Kadalasan,
hindi maganda o kaaya-aya ang pagtanggap ng mga tao sa pagtanda, pagiging
nakatatatanda o sa buhay ng matatanda.
Hindi sa pinupulaan, ibinababa o tinatanggihan ito pero parang negatibo
ang tingin natin sa edad na sisenta, sitenta, otsenta o higit pa. Nakakainip, malungkot, walang kulay, walang
halaga, parang tigil na ang pangarap, galawan at buhay kapag sumapit na tayo sa
dapit-hapon ng ating buhay. Wala na
iyung pakikipaghalakhakan, maingay na kapaligiran, mabilis na galawan,
makukulay na pangyayari, paglalaboy at pagkain ng kung anu-ano sa kung
saan-saan, wala ng pag-aala-ala o pangangalaga sa katawan at hitsura. Iyung tanggap na ang pagkulubot at pagkatuyot
ng mga balat, pagputi o pagkalagas ng mga buhok at ngipin, ang mga mata ay
nagluluha, ang bibig ay hirap itikom at ang katawan ay nahuhukot na tila pagod.
Kapag
iyung tayo ay nag-iisip kung ano ang magiging lagay ng ating sarili pagdating
ng araw na matanda na tayo, nalulungkot tayo dahil ang laging nakikini-kinita
natin sa buhay ng mga nakatatanda ay iyung tagpong nasa isang tahimik at madlim
na silid, nakatayo sa likod ng bintana upang mamintana, ang mapanglaw na mga
mata ay nakamasid na lamang sa nakikita mula sa labas ng bahay. Madalas din
nating makita sa ating isip ang tagpong nasa silyang tumba-tumba, nakaharap sa
pinto na tila ba naghinhintay ng darating, ang maririnig ay ang tunog ng
nakasabit na relo sa dingding, maaaring nagbabasa o nakikinig ng radiyo. Mabagal ang buhay dahil wala na iyung maramng
kilos ng katawan. Maaaring ang ginagawa
na lamang natin ay ang magsaing, magwalis at magbantay ng bahay.
Ngunit
marami pa ring kwentong tungkol sa matatanda ang nangyayari sa paligid natin. Maaaring makita natin ang isang nakatatanda
na mag-isang naglalakad na sa likod ng paglalakad na ito ay isa siya sa mga matatanda
na sa dapit--hapon ng kanilang buhay ay nag-iisa, walang pamilya o naulila ng
mga mahal sa buhay. Maaaring mayroon
siyang sakit na hindi maipagamot sa ospital, maaring walang kumukupkop sa kanya,
walang tirahan na kailangang madala sa tahanan para sa mga matatanda upang
maalagan at maibigay ang pangangailangan. Maaaring nakikita natin silang nagkakatuwaan
ngunit sa likod ng mga ngiti ng mga lolo at lola sa loob ng bahay ampunan ay naroroon
ang kasabikan at pangarap na mas gusto pa rin nila ang nasa kanilang mga mahal
sa buhay ngunit paano kung wala na o pinabayaan na sila? Masdan natin ang isang ordinaryong matatanda
na tahimik na nakaupo sa isang lugar sa tabing-kalsada. Sa kanilang mga mata ay may kwento ng
kapaguran ng buhay. Mayroong hanggang sa
takip-silim ay nagpapakapagod pa rin upang mabuhay, patuloy na tumatayong
haligi ng tahanan na nagbabanat ng buto, may mga responsibilidad na naka-atang
sa balikat at nakikipaglaban pa rin sa hamon ng buhay. Nakakaawa ang mga matatanda dahil wala na silang lakas
upang makipaglaban pa sa buhay. Pagod na
sila sa matagal na pakikipag-laban sa buhay pero mayroon pa rin sa kanila ang
patuloy na kumakayod para sa kanilang pamilya.
Para
sa mga nasa lalabing-tanunin, mga kabataan, mga nasa kalagitnaan ng buhay at
iyung mga nasa ginintuang edad, ang buhay ay makulay, napakasaya at
punong-puno ng pag-asa, kulay at ibat-ibang mga kaganapan. Ang sarap ng buhay sa gitna ng tawanan ng mga
kaibigan, pakikipagdiskusyon sa mga pangunahing balita, nakikisabay sa mga
nangyayari sa kapaligiran, nakikiuso sa kasalukuyang panahon, humahabol sa
trabaho, naglilibang sa pagbisita sa mga kaibigan, pagpunta sa ibat-ibang
lugar, at pakikipag-pambuno sa hamon ng buhay.
Punong-puno ng buhay ang mga panahong namamayagpag ka sa iyong kalagayan
ngunit sa pagtanda natin, anu nga ba ang buhay ng mga matatanda? Masaya ba sila? Mayroong sa pagsapit ng kanilang dapit-hapon
ay masasabi nilang nabuhay sila sa kahulugan ng isang buong ikot ng buhay. Mayroong matatanda na hanggang sa huling
bahagi ng buhay ay tila nang-uungot pa rin ng saya, ng ginhawa at ng biyaya. Sa tugatog ng ating panahon, sa tamang paraan
ay mahalagang gawin natin ang mga nais nating makamit sa buhay at ang
makapagpapasaya sa atin. Kung sa
pagsapit ng mga huling sandali ng ating buhay, mayroon man tayong mga hindi
nakamit ay masasabi nating sinubukan nating tuparin ang ating mga pangarap.
No comments:
Post a Comment