Tanong: obligasyon ba na tumanaw ng utang ng loob ang mga anak sa pag-aalaga at pagpapalaki sa kanila ng kanilang magulang? Sagot: hindi obligasyon, kasi hindi naman tayo nag-aalaga at nagpapalaki ng anak para pagdating ng panahon ay may babalik sa atin na benepisyo ng pagpapalaki sa kanila. Hindi obligasyon kundi kagustuhan ang tawag duon. Kasi kung naging mabuting tao ang anak ay gagawin niya na pasayahin ang magulang niya hindi dahil tumatanaw siya ng utang ng loob kundi dahil mahal niya ang mga ito. Aalagaan niya tulad din ng ginawang pag-alaga sa kanila nuong bata pa sila. Kasi obligasyon naman talaga ng mga magulang na alagaan at palakihin ang kanilang mga anak, at ito din ang gagawin ng mga anak nila sa mga magiging anak nila – at ito ang isang buong-ikot ng ating buhay.
Palagi na nating naririning ang panunumbat at pangungusensiya na kung hindi dahil sa mga magulang ay hindi magiging tao ang mga anak, kung hindi dahil sa paghihirap, pagsisikap, at pag-aalaga ng mga magulang sa mga anak ay hindi makakapag-aral, hindi magtatagumpay o hindi makakarating sa kinaroroonan ngayon ang anak. Bakit isusumbat ang mga ito kung sa una pa lang ay ang mga magulang naman ang may gusto nito dahil gusto nila na maging maganda ang kinabukasan ng kanilang anak? Unang-una, hiniling ba ng anak na ipanganak sila? Kung pagtanaw ng utang ng loob din lang naman ang pag-uusapan, hindi ba kung tutuusin sa simula pa lang nang nagpaplano pa lang sila na magpakasal ay pangarap na ng mga magulang ang magkaroon ng anak para masabing may anak sila, para masabi na kumpleto ang buhay nila, para masabing sinunod nila ang kautusan na mag-anak? Hindi ba’t ang mga ito ay pangsariling kasiyahan? Hindi ba nang isilang ang anak nila ay masayang-masaya ang naramdaman nila dahil natupad ang pangarap nila na nakumpleto na ang kanilang pagkatao, at natupad nila ang kanilang silbi sa mundo na mag-anak kaya bakit ngayon ay isusumbat ang mga ito? Kapag ang bata ay pinalaki nang tama, tatanaw at tatanaw ng utang ng loob ang mga ito pero ang tanong ay hanggang saan, hanggang kailan at sa anong paraan ba ang pagtanaw ng utang ng loob o pagpapasalamat? Ang sagot: depende sa kakayanan ng anak. Kung tutuusin ay nagiging tanong lang naman ito kapag may kailangan ang magulang na ayaw ibigay o hindi maibigay ng anak. Ang problema ay nagiging materyal at nagkakaroon ng presyo ang sukatan ng pagtanaw ng utang ng loob. Paano kung naghihikahos din ang anak katulad ng kanilang mga magulang? Kasi magagawa ng anak ang pagtanaw ng utang ng loob sa maraming paraan. Aalagaan at buhuhayin, poprotektahan at ipagtatanggol, sasamahan at dadamayan, itinataas ang pagtingin, bibigyan ng kung anong makakayanan, at marami pang iba nang walang halong materyal na bagay. Dahil tumatanaw ka ng utang ng loob, napapatawad mo sila kung may nagawa silang kamalian para sa iyo. Kung may nagawang kasalanan man ay mapapatawad mo pa rin sila dahil nga ang pagtanaw ng utang ng loob ay hindi lang sa pamamag-itan ng materyal na bagay. Kung minsan nga ay mayroon sitwasyon na kahit anong sama daw ng magulang ay mamahalin at mamahalin mo pa rin ang mga ito dahil magulang mo sila. Iyun ay dahil tumatanaw ka ng utang ng loob at iginagalang mo sila. Pero nasa sa iyo na kung pagkatapos mong magpatawad ay paano ang magiging relasyon ninyo dahil ang mahalaga ay nagpatawad ka ng totoo at tunay. Kasi kahit kailan ay hindi naman nababayaran ng kahit milyones na pera kapag pagbuhay sa anak na ang pinag-uusapan, pero ang mga kabutihang ibabalik ng anak ay walang katumbas din na halaga tulad ng buhay na ibinigay sa atin ng mga magulang.
Ang pagtanaw ng utang ng loob sa ating mga magulang ay kusang-loob na ugaling mapagkalinga na hindi obligasyong ipipilit, hindi itinakdang responsibilidad, at sapilitang kautusan na gagawin. Ito ay sariling kagustuhan at hindi pilit na responsibilidad, tungkulin at obligasyon. Kaya iwasan na natin ang ganitong kultura dahil nakakalason na ito tuwing ipinagpipilitan natin na bahagi ito ng kung paano tayo naging tao. Tandaan natin na kapag nagkapamilya na ang ating mga anak ay ang sarili na nilang pamilya ang una nilang prayoridad, susunod na lang ang pinangalingang pamilya. Pero kahit may sarili ng pamilya ang anak ay hindi niya ganap na inaabandona ang kanyang mga magulang dahil iginagalang at tumatanaw siya ng utang ng loob sa mga ito, at dahil lumaki siyang isang mabuting tao.
No comments:
Post a Comment