Wednesday, April 07, 2010

MGA TAONG MAGAGALING

May mga tao na gusto laging siya ang tama, akala niya siya ang magaling, siya ang nakakaalam, siya ang marunong.  Sa usapang pangrelihiyon, trabaho, politika at buhay - hindi siya nagpapatalo sa pangangatwiran.  Kung may sinabi ang kapwa niya na hindi ayon sa kanya ay hindi niya pinapalusot at ayaw niyang pumayag na tama ang kanyang kapwa. O di kaya'y maangas na sumasagot kapag ayaw niya ang iyong sinabi.

Ang dami niyang katwiran. Kung magsalita siya ay parang siya ang nakakaalam ng lahat. Sila yung kapag nagsalita ay maingay na para bang pinalalabas na magaling siya, maaring ipinaparinig sa iba na ang kanyang mga sinasabi ay magaganda at mga tama kaya malakas ang kanyang boses sa kwentuhan. Marami siyang katwiran, at kapag nagsalita siya ay isinisingit niya ang kanyang mga ginawa upang patunayan na tama ang kanyang sinasabi at mga katwiran.

Kailangan aminin natin sa sarili na may kanya-kanyang kagalingan ang bawat isa. Kung mayroon ka man talino sa isang bagay ay hindi nangangahulugan na ikaw palagi ang tama o ang pinakamagaling sa anomang bagay. Kung sa palagay mo ay matanda ka at mas alam mo ang buhay kaysa sa nakababata sa iyo, kailangan isipin mo na maaari kang madaig ng nakababata sa iyo, kahit sabihin mo pang linya mo ang pinag-uusapan ninyo. Hindi dahil sa mas may karanasan ka kaysa sa ibang tao ay ikaw ang tama dahil maaring hindi mo naman natutunan ang mga aral sa iyong karanasan.

Huwag kang masyadong masalita. Mas marami kang sinasabi ay mas nagiging marami ang iyong pagkakamali. Kung magpapatuloy ka sa pagsakop sa iyong mga kausap, magiging wala kang kuwentang kausap at marami ang iiwas sa iyo. At mapupuna mo na halos wala ng nagkukusang makipag-usap sa iyo kung hindi rin ikaw ang mag-sisimula ng usapan. Marami ang naiinis sa iyo dahil ikaw ang laging nagiging bida, ang tama, at ang magaling. Kaya masisisi mo ba na kainisan ka ng ibang tao kung ang sarili mong anak ay naiinis sa iyong pagiging magaling?


Alex Villamayor
September 2009

No comments: