Thursday, May 20, 2021

PAGTANAW NG UTANG NG LOOB

Alam mo iyung pakiramdam na nasa sitwasyon ka na dahil sa respeto ay ayaw mong magsalita dahil baka makasakit ka kahit naniniwala ka sa sarili mo na wala kang ginawang mali?  Kapag ang isang taong nakakataas sa iyo katulad ng sa iyong pinagtratrabahuhan o ng komunidad, o sa pinagkakautangan mo ng utang ng loob ay kinagagalitan ka, pinagmumukha kang maling-mali, at ibinuhos ang mga paninisi, hindi ba’t parang napakaliit na ng tingin mo sa iyong sarili?  Sa kabila nito ay pinipilit mo pa rin ang magpakumbaba dahil mayroon kang tinatanaw na utang ng loob.  Mayroon kang nasaktan at nabigo kahit hindi mo gusto at hindi mo sinasadya, ngunit ang iyong mga dahilan at paumanhin ay hindi tinatanggap at walang patutunguhan, kung kaya nakakaramdam ka ng pagkapahiya, at nakukunsensiya ka.

Ang utang ng loob ay hindi nababayaran, lagi lang iyan nariyan.  Bayaran mo man ng malaking halaga, nariyan pa rin ang utang ng loob na tatanawit-tawanin mo pa rin sa mga darating na araw kahit nagbayad ka na.  May dalawampung taon na ang nakalipas nang mangyari sa akin nuon ang sitwasyon na hiyang-hiya at ang liit ng tingin ko sa aking sarili dahil kinagagalitan ako ng taong tumulong sa akin.  Nahihiya ako kasi binigo ko siya at maaaring nalagay siya sa hindi magandang sitwasyon sa aking ginawa kaya nakukunsensiya ako.  Nuon ay nakasama ako sa isang grupo na hindi ko naisip na magiging kasalungat iyon ng nasabing tao.  Malinis at tapat ang aking intensiyon at wala sa hinagap ko na iyon ay hindi katanggap-tanggap sa kanya kaya ganun na lamang ang lungkot ko nang ipamukha sa akin ng taong tumulong sa akin ang ginawa ko na para sa kanya ay mali.  Tama siya, may tama rin ako, siguro ay hindi lang ako naging matalino para alamin muna ang lahat ng posibleng mangyayari sa aking ginawa, at napakasakit ang masahiban ka ng walang utang ng loob.

Nauunawaan ko ang kanyang mga argumento at alam kong tama ang kanyang mga sinabi, at hindi ako nagdamdam sa kanya.  Katunayan hanggang ngayon ay kinikilala ko pa ang naibigay niya sa akin.  Magkaiba lang ang aming kinalalagyan, naruon kami sa kailangang gawin kung ano ang nararapat sa aming kinalalagyan.  Nasaktan man ako nuon pero hindi ako nagtanim ng sama ng loob, pero kung sakaling magkita kami muli pagkalipas ng mahabang panahon ay naruon pa rin yung hiya ko dahil ang tingin niya sa akin ay walang utang ng loob.  Ang totoo ay ayokong manglamang ng kapwa at marunong akong magbayad ng utang, nagkataon lang na hindi ko alam kung hanggan saan ang tubo ng aking utang.

Ang pangyayaring iyon ay isa sa mga ayaw kong nangyari sa aking buhay at parang hindi ko ito kayang gawin sa iba.  Magkakaiba tayo, para sa akin ay ayokong magmistulang walang-lakas, walang-saysay at walang maipamukha sa akin ang isang tao.  Ayokong manumbat sa mga bagay na aking nagawa at naibigay, malaki man o maliit ay ayokong gamitin ang mga iyon upang ipamukha sa kanya ang pagmamalasakit sa akin.  Ayaw kong maningil ng utang ng loob dahil walang hangganan ang pagbabayad nito at wala itong katumbas na salapi.  Ganun pa man, maraming paraan ang maaari mong gawin upang tumanaw ng utang ng loob ngunit hindi mo dapat basta-basta isakripisyo ang sarili mong kalagayan.

Ayokong-ayoko ng may naaargabiyado.  Anuman ang aking pagkukulang ay pinipilit kong punan, anuman ang aking pananagutan ay aking pinaninindigan, at anuman ang aking pagkakautang ay aking tinatandaan.

Thursday, May 06, 2021

HUWAG KANG MAGSISINUNGALIN

Napakahirap ang hindi magsinungalin, kahit sabihin na pambobola o  iyong pagsisinungaling na hindi nakasasakit ay pagsisinungalin pa rin ang mga ito.  Kaya nating patawarin o hayaan ito, pero iyung pagsisinungalin nang paulit-ulit, iyun ang hindi dapat binibigyan ng isa pang pagkakataon at pamimihasa.

 

KASINUNGALINANG PAULIT-ULIT

May mga tao na dahil hindi niya magawa ang mga dapat niyang gawin ay paulit-ulit siyang nagsisinungalin para palabasing ginagawa niya ang mga dapat niyang gawin ng sa ganon ay katuwaan siya.  Tulad ng kung para hindi magalit ang asawa ay sinasabi sa kanya na hindi mo ginagawa iyung mga ayaw niya kahit hindi totoo.  Gaya ng mga bisyo na paulit-ulit na sinusuway at pinagtatakpan.

 

Paulit-ulit na pagsisinungalin ng mga politikong ang sinabi ngayon ay babawiin sa susunod na araw.  Tulad ng sa una’y sinabing may pambili ng bakuna na naging walang perang pambili.  O kaya’y unang magpapabakuna, sumunod ay ipinapaubaya sa mas nangangailangan ang bakuna, sumunod ay magpapabakuna sa puwet at sinundan na magpapabakuna na.

 

KASINUNGALINANG PANGHIHIKAYAT

Parang iyung mga artistang pinapalabas na may nabubuong pagmamahalan pero ang totoo ay wala naman talaga kundi para lamang sa publisidad, takilya at kasikatan.  Halos buong bansa ang sumubaybay sa Kalyeserye.  Walang pinag-iba sa mga politiko na upang makahikayat ay gagatungan ang mga gusto ng tao tulad ng paglaban sa dayuhang mananakop ng ating teritoryo at pagkastigo sa mga nangungurakot, pero kapag ipinaala-ala ngayon ay sasabihin hindi pala iyun ang gusto niyang sabihin.  Panggagantso, hindi pangako.

 

KASINUNGALINANG PANINIRA

Mga bulaang propeta o propagandista, parehong ipinagangaral ang kabutihan ng kanila, magsasabi ng magagandang salita at ang hindi kapanalig ay ibabagsak upang makahikayat lamang.  Kinasasangkapan ang kaligtasan upang umanib sa kanila.  Parang mga naglipanang pekeng balita, magsisinungalin alang-alang sa kanilang ikabubuti.  Pagsisinungalin na may kasamang paninira tulad ng napakaraming inakusahang kasabwat sa droga upang sirain ang kredibilidad sa publiko, pag-imbento ng account ng bangko, at kahit ang pagsasabi ng gusot sa matrimonyal upang ilagay sa kahihiyan at panghuhusga ng mga tao.

 

KASINUNGALINANG PANG-GAGAGO

Ito ang nakakayurak ng pagkatao, iyung harap-harapan kang niloloko ng iyong asawa tungkol sa kanyang pangangaliwa.  Iyung mga tao na ang pagsisinungalin ay harap-harapan kahit kitang-kita ang ebidensiya ay itatatwa pa rin tulad ng pagsasabing walang nabuong istraktura sa WPS sa panahon ngayon ganung kitang-kita kahit ng taong duling ang mga bagong istraktura sa lugar, sinasabing inilabas ang desisyon ng Hague noong panahon ng nakaraang-administrasyon upang ibaling dito ang sisi, at ang itinatatwang wala daw sinabing pagbawi sa WPS samantalang milyong tao ang nakarinig at nakasaksi nuon sa debate.

 

Kapatid ng magnanakaw ang sinungalin dahil kinukuhanan ka nila ng paniniwala, pagkatao at mga bagay nang hindi mo alam o nang hindi bukas sa loob mo.  Iyung ipinapain ang pangalan, repustasyon o iyung itinataya ang mapangahas na paghahamon tulad ng resignasyon kung mapatunayang siya ay mali, sinisira nito ang isang tao.  Sa una ay may bigat pero kapag higit tatlong beses na binawi o pinalusutan ay nagiging luma at paraan na lamang upang iwasang harapin ang kinasasangkutan na kontroberiya. Mahirap magtiwala sa mga taong ubod ng sinungalin, ganito kahalaga ang tiwala dahil usaping pagtitiwala at tiwala ang nakataya dito.