Wednesday, May 19, 2010

DITO SA SAUDI ARABIA

Ang buhay sa Saudi Arabia (KSA) ay pinaiiral sa ilalim ng “Sharia” – ang napakalakonserbatibong batas ng Muslim. Dito, hindi maaring magmaneho ng sasakyan ang mga babae, kailangang nakatakip ang buong katawan ng mga babae kapag nasa publikong lugar, bawal ang anumang uri ng sugal at alak, bawal ang anumang paglalahad ng Pangrelihiyong paniniwala liban sa Islam, bawal ang usaping kumukondena sa gobyerno, bawal sa mga lalaki ang nakasuot ng alahas, may mahabang buhok at naka-suot ng maigsing pantalon. Hindi ka maaaring kumuha ng litrato sa mga publikong lugar. Wala ditong sinehan, bahay aliwan at lalong-lalo ng walang simbahan. Ang mga tindahan ng kainan dito ay hinahati sa dalawang lugar: ang para sa mga lalaki, at ang para sa mga babae at pang-pamilya. Napakahigpit sa lugar na ito, ang mga nahatulan ng krimen ay pinaparusahan sa katumbas na pagkakasala – kailangang putulin ang kamay ng mga nagnakaw. Ang kaparusahan naman sa mga napatunayang nagkasala sa salang pagpatay, pang-aabuso ng babae at paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ay pagpugot ng ulo. Isinasagawa ang pagpataw ng parusa tuwing araw ng Biyernes, isinasagawa ito sa publiko na nasasaksihan ng mga tao – madugo ang tagpong ito at karamihan sa mga nakakasaksi ay inaalibadbaran. Hindi ako nakasaksi ng ganito ngunit sigurado ako na hindi ko makakayanan ang ganoong tagpo. Anuman ang iyong paniniwala sa ganitong uri ng batas, ngunit ang bansang ito ay walang napakataas na antas ng kriminalidad.

Ipinag-uutos ang pagkakaroon ng limang beses na pagdarasal sa isang araw. Ang pagbubukang-liwayway, bago magtanghaling-tapat, kalagitnaan ng hapon, bago sumapit ang hapon at pagsapit ng takip-silim. Kapag sumapit ang oras ng pagdarasal, ang lahat ng establisyimento sa buong bansa tulad ng mga bangko, opisina, mga tindahan at bahay-kainan ay nagsasara upang magdasal. Kung ikaw ay may ibang Paniniwala, kailangan mo ang tumigil sa isang lugar o manatili sa loob ng iyong bahay hanggang matapos ang kanilang pagdarasal. Nangyayari ito limang beses sa isang araw, kaya maiisip mo ba kung gaano ito nakaka-inip sa isang may ibang Paniniwala?

Ang “Iqama” ay ang pangunahing pagkakakilanlan ng lahat ng mga dayuhan na pumapasok sa loob ng bansang ito. Katumbas ito ng sedula o pasaporte. Hindi mo ito iniiwan sa iyong bahay dahil maaring maghatid sa iyo ito sa pagkakadakip kapag wala kang naipakita sa mga pulis. Ang “Thope” ay isang kulay puting kasuutan para sa mga lalaking katutubo. Mahaba ang manggas nito at ang laylayan ay hanggang sa paa. Sa kabilang banda, kapag nasa publiko ang mga babae ay kailangang naka-suot ng “Abaya”, isang kulay itim na kasuotang pangbabae na mahaba ang manggas at hanggang talampakan. Sa ilang bahagi na konserbatibo ay kailangang silang nakatalukbong ng telang kulay itim. Samantalang ang mga katutubong babae ay mayroon pang takip sa mukha na tanging mga mata lamang ang makikita. Sa mga publikong lugar, ang mga “Mutawwah” ang siyang naatasang mangasiwa sa pagpapatupad ng mga ito.

Napakabihira o halos walang isang dayuhan ang hindi nakakain ng mga pangkaraniwang pagkain sa bansang ito. Ang “Kabsa” ay nilutong bigas na may kahalong pangpalasa tulad ng karot, pasas, pinagkuluan ng manok, at mga pampabangong galing sa katawan ng puno. Karaniwan itong may kasamang manok na inihaw at mainit na inihahain sa sahig habang nakasalampak na kinakain sa pamamag-itan ng kamay. Ang “Shawarma” ay ang pinira-pirasong inihaw na manok na may kasamang mayonesa, ketsup, ginayat ng maliliit na kamatis, pipino at piniritong patatas na pinaghalo-halo at ibinalot sa “kubos” o tinapay. At ang “Dates” na isang matamis na bunga ng isang uri ng puno ng palmera na nabubuhay kahit sa gitna ng disyerto ay nagkalat sa ano mang lugar sa buong bansa.

Isang malaking disyerto ng mga buhangin na inilatag ang kabuuan ng lugar na ito. Sa pusod ay naroroon ang napakagandang bundok ng mga pinong buhangin na namumula sa sikat ng araw tuwing hapon. Hanggang sa mga karatig-lugar ay namamalas ang ibat-ibang disyerto na kamangha-mangha sa kanyang angking kagandahan. Napaka-init sa tag-araw at napaka-lamig tuwing tag-lamig.  Sa kabila nito, ang mabuhay sa bansang ito ay magkakahalong damdamin ng pangamba dahil sa mga nakakatakot nitong kautusan at paghihirap dahil sa mga bagay na hindi mo kinaugalian. Ngunit kung ikaw ay bukas ang isip sa pagtanggap sa kultura at pangangailangan ng ibang tao, kung ikaw ay nakakabagay sa mga kakaibang bagay na humahamon sa iyong kakayahan – ang buhay dito para sa iyo ay magiging masaya at kapakipakinabang.



Alex Villamayor
May 2010

No comments: