Saturday, June 28, 2014

RAMADAN NA NAMAN

Sa pagpasok ng banal na buwan ng Ramadan, mayroon lang akong obserbasyon sa ibang mga kasamahan na aking ikinalulungkot.  Walang hindi nakakaalam na lahat tayo ay pawang mga banyaga, dayuhang manggagawa, o di kaya’y mga panauhin lamang dito na nararapat sumunod sa mga kautusan ng bansang ito  Ngunit mayroon lamang mga sadyang nagpapasaway.

Ang buwan ng Ramadan ay isang banal na panahon ng ating mga kapatid na Muslim na kailangang igalang ng sino mang may kakaibang paniniwala sa ayaw man natin o sa gusto.  Bukod sa pag-aari nila ang lugar na ito, dapat nating bigyan ng pagpapakumbaba na mairaos nila ito nang ayon sa kanilang paniniwala at kagustuhan.  Hindi natin dapat pagpakitaan ng kagaspangang-asal ang may-ari ng tahanan na nagpapatuloy sa atin.  Kung mayroon kang hindi nagugustuhan at hindi mo ikinasisiya, kailangan mo itong palampasin o lisanin mo ang lugar na ito.

Ang pag-aayuno ay isang napakadakilang gawain na patungkol sa paglilingkod sa Dakilang Diyos.  Ang hindi pagtugon sa pagtighaw sa anumang materyal na kasihayan ng ating katawang-lupa sa loob ng takdang-oras ang siyang pinakagawa ng pag-aayuno kung kaya kailangan natin itong igalang at hayaan.  Ngunit sa aking matagal na pananatili dito ay napipintasan ko ang aking sariling mga kababayan at kapatid na sinasadyang hindi sumunod sa mga patakarang isinasaad.  May mga kakilala ako na nakikita ng aking mga mata na sa kabila ng paalala ay walang pakialam kung magsigarilyo o kumain sa isang bukas na lugar, na makikita naman sa mga mukha kung nakaligtaan lamang o sinasadya.

Nagtatapang-tapangan, nanunukso, nagbibiro, nagpapansain, nagkukunwari o hindi sinasadya, anuman ang dahilan ay mali lahat.  Mayroong ibang tao na kung bakit alam na alam naman nila na hindi dapat itong gawin ay ginagawa pa rin nila.  Upang ipakita ang kasiyahan? Upang manukso sa mga nagugutom at kung hind makatiis ay kumain na rin?  Ang ganitong gawain ay walang pinagkaiba sa  apatnapung-araw na pag-aayuno sa disyerto ng ating Panginoon sa loob ng araw na iyon ay tinukso ng dimonyo upang sukatin ang kanyang lakas at pananalig.  Sa ginagawa ng ibang tao ngayon ay parang pinalalabas nila na tinutukso ng mga dimonyo ang mga nag-aayuno sa banal na panahon na ito.  Huwag naman sana nating sirain ang reputasyon ng katokalismo, huwag naman sana nating hayaan na ituring tayong dimonyo dahil ganitong asal, huwag tayong mawalan ng galang kung nais natin na igalang din tayo.  Huwag maging dimonyo.

Bilang pagkilala sa ating pinapaniwalaan ay hindi naman lubusang ipinagbabawal sa ating hindi mga Muslim ang hindi mag-ayuno.  Hindi ba’t napakagandang paggalang na iyon sa ating paniniwala?  Hindi naman tayo pinipilit na sabayan sila sa hindi pagkain at pagsisigarilyo sa maghapon ngunit sana man lamang ay magkaroon ang ating ibang mga kapatid ng maliit man lang na pang-unawa at paggalang.  Kung ayaw nating mag-ayuno ay ikubli naman sana natin ang ating mga makalupang kasiyahan.  Dahil isa ito sa buod ng kahalagahan ng pag-aayuno – ang pag-iwas sa kapusukan ng pagiging tao upang lumakas ang kanyang pananalig sa Diyos at mapalapit sa pamamag-itan ng pagtitiwala, pagdarasal at pagpapakumbaba.


Ni Alex V. Villamayor
June 29, 2014 (Ramadan 1, 1435)

No comments: