Monday, June 09, 2014

GALIT NG PUSONG-BATO

Maaaring may mga kilala tayo na kapag galit sa isang tao ay wala ka ng maririnig na magagandang bagay patungkol sa taong nagagalit siya kung sa ano mang kadahilanan.  Masasakit na salita ang namumutawi sa kanyang bibig kapag nakikita niya ang taong iyon, mistulang inaalipusta na niya ang buo nitong pagkatao at inilulubog sa putikang ginawa niya para sa taong iyon.  Binabansagan niya sa ibat-ibang katawagan, ginagamit sa mga birong-pananakit, at pinagtatawanan ang mga bagay na ginagawa ng taong nagagalit siya, ngunit ang pinakamali dito ay ang lahat ng ito ay sa talikuran niya ginagawa.  Sa kabila ng pagbibida niya nito sa maraming tao na tinatangkilik ng mga kausap, sa gitna ng kanilang kasayahan ay lumalabas na hindi talaga siya mabuti kundi nakakatawa lamang.

Hindi magandang magsalita ka ng iyong galit sa isang taong nagagalit ka kapag nasa maraming tao.  Dahil kapag naririninig ng ibang tao kung gaano mo siya alipustain at pagtawanan ay hayagang paninira, panlilibak at panghihiya na iyon na sumasalamin sa uri ng iyong pagkatao na mapagmataas, mapanghusga at mapanghamak.  Paano kung ang mga sinasabi mong mali at kapintasan ng taong iyon ay hindi naman kamalian sa iba?  Inilubog mo na ang tao sa maling akusasyon.  Tandaan natin na ibat-iba ang paniniwala ng mga tao na hindi natin maaaring ipantay sa ating sariling paniniwala.  Ang pag-sasalita tungkol sa kapintasan ng isang tao sa gitna ng maraming uri ng tagapakinig ay may halong paninira at pagmamalaki kumpara sa kung ito ay pag-uusap lamang sa pamamag-itan ng mga malalapit na kaibigan.

May mga taokasi na kapag mainit ang dugo sa isang tao ay hindi na niya ito magugustuhan at puro mga kapintasan at kamalian na lamang ang kanyang mga nakikita.  Na kahit gumawa man ito ng isang magandang bagay ay hindi pa rin siya natutuwa para dito bagkus sinasabing hindi naman iyon maituturi na kagandahan.  Para bang wala na itong ginawang maganda, mabuti, at tama na lahat ay hinahanapan niya ng maipipintas.  Kung magagawan pa niya ng paraan na mahadlangan ang ikagaganda nito ay hahadlangan niya, kung kaya kapag may magandang kaganapan na nangyari sa taong iyon ay nasasaktan siya.

Kung isa o tatlo ang mga taong hindi mo kinagagaangan ng loob dahil sa kanilang katangiang hindi mo gusto ay masasabi nating hindi ito mali. Ngunit kung higit sa apat, anim o siyam ay siguradong ikaw na ang may problema sa sarili na kailangan mong lutasin.  Mayroon din naman akong mga hindi nagugustuhang tao na sabihin nating mabigat ang loob, ngunit ang mga negatibong bagay na nararamdaman ko sa mga taong iyon ay hanggang maaari ay sinasarili ko na lamang. Kung hindi ko man makayanan ay hanggang sa mga piling kaibigan ko lamang ibinubuhos ang aking saloobin patungkol sa taong iyon. Kaya kapag nakakarinig ako sa kwentuhan ng maraming tao tungkol sa isang tao ay nalulungkot ako para sa taong pinag-uusapan.

Pakatandaan lamang, kapag galit ang nangunguna sa atin ay hindi na natin nagagawa ang makapag-isip nang may paninimbang kaya kung ano man ang mga nabubuo sa ating isip at lumalabas sa ating bibig ay hindi na natin nalalaman – makapanakit man tayo ng damdamin o makasira ng tao.  Kapag naghahari ang galit sa ating puso, hindi nito mauunawaan ang mga paliwanag ng ibang tao at hindi nito binibigyan ng puwang ang tumanggap ng katwiran upang subukang kilalanin ang pagktao ng taong kanyang kinamumuhian.

Ni Alex V. Villamayor
June 9, 2014

1 comment:

Anonymous said...

Totoo. may mga tao kasi na ang akala sa sarili nila ay palaging tama.