Thursday, November 09, 2023

ANG AKING PAGSUSULAT-3

Nagsimula akong magsulat ng mga kuwento at tula sa edad na humigit-kumulang labing-tatlo.  Ang mga isinulat ko ay produkto ng kung ano ang nararamdaman o nalalaman ko.  Maganda o hindi, kamalian o katuwiran ay isinulat ko dahil yun ang aking nalalaman.  Isinulat ko hindi para ibenta kundi upang idokumento at itago ang mga produkto ng aking pag-iisip.  Gawa-gawa o likhang-isip man ang iba ay katotohanan pa rin yun na iyun ang aking palagay, opinyon, pagkakaalam, at paninindigan.

 

Sa panahon ngayon, marami ang nag-asta na manunulat dahil kaya lang isulat ang kanilang mga salita pero wala naman sa kanila iyung sining ng pagsusulat.  Iyung naisusulat lang nang maganda ang nasasaloob nila pero ang totoo ay hindi sila marunong magsulat nang tama.  Hindi magamit nang tama ang mga salita tulad ng “ng” at “nang”, “raw” at “daw”, at “kelan” sa halip na “kailan”.  Nakakapagsulat lamang sila pero ang totoo ay marami pa silang dapat malaman.

 

Naglabasan din ngayon ang mga sinasabing manunulat pero sinasalaula na nila ang pagsusulat sa ngalan ng pera.  Sila iyung ginagamit ang kaalaman sa pagsusulat upang ang mali ay itama at ang tama ay gawing mali.  Sila iyung binabayaran sa pagsusulat ng kasinungalinan para sa mga pansariling interes.  Kung ginagawa man nila iyun dahil duon sila binabayaran ay hindi ko iyun matatamaan.  Mula nuon hanggang ngayon, ako ay nagsusulat kung ano ang aking saloobin, kung mali man ang aking saloobin ay iyun ang katotohanan at hinding-hindi ako papayag na maikumpara sa kanila.  Ito ang hindi ko magagawa - iyung babayaran ako para magsulat ng kasinungalin. At hindi ako maniniwala na mas masahol pa ako sa mga taong nagsusulat ng kasinungalinan dahil iyun ang trabaho nila, samantalang ako ay ipinipilit ko ang mali na pinapaniwalaan kong tama.  Gustuhin ko na ang maging hanggal dahil ipinaglalaban ko ang mali na ang pagkakaalam ko ay totoo kaysa ipaglaban ang mali kahit alam kong mali dahil trabaho lang nila ang gawin iyun.  Mas gugustuhin ko na ang maging mangmang kaysa maglason ng isip ng ibang tao kapalit ng pera dahil sila ang anay sa lipunan.  Sila ang sumalaula sa pagsusulat.  Sila ang naging dahilan ng pagkakaroon natin ngayon ng kababaan ng antas ng pag-iisip.  Marami ang mga hinusgahan at napahamak dahil sa kanila pero ang totoo ay sila ang totoong nagpapagulo ng daigdig natin ngayon.  Sila ang dapat turuan ng leksiyon dahil mas masahol pa sila sa kriminal. Buong bayan ang ginugulo nila, at maraming tao ang nilalason nila ang utak, at sinisira nila ang katotohanan kaya mas masahol pa sila sa kriminal.

 

Napakarami ngayon iyung natuto lang magsulat ay akala mo’y manunulat na, nagkaroon lang ng lakas ng lakas-loob ay taga-ulat na kung umasta, at matapang lang ay tagapagsalita na ang tawag sa kanila, at iyung nabigyan lang ng kalayaan na magsalita ng magsalita sa likod ng kompyuter pero sa harapan ay hindi magagawa ang katapangan, at tingnan naman mabuti kung paano sila magsalita, magsulat at kumilos.  Kung iyun man ang bago o ang napapanahon, ang tamang pagsusulat ay hindi mawawala at hindi dapat magbago.  Huwag kang magsinungalin dahil kapatid iyon ng magnanakaw.  Sa pagsusulat mo ng kasinungalinan ay ninanakaw mo ang kaalaman ng mga tao at ibinababa mo ang mentalidad ng mga mambabasa, taga-pakinig at manonood.

MABABANG TIWALA SA SARILI

"Ang sakit sa pakiramdam ng walang nagkakagusto.  Ang hirap ng pakiramdam ng hindi ka nagugustuhan.  Ang sakit ng hindi gustuhin samantalang iyung iba ang daming nagkakagusto.  May mga tao na ang dali-dali nila magustuhan.  Gustuhin sila.  Sa silid-aralan o sa paaralan, sila iyung gusto ng lahat tapos ikaw yung kahit isa sa wala man lang nagkakagusto sa iyo. Bakit ganun? Tapos sila iyung may pribiliheyo na sila yung makakapamili kasi marami may gusto sa kanila.  Meron pa silang reserba kung sakaling hindi pala niya gusto iyung nauna, o hindi matagumpay yung nauna.  Samantalang ikaw ni isa walang pumipili sa iyo.  Tinatanong mo hanggang kaylan ako maghihintay, aasa, magdurusa?”

Napakinggan ko ito sa internet, at nararamdaman at naiintidihan ko kung saan siya nanggagaling dahil dumaan ako sa ganitong sitwasyon.  Bata pa lang ay pakiramdam ko ay pangit ako at alam ko ng hindi ako gustuhin kasi naikukumpara naman natin ang sarili natin sa iba na nakikita o naririnig natin na maraming nagkakagusto.  Nuong nag-aaral tayo sa elementarya, kapag napipili ka na gumanap sa isang dula tulad pangunahing tauhan sa dula, bilang si San Jose o Birheng Maria, isang hari o reyna, o iyung napipili ka na sumayaw sa progr ama – duon pa lang ay malalaman mo na kung may kaaya-aya kang hitsura.   Ang totoo sa mga unang araw pa lamang ng pag-pasok ay pumipili na sa atin kung sino ang pinakamaganda para maging lakambini (muse) at konsorte.  Kahit alin sa mga ito ay hindi ko naranasan.  Kaya bata pa lang ay nag-uumpisa na akong magkaroon ng kahinaan at alalahanin sa sarili.  Pagkatapos, iyung hindi bibo sa klase, hindi naman nakakariwasa sa buhay, at ang mga kasuotan ay hindi naman kagandahan, ang mga ito ay lalo pang nagdagdag ng kalungkutan sa akin.  Hanggang umabot ako ng hayskul, dito mas tumingkad ang pagkakaroon ko ng kawalan ng kumpiyansa sa sarili, pakiramdam ng kababaan ng uring-tao, at naging mahiyain na ako.  Alam ko naman na hindi mahalaga ang panglabas na hitsura kundi ang panloob, pero naghahanap tayo ng magkakagusto sa atin at nangungulila ako sa ganitong paglingap upang magbigay sa akin ng lakas ng loob.  Ang ating mukha ang nagbibigay ng unang impresyon kung tayo ba ay kagigiliwan dahil hindi naman agad-agad ay alam ng mga tao ang kagandahan ng loob natin kaya nangangarap ka talaga na maging kaaya-aya ang panglabas na hitsura.

At naging kalungkutan ko ang aking hitsura dahil sa totoo nito ay napapangitan talaga ako sa sarili ko.  Kaya alam ko iyung pakiramdam ng hindi ka nagugustuhan.  Nag-iisip ako, bakit may mga tao na pangit ay mayroong artistahin?  Sabi ko, ang suwerte naman nila kasi hindi sila nahihirapan magustuhan, minsan sila pa ang nilalapitan, at nakakapamili pa dahil marami silang pagpipilian.  Marami silang bentahe bukod sa paghahanap ng kasama, mas madali rin silang matanggap sa trabaho, mas maraming papuri, mas nagkakaoon ng tiwala sa sarili samantalang ako, kailangan pang may patunayan muna bago mapansin at magustuhan.  Gusto kong pumuti, maging manipis ang ilong at mga labi, maging makitid ang hugis ng mukha, at magkaroon ng makapal na balahibo sa binti at braso.  Nuong hayskul ako ay naranasan ko pa ang ayawan ako ng kapareha ko sa sayaw dahil ang pakiramdam ko ay dahil sa hitsura ko.  At nang hindi ko malapitan ang magandang babae na gustong-gusto ko dahil pinangihinaan ako ng loob dahil sa aking hitsura, nuon ako sumuko at hinayaan ko na lang kung ano ako.

Nang sumapit ako ng tatlumpung-taon, unti-unti ay tinanggap ko ang sarili ko kung ano ang mayroon ako at tinuklas ko kung saan ako maaaring gumaling at magiging masaya.  At duon ako humugot ng lakas ng loob at tiwala sa sarili.  Ang paggawa ng malikhaing-pagsusulat, pagkakaroon ng hanap-buhay, kakayahang magpunta sa mga magagandang lugar na gusto ko, at mga bagay na mahalaga sa akin – ang mga ito ang nagiging dahilan ng aking pagiging kuntento.  Ngayon ay wala na akong pakialam, may buhok o wala, malapad ang labi o hindi, hindi ko na ito iniintindi, hindi na ito mahalaga dahil aanhin ko pa ang hinanap kong hitsura kung para saan pa?  Ngayon ay ramdam ko na ang payo ng mga matatanda na ang panglabas na hitsura ay hindi ang kailangan para maging masaya, kuntento, buo ang loob, at magtiwala sa sarili.