Monday, May 17, 2010

KAPAG NAMUMRUBLEMA KA

May mga pagkakataon na problemadong-problemado tayo, pakiramdam natin ay bagsak na bagsak tayo, parang wala ng pag-asa, walang tumutulong, nakikiramay at nagmamamahal sa atin. Maaring dumarating sa buhay natin na sunod-sunod ang problema. Problema sa pera – malaking pagkakagastusan, pagkakalubog sa malaking pag-kakautang, at kawalan ng pambayad. Mga problema sa pamilya tulad ng pagkakasakit, paghihikahos, pagkakakalulong sa masamang bisyo at pagkakaligaw ng landas ng isang kasama sa bahay. May problema sa pag-ibig – iniwan ng asawa o kasintahan, hindi minahal ng taong kanyang mahal na mahal, o kaya ay niloko ng kinakasama. Problema sa kaibigan, kalusugan, hanap-buhay at kung anu-ano pa. Parang ang lahat ay laban sa iyo. Parang galit sa iyo ang mundo. Parang walang katapusan ang pag-hihirap mo. Iniisip mo na parang kinuha mo na lahat ang kamalasan sa mundo. Kailan kaya matatapos ang paghihirap mo? May nangyayari pa na kapag hindi nakayanan ng isang tao ang labis na problema ay nade-desperado at kinikitil niya ang sariling buhay dahil iyon na lang ang tanging paraan niya upang matapos na ang kanyang paghihirap. Pagtakas sa problema ang ganoong bagay, hindi naman talaga natapos ang problema dahil iniwan mo lang.

Mahirap man unawain at masakit tanggapin at gawin ngunit kailangan mong harapin ang iyong problema. Mahirap tawanan na lang ang iyong problema ngunit isipin mo na lang na mayroon isang tao sa mundong ito na mas mabigat ang dinadalang problema kaysa sa iyo at mas masahol pa ang kinalalagyan o kinasasadlakang suliranin sa buhay. May mga taong buto’t balat dahil sa sobrang gutom ngunit hayan ka na nagtitiis sa kanin at asin. May mga taong kinakain ang mga ipinagpag na pagkain mula sa mga itinapon ng malalaking Kainan. Mayroong nagtitiis sa kariton upang gawin tahanan. Ikaw na nabigo sa pag-ibig, kaya mo bang dalhin ang sakit na nararamdaman ng isang anak na naulila ng lubos? Yung mga taong kumakaharap sa ibat-ibang pagkakautang, mas mahaharap mo ba ang buhay ng isang kaawa-awang kasambahay na paulit-ulit minamaltrato sa ibang bansa ngunit nariyan pa rin siya at pilit na tinutustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya? Sa mga taong nagtitiis sa hanap-buhay dahil sa mga hindi magustuhang kasamahan, maliit na kabayaran, at sobrang dami ng trabaho – isipin mong may mga tao na kailangang humawak sa dumi ng mga hayop upang siyang ipang-hanap buhay kapalit ng baryang kabayaran. Ang lahat ng ito ay napakahirap at napakabigat na dalahin ngunit isipin mo na lang na mapalad ka pa rin at mas mabuti pa rin ang kinalalagyan mo.

Isipin mo na lang na walang suliranin na hindi mo malalampasan. Hindi hahayaan ng Diyos na dumating sa atin ang problema na hindi natin makakayanan. Dahil alam Niya na kaya mong lampasan ang iyong problema kaya Niya itinulot ang pag-subok. Lahat tayo ay may pinagdaraanan, walang taong walang suliranin. Lahat ay mayroong suliranin, mabigat man o magaan – depende na lamang kung paano mo poproblemahin. Ang sobrang bigat sa iyo ay madali lang sa iba kaya iwasan mo ang ihalintulad ang iyong sarili sa iba dahil hindi mo alam ang kanilang pinagdaraaan.

Walang saysay ang buhay kung walang problema. Ito ang nagtutulak sa atin upang magsumikap tayo. Ito ang nag-uudyok sa atin upang tahakin natin ang makulay na pakikipagsapalaran. Ang mga ito ay ang aral na ating natututunan. Ibinibigay ang ibat-ibang suliranin na siyang nagpapatatag sa atin. Ito ang naghuhubog upang maging mas matapang, mas malakas, mas magaling, at mas masaya tayo sa ating buhay.


Alex V. Villamayor
May 2010

2 comments:

Anonymous said...

salamat. napagaan mo pakiramdam ko.

Alex V. Villamayor said...

Masarap ang pakiramdam kapag nakakakita ka ng mga bagay na nagpapalubag sa iyo... gumagaan ang pakiramdam mo kapag mayroong dumadamay sa iyo - direct man or indirect. ngumiti ka dahil ang buhay ay kanya-kanyang panahon lang naman.