Friday, November 10, 2017

TRABAHO

Kapag iyung sunod-sunod na ang trabaho mo, iyung nakakapagpahinga ka lang kapag napagod ka at kapag nakabawi na ay tuloy ulit ang trabaho, kapag iyung napakarami talaga ng trabaho mo na talagang kulang ang walong oras para matapos lahat, na kahit ginagawa mo na ng paraan na mapabilis ang trabaho mo ay nag-aabot pa rin ang mga bagong trabaho at ang tinatapos na mga naunang trabaho ay duon ka na nakakaisip na piliting akuin pa rin ang tabaho kahit kalabisan na para sa iyo o iwanan na lang ito.
Naisip ko ang mga ito nang isang naka-bakasyong kasamahan ang dumalaw sa opisina ang aking nakausap.  Nagpapagaling siya dahil sa naging karamdaman niya sa puso na nakuha niya sa kahapuan sa sobrang dami ng trabaho.  At sa aming sandaling pag-uusap, nararamdaman ko kung ano ang kalagayan niya at nakikisimpatiya ako sa kanya dahil alam ko kung ano iyung pinagdadaanan niya.  Ramdam ko kung ano iyung nararamdaman niyang presyon at pagod sa trabaho.  Sa loob ng matagal na taon ay nakikipaggpambuno siya sa tambak na trabaho at nakikipagdiskusiyon sa mga nakatataas sa kanya.  Sa dami ng kanyang mga alalahanin at responsibilidad sa trabaho, naiintidihan ko kung bakit naging maiinitin ang kanyang ulo.  Ito, ang tensiyon, presyon at pagod ang nagdulot ng problema sa kanyang puso.

Sa palagay ko, kapag ang isang tao ay tutok sa trabaho na ibinigay sa kanya, na sinisigurado niyang ang mga nalalaman, kagustuhan at pamamaraan niya ay mailalapat sa trabaho, at kung mahal mo ang iyong trabaho ay hindi mo maisasakripisyo na hayaan o magdusa ang kalidad nito.  Kung responsable kang manggagawa o tao, hindi mo magagawa na hindi ibigay ang magagawa mo sa trabaho, o iyung maipakita mo ang pakialam mo kahit hindi na sakop ng oras ng trabaho mo.  Nararanasan o nararamdaman mo ba iyung habang ginagawa mo ang trabaho mo ay ramdam mo iyung bigat ng loob mo dahil napapagod ka na, na pakiramdam mo ay galit ka na at nakikita ito sa iyong mukha, at ramdam mo yung kabog ng dibdib mo dahil minamadali mong matapos na ang ginagawa mo?   O iyung mabilis mong ginagawa ang trabaho mo dahil may mga nakahanay pang trabaho na gagawin ka pa pero may tatawag sa iyo para sa panibagong dagdag-trabaho pa?  O iyung pakiramdam na hindi mo makuhang umihi agad-agad dahil mabibitin ang ginagawa mong trabaho?  Ang mga ito ay danas na danas ko na siyang ikinakatakot kong maging sanhi ng aking karamdaman kahit na kampante akong nag-iingat sa aking mga kinakain para sa kalusugan ko.

Napakadali ang magpayo na hayaan mo lang ang trabaho.  Madaling sabihin ito dahil wala sa kaparehas na sitwasyon ang nagsasabi, o maaaring hindi niya narabasan kaylan man ang maging totoong abala, o baka hindi siya ma-hands on sa kanyang trabaho.  Madaling sabihing huwag mag-uwi ng trabaho o huwag magtrabaho pagkalampas ng walong oras pero kung alam na alam mong walang ibang gagawa ng iuuwi mo sa bahay o kailangan mong gawin pagkatapos ng maghapong trabaho ay mapipilitan ka talagang gawin ang mga ito.  Dahil ang pinakaintensiyon mo ay yung mabawasan ang mga gagawin mo kinabukasan kapag nagsimula ka na ng maghapon mong trabaho.  Iyung sabihing matutong tumanggi o sumagot ng hindi kapag mayroong mga ipinapasa sa iyong trabaho, siguro ay dapat matuto muna ang mga tao na huwag manlamang na iutos ang kanyang trabaho sa iba.  Huwag magsamantala na dahil alam nilang mapagbigay ang isang kasamahan nila sa trabaho ay ibinibigay nila dito ang kanilang mga trabaho.  Tama na tumanggi kapag alam mong marami ka ng ginagawa o sabihin na nating hindi sa iyo ang trabaho na ibinibigay.  Pero may mga tao talaga na mababa ang loob, malawak ang pang-unawa at matulungin kaya kung minsan ay hindi sila makatanggi.


Magkakaiba tayo ng pamamaraan kung paano hawakan ang ating trabaho.  Maaaring may mali sa mga taong natatambakan ng trabaho pero bago sila husgahan ay pag-aralan muna ang kanilang mga sitwasyon.  Kung nagagawa nilang makaagapay sa pamantayan ng trabaho at makipagsabayan sa tawag ng pangangailangan, matambakan man sila ng trabaho ay hindi nangangahulugang mabagal o mahina sila sa pagbibgay ng trabaho.  May mga bagay lang na talagang dumadating sa lahat upang hamunin ka at maipakita mo ang iyong tibay at kakayahan.  Masakit  lang makita na habang ganito nagdurusa ka sa kalagayan mo ay marami ang wala na nga sa kalikingan mo ang dami ng mga ginagawa ay hindi pa makapagtabaho nang mag-isa, tama at sila pa ang nakukuhang magrreklamo sa kanilang kalagayan.

No comments: