Sa pagliliwaliw ko sa internet ay napapadaan ako sa mga pahina tungkol sa mga lumang bagay, lugar at pangyayari nuong mga unang panahon ng 1970’s, 1960’s, 1940’s at kahit nuon mga panahong 18000’s pa. Madalas ay mga lumang larawan ng Maynila, Pasig, EDSA at ibang karatig-bayan ng Maynila. At madalas kong makita at mabasa ang mga paulit-ulit na sinasabi ng mga taong tulad ko rin na napadaan at mga tambay na sa pahina na iyon.
“Mas maganda nuong araw kaysa ngayon.”
“Sariwa ang hangin”.
“Mas tahimik, mas maayos, mas maaliwalas nuong araw.”
“Gusto ko nuong araw dahil walang trapiko, malinis ang kalsada at
hindi siksikan ang mga tao.”
“Mas disiplinado at disente ang mga tao nuon kaysa ngayon.”
“Mas gusto ko nuon dahil mas magaan at simple lang ang buhay kaysa
ngayon.”
Para sa akin, may katotohanan ang mga sinasabi nila pero mas naniniwala ako na nasasabi lang nila ang mga ito dahil nananaglihi lang sila sa nakaraan o nakalipas na hinding-hindi na kayang ibalik. Maaaring may ilan ang totoong gustong magbalik sa nakaraan pero marami sa atin ngayon ang napupuri lang ang nakaraan dahil nakukumpara nila ang kasimplihan nito sa buhay natin ngayon.
Hindi totoong “madali lang” ang buhay sa probinsiya. Ang dapat ay “simple” lang ang buhay sa probinsiya. Dahil kahit nasa probinsiya ka pero kung hindi ka magtatanim ng ibat-ibang pananim sa kani-kanilang panahon, kung hindi mo papalitan ang iyong ginapas na bunga at hindi rin kalakihan ang iyong taniman, kung hindi ka marunong mangahoy sa bundok, o manghuli ng isda, at kung hindi ka kikilos para sa kakainin mo – mahihirapan ka rin kahit nasa probinsiya ka. Alalahanin mo na ang simple ay hindi lang sa ganito nakikita. Iyung walang gayak sa katawan, hindi ka mapaghanap ng makabagong kagamitan, ayaw mo ng kaluhuan tulad ng magarbong piging at pananamit, at wala kang bisyo, ito yung mga unang nagsasabi na ikaw ay simple lamang.
Iyung sasabihin na “pag-gising mo sa umaga ay preskong hangin at maberdeng kapaligiran ang sasalubong sa iyo” o “ganitong simpleng buhay probinsiya lang sapat na”, totoo ang pakiramdam na ito pero ang katotohanan, sa umpisa lang ito dahil ang pakiramdam mo ay nagbabakasyon ka lang mula sa siksik mong trabaho sa siyudad pero kung hanggang sa nalalabing buhay mo ay aayaw ka rin. Palagay ko ay hinding-hindi nila magugutuhan ang mabagal na usad ng buhay hanggang sa nalalabing araw mo.Mapapasalamatan at maisasabuhay mo ang buhay sa probinsiya kung ikaw ay likas na mapag-mahal sa kalikasan, at totoong simple lang ang buhay.
Nasa taong-2022 na tayo. Sa panahon ngayon ay imposible ng ibalik ang sinasabing “mas maganda, mas tahimik, mas maaliwalas, mas sariwa ang hangin, mas magaan ang buhay nuong araw”. Mahirap na iyon gawin ulit dahil ibang-iba ang sitwasyon nuong araw at ngayon. At tayong mga tao rin ang may kasalanan sa nangyari sa kapaligiran natin. Unang-una, kakaunti pa lamang ang tao nuong mga panahon na iyon kaya natural lamang na maaliwalas at mas malawak ang kapaligiran, mas madaling suhetuhin ang mga tao, at mas sagana sa pagkaing-dagat at pagkaing-lupa. Pero dahil ayaw ng simpleng buhay ay nagsipuntahan ng Maynila ang mga nasa probinsiya. Nang dumami ang mga tao, mas dumami ang mga nagsisipagparit-parito sa lansangan, mas dumami ang mga itinatayong bahay at gusali, naging siksikan, nagkaroon ng trapiko, at mas dumami ang basura. 1970’s pa lang ay naririnig ko na ang “magplano ng pamilya”pero hindi nakinig ang mga tao kaya lumobo ang ating populasyon. Mas malaking populasyon, mas maraming tao ang pagsisilbihan ng gobyerno mula sa lumiliit na puhunan dahil lumiliit ng lumiliit ang taninan na nagiging lumalaking kabahayanan. Kaya mahirap tugunan ang ating pangangailangan serbisyo-publiko dahil masyado na tayong marami na nanakiki-amot sa grasya.
Nauna lang ang Maynila at karatig-lugar nito pero kung titingnan ay ganuon din ang tinatahak na mangyayari sa mga probinsiya ngayon kung tuloy-tuloy pa rin ang mga tao sa ginagaw nila ngayon. Ang dating Cebu nuon ay ibang-iba na sa Cebu ngayon. Ang Baguio nuong 1900’s ay malaki ang ipinagbago ngayong 2022. Ang Laguna de bay nuon ay iba na ngayon. At maraming-marami pang iba.