Wednesday, April 07, 2010

MGA MAHIRAP KASAMA

Sa isang lugar na may kasama kang ibang tao na namamahayan, napakahalaga ang magkaraoon ng pakikisama, paggalang at pagkakasundo. Bakit may mga tao na hindi yata marunong makaramdam kung sila ay nakakaperwisyo?

Kung ikaw ay may kasamang ibang tao sa iisang bahay, makiramdam ka sa iyong mga ikinikilos. Maraming maliliit na bagay na ipinagwawalang bahala mo ngunit ang totoo ay nakakaperwisyo ka na. Katulad ng pagsasara ng pinto, kung nagagawa ng iba na mabuksan at maisara ang pinto ng hindi nakakalikha ng ingay, bakit hindi ikaw? Kahit ang paggawa mo ng mga gawaing-bahay, nagkakalampagan ang mga kaldero, pinggan at sandok mo kapag ginagamit mo iyon. Kailangan bang ihagis mo sa lamesa ang iyong mabigat at maingay na susi kung ikaw ay parang pagod galing sa trabaho?

Alam na alam mo naman na nasa iisang kuwarto lamang kayo, kailangan naman na igalang mo ang kanyang pag-iisa at katahimikan. Mangyaring nakikita mong nakahiga ang kasama mo, kung natutulog man o nagtutulugan, hindi ba’t dapat lang na kontrolin mo ang tunog ng panunuod ng iyong telebisyon? Bigla na lang magugulat ang kasama mong nagpapahinga dahil biglang nagputukan ang mga baril at kanyon sa pinapanood mong giyera sa telebisyon.

Kung iyong nakilala ang iyong kasama na maayos at masinop sa bahay, sana’y isinaalang-alang mo ang kaayusan sa bahay. Bakit ginagawa mong magsabit ng mga damit sa inyong dingding, magtambak ng mga napulot na kung ano-anong bagay at maglagay ng mga pangsariling gamit sa maraming bahagi ng inyong bahay?

Pakikipagkapwa-tao. Kung ang sarili mo lang ang kaya mong pakisamahan, wala kang puwang sa mundong ginagalawan ng ibang tao. Turuan mo ang sarili mo na igalang ang ibang tao, alamin mo ang kanyang mga gusto at disgusto upang magkasundo kayo sa iisang usapan. Pag-aralan mo ang pakikisama sa pamamag-itan ng paggalang sa inyong pagkakaiba, respeto sa pagkatao ng iba at pagtangap sa katotohanang kailangan mo ang makisama at pakisamahan.



Alex Villamayor
September 2010

No comments: