Saturday, May 01, 2010

ANG MAYO SA ANGONO

Isa ang buwan ng Mayo sa mga makukulay na araw ng mga taga-Angono. Bilang isang bayan ng mga relihiyoso at relihiyosa, mahalaga sa mga taga-rito ang ipagdiwang ang mga kapistahan ng mga Santo tulad ng Pista ni San Isidro Labrador tuwing ika-15 ng Mayo. Si San Isidro ay ang Patron ng mga manggagawa tulad ng mga magsasaka na isa sa mga naunang hanap-buhay ng mga taga-Angono. Ang natatandaan ko nuon sa aking bayan, pagkatapos ng Banal na Misa sa umaga para kay San Isidro ay mayroong prusisyon na nilalahukan ng mga kalabaw na ginayakan bilang pagkilala, pagpapahalaga at pagpapasalamat sa kanilang itinutulong sa pagsasaka sa bukirin ng Angono. Sa pagsapit naman ng hapon ay idinadaos ang paligsahan ng karera ng mga kalabaw na idinadaos sa malaking bakanteng lote nuon na sa ngayon ay siyang kinatitirikan ng kasalukuyang Pamilihang-Bayan.


Sa buwan din ng Mayo nagkakaroon ng pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen. Natatandaan ko nuong araw na kapag wala kaming madadalang sampaguita para ialay kay Inang Maria ay namimitas kami ng bulaklak ng Santan at Voungavilla na inaayos namin upang siyang ialay sa poon ng Mahal na Birhen. Sinisumulan sa unang araw ng Mayo, isang pursisyon sa hapon papuntang simbahan pagkatapos ay ang dasal at litanya habang ang mga debotong mag-aalay ng mga bulaklak ay nakaluhod na nagdadasal, tumatayo upang umusad habang inaawit ang dasal na latin. Kapag natapos ang maigsing dasal na latin na inawit ay muling luluhod ang mga mag-aalay upang ituloy ang pagdadasal hanggang maialay lahat ang mga bulaklak sa tulong ng kasalukuyang gumaganap na Kapitana at Tinyenta ng Salubong. May pang-gabing prusisyon din na ginaganap sa huling araw (o linggo) ng Mayo bilang hudyat ng pagtatapos ng pag-aalay ng mga bulalak sa Mahal na Birhen sa buwan ng Mayo.

Ito rin ang buwan na nagiging makulay ang karanasan ng mga kadalagahan sa Angono kapag napipili silang sumali sa mga Santacruzan at Flores de Mayo. Ang Santacruzan ay ibinase sa Bibliya at sa Kasaysayan sa pagkakatagpo ng Banal na Krus ni Santa Helena at ang pagwawagi ni Emperor Constantino ng Roma dahil sa kanyang masidhing paniniwala sa mensahe ng isang Anghel. Sa halip na mga imahe ng poon, mga buhay na personalidad ang gumaganap sa mga tauhan ng Bibliya at Kasaysayan sa isang parada tangan ang mga simbolo. Pinakaaabangan sa gabi ng Santacruzan ang Reyna Elena kung sino ang gumaganap, kung gaano kaganda ang kanyang suot na saya at ang kanyang arko. Ayon sa nakagawian, ang Reyna delos Flores ang siyang nagiging Reyna Elena sa susunod na taon. Pero anut-anoman, ang maranasan ng isang kabataang babae ang mapasama sa ganitong tradisyon ay isang hindi niya malilimutang karanasan hanggang sa kanyang pagtanda.

Masaya ang buwan ng Mayo sa mga bata na nagdadaos ng kanilang bakasyon mula sa pag-aaral dahil nakapaloob dito ang pagkakataon nilang makapaglaro sa buong araw ng taguan, patintero, tumbang preso, piko, habulan at kung ano-ano pang mga laro na ginagawa sa kalye na nagiging mahalagang karanasan ng isang taal na taga-Angono nuong araw. Nagiging salamin ng isang tunay na taga-Angono ang panahon na ito na nagpapamalas ng pagkalinga ng isang ina sa kanyang anak sa tuwing pinapawisan o nadadapa ang anak sa paglalaro, tuwing isinasama niya sa iba pang mga kamag-anak na nagpapatibay ng kanilang pamilya, at nakasama sa buong maghapon sa kanilang tahanan upang turuan ng gawaing bahay, magbigay ng mga magagandang kuwento at awitan, dahilan upang sa pagsapit ng araw ay maging sabik ang anak sa ugoy ng kanyang duyan.

Tunay na makulay ang buwan ng Mayo sa Angono dahil nuon pa man ay mayroon ng mga tradisyon at kaugalian na aming minana pa sa aming mga kanunu-nunuan. Pagpapatunay lamang na ang aming bayan ay may masidhing pagmamahal sa tradisyon at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino upang hirangin ito na Cabisera ng Sining ng ating bansa.


Alex V. Villamayor
May 1, 2010

No comments: