Naniniwala
ka ba sa kasabihang “ang pera na nakuha sa madaling paraan ay madali ring
maglaho?” Sa pangkalahatan, ang kayamang tulad ng salapi at mga ari-arian
na nakamit sa walang kahirap-hirap na paraan ay mas madalas kaysa hindi ay napakadali
at napakabilis gastusin sa mga walang kabuluhan at mga hindi pinag-isipang
bagay. Magmuni ka, isipin mo ang lahat ng pera na nagkaroon ka, tingnan
mo ang iyong sarili at tanungin – “saan ko ba pinagdadala ang perang nakuha ko?” Ang pera na nakuha mula sa pamana,
napanalalunan sa palaro, balato mula sa kakilala, at iba pang biglaang dating
ng pera ay nagagamit natin sa ating sariling kaligayahan na mapagbigyan ang
luho at saya. Sa kadahilanang minsan
lamang nangyayari ang ganitong biglang pagkamal ng pera kaya sinasamantala ang masayang
pakiramdam ng may maraming pera.
Kahit ang
pera na nakuha sa mali at maruming paraan tulad ng panloloko sa trabaho, panghuhuthot,
pagnanakaw, pangangalakal ng katawan at pagsusugal ay dili-kayang dumating at lumisan
lamang. Dahil hindi naman talaga ito
pinaghirapan kaya kung gastusin ito ay walang panghihinayang. At yaman
din lamang na ito ay hindi pinaghirapan, mas madalas ay nawawaldas ito sa mga
bagay na walang malaking importansiya kaysa magbayad ng mga utang o itago sa
bangko. Ang kalabisan sa kinikita ay
kasagutan upang madaling magkaroon ng mga mamahalin at napapanahong gamit. Ngunit dahil nanggaling ito sa maling
pamamaraan ay nawawala ang pagpapahalaga na ingatan ito. Sa kadahilanang may paraan kang magkaroon ng
pera sa maling paraan ay madali at malakas ang loob mo na gumawa ng mga
pagkakagastusan. Hindi ka
nagdadalawang-isip kung malaki o mahalaga ba ang pagkakagastusan at wala kang kaba
sa gastos dahil hindi ka naman nanghihinayang sa perang nakuha sa
panlalamang. Maaaring ang nasa sa isip mo
ay pera lamang ito na madali mong kikitain ngunit ang punto dito ay ang
nawawalang pagpapahalaga sa kinikitang pera.
Bihira ang napupunta sa magandang kapakinabangan mula sa pera na
nanggaling sa kasalanan.
Sa labis
na salapi, maging ang makagawa ng kriminalidad at kasalanan tulad ng
pangigipit, kagustuhang makipagtalik, pagbili ng pabor, at paggawa ng mga bawal
makuha lang ang kagustuhan ay kayang gawin.
Ang salapi ang ugat ng mga kasamaan.
Nang likhain ito ay ito ang naging sukatan ng ating kapangyarihan kung
ano ang kaya nating gawin. Sa mundong
ito, ang may labis na salapi, lalo na iyung mga nakamit sa maling paraan ang
siyang naghahari, nagpapakasasa at tinitingala.
Ngunit anumang materyalismo ay hindi nagtatagal, naglalaho ito at kung
minsan ay pinagdudusahan kung kailangan.
Bagamat
mayroong mga namamayagpag nang matagal na panahon katulad ng mga politikong
nababalitaan natin na nagkakamal ng pera sa madaling paraan, ngunit ang
karamihan sa mga taong may maling diskarte ng pagkakaperahan ay hindi
ikinayayaman ang mga perang pumapasok sa kanya.
Pansinin, sa pagkuha mo ng pera sa hindi malinis na paraan ay hindi mo
ito maitigil na gawin nang paulit-ulit dahil kailangan mo pa rin.
Maraming beses ka ng nagkapera sa hindi patas na paraan ngunit bakit hindi ka
makahulagpos sa hirap at problema? Maaaring papalaki ng papalaki ang
iyong pangangailangan upang mabuhay ngunit hindi ka pa rin umuunlad. O kaya’y may mga dumadating sa iyo na mga pagkakagastusan
na wala sa plano, may mga biglaang pangangailangan sa iyong pamilya at
kamag-anak, at kung ano-ano pa. Dahil sa
kinikita mo ang iyong kabuhayan sa maling paraan, ang ibinabalik lang ng
tadhana ay nararapat sa balik ng karma.
Dahil
tayo ay nasa panahon ng materyalismo, ang salapi ang nagiging batayan natin ng
ating kasiyahan at tagumpay. Sa kagustuhan na matupad ang gusto ay
kanya-kanyang diskarte ang mga tao sa paggawa ng pagkakaperahan kahit hindi
tama at hindi patas. Parehong sa kakulangan at sa kalabisan ng pera ay
nakakagawa ang mga tao ng mga mali. Ngunit isipin natin, na kay
sarap pa ring mabuhay ng walang alalahanin at dalahin. Yung kapag tinanong ka kung naging tapat ka
bang empleyado, mabuting opisyales, at patas na negosyante ay masasagot mo
silang lahat ng taas-noo.
Ni Alex
V. Villamayor
June 14,
2014
No comments:
Post a Comment