat-maya. Ayaw ko ng maluho sa pagkain na laging may kaparahehas ang bawat putahe. May mga pangyayari na ayaw kong lagyan ng basura ang aking basurahan sa opisina dahil nanghihinayang ako sa supot/plastic kahit hindi naman iyun sa akin. Kung minsan nga, ayaw ko ng gamitin ang isang bagay para hindi masira agad.
At ikalawa tungkol sa mga bagay na may kasangkot na ibang tao. Sa pagpapahiram ng mga bagay na mayroon ako, nagpapahiram ako pero aaminin ko na may mga pagkakataon na alinlangan akong magpahiram dahil iniisip ko na baka masira, o baka hindi naman niya talaga kailangan, at may pagkakataon na ayaw ko ipahiram ang bagay dahil mahalaga o may kahulugan sa akin. May mga kaso na gusto kong magbigay pero ang problema ay hindi ko pag-aari ang hinihingi tulad halimbawa ng tubig, papel, etc. Sa loob-loob ko nga ay kung akin lang ang mga ito ay bibigyan ko sila lahat kaso baka masita ako.
Ang mga ito ay mga materyal na bagay. Iba pa pagdating sa pera. Sa madalas na pagkakataon ay hindi ako agad-agad pumapayag. Napag-iisip muna ako kung magbibigay ba ako o hindi. Hindi dahil pinag-iisipan ko ng masama ang taong nanghihiram sa akin tulad ng baka niloloko lang ako, o baka walang maipambayad.
Ang totoo nga nito ay kaya kong magpahiram ng pera man o bagay na
kapag iniabot ko na ay hindi ko na inaasahan na maibabalik pa. At may mga
hindi ko na siningil o kinuha pa. Pero kaya ako natitigilan na magpahiram
ay una, paano kung biglang mangailangan ako nang hindi pa niya naibabalik ang
kanyang hinihiram? Gusto kong tumulong pero maliit ang aking kakayahan at
pinagkukuhanan. Pero ibang kwento naman
kapag ang humihingi o humihiram sa akin ay ang mga taong masyadong malapit sa
akin tulad ng mga kapatid, pamangkin at matalik na kaibigan dhil hindi ko sila
kayang hindian.
Kung tutuusin, kapag sa mga bagay na alam kong marami akong maibibigay tulad ng likas na kaalaman ko sa pagsusulat ay napakadali akong lapitan para tumulong. Kasi alam ko naman sa sarili ko na marami ako nito. Siguro kung ang pera ko lamang ay sobra-sobra talaga na kahit magbigay ako ay wala akong aalalahanin sa kinabukasan ko ay wala akong pagaalinlangan na magbigay.
Sa kabila ng mga ito ay kahit papaano ay pinipilit kong tumugon sa mga kawang-gawa at ang totoo nito, para ako makapag-bigay ay pinagtratrabahuhan ko ang halagang iniaabot ko nang bukal sa loob. Kapag nakakakita ako ng mga ordinaryong tao na totoong kusang-loob na tumutulong sa mga mahihirap ay hinahangaan ko dahil naiisip ko na sila ay kayang-kaya nilang tumulong nang hindi na iniisip kung magkano ang matitira o ano ang mangyayari sa kanila. Sana maging katulad nila ako na totoong hindi makasarili, taos-puso ang kababaang-loob, kabaitan at katotohanan sa kanilang adbokasiya.