Dadaanan natin lahat ang pag-ikot ng buhay. Iyung magsisimula sa isang alagaing sanggol, palalakihin, mag-aaral, maraming pupuntahan tila pataas ang ating tinutungo. Magiging napakasigasig, malakas at mapangahas tayo sa ating pag-imbulog, hanghang unti-unti ay mararamdaman natin na tila bumababa na ang ating tinatahak dahil nararamdaman nating humihina na tayo. Ito ang panahon na nasa pababang kurba na tayo ng pag-ikot ng buhay, hanggang mabuo ang buong bilog ng buhay. Ito ang ikot ng buhay na ating pinagdadanan.
Ilan beses ko na itong naramdaman at muli ko itong naramdaman nitong mga nakalipas na araw dahil sa dalawang insidente. Una, isang kaibigan ang sinabi sa akin na matanda na raw siya dahil nararamdan na raw niya ang pananakit ng katawan na sa kaunting pagbubuhat lamang ay sumasakit na ang kanyang likod, nababawasan na ang kanyang kayang gawin, malabo na ang mga mata at napapansin niya na nahuhukot na ang kanyang katawan, at tinatanggap na raw niya na hanggang edad kuwarenta’y singko lang ang tugatog ng kanyang lakas. Nakakalungkot lang isipin dahil kung tutuusin ay bata pa siya para dumating sa pababang bahagi ng ikot ng kanyang buhay, pero siguro ay dahil sa panahon ng kanyang tugatog ay sinagad niya iyun sa pagtratrabaho upang maitaguyod ang kanyang pamilya.
Isang araw naman ay nasumpungan lang na magkita kita kami ng mga dating kasamahan sa trabaho na kumain sa isang ordinaryong kainan, tulad nuon na nagsisimula pa lang kami maging magkakaibigan, sa simpleng kainan lang ay puwede na sa amin. Nag-uusap ng mga maliliit at nakakatawang pangyayari sa trabaho at sa paligid, mga walang kwentang bagay at usapan, mga biruan at pagpapatawa lang, ganun lang ay nakakaraos ang oras ng pagsasama-sama namin. Medyo bata-bata pa kami nuon, kung maging seryoso lang ang usapan kapag tungkol sa mga plano namin sa pamilya. Nuon ay nag-kape kami, taglamig nuon, ang suot naming mumurahing pangginaw ay tumatagos ang lamig, malamig ang aming mga ilong na parang sa pusa, ngunit ang pagkukuwentuhan namin habang nagkakape ang nagpainit ng taglamig. At ngayon ngang makalipas ang ilang taon, nagkasundo kami na magkita-kita sa isang hapunan, katulad nuon na sa simpleng kainan lamang, pero ngayon ay hindi na puro biruan ang pinag-usapan namin. Nasa punto na kami na ang pinag-usapan namin ay ang ramdam namin ang bilis ng buhay at ang pakiramdam na nasa papuntang pababa na bahagi na kami ng pag-ikot ng buhay. Ang bilis ng buhay, parang kailan lang na mga baguhan pa kami sa lugar na ito at bago pa lang ang aming pagkakaibigan. Ngayon ay natatanaw na namin ang aming patutunguhan.
Umiikot ang buhay, kahit alam na natin ang tungkol sa pag-ikot ng buhay ngunit kapag sumapit ka na sa puntong nararamdaman mong nasa pababang bahagi ka na ng kurba ng bilog ay mararamdaman mong parang wala ka ng alab sa maraming bagay. Mararamdaman mo na parang hindi ka na produktibo, at ipauubaya mo na lang sa mga bata ang nasa kapaligiran mo. Nilingon mo ang nakaraan, marami ka ng nagawa at napapagod ka na. Ang buhay at ang mundo ay para sa mga bata at kabataan dahil sa kanila umiikot ang mundo at wala silang kapaguran. Sila ang pinag-uukulan ng pansin ng mundo. Sila ang mga masigasig sa buhay, punong-abala sa mga nangyayari, nagtatamasa ng malaking kaganapan sa mundo, pangunahing tauhan sa mga kwento at balita. Sa kanila umiikot ang mundo. Nasa kanila ang lahat ng oras, magagawa nila ang kaya nilang gawin dahil napakarami pa nilang oras. Hindi tulad namin na kalaban na ang oras, kakaunti na lang ang oras, naghahabol na sa oras.