(Ang sumusunod na artikulo ay halaw sa isang kakaibang kuwento mula sa komiks na nagsilbing inspirasyon ko upang gayahin ang pagkakalahad. Tungkol ito sa pangarap, kabiguan, pagsisisi, pagbabago at tagumpay ng isang taong tinakasan ang hirap ng buhay sa probinsiya ngunit nasadlak sa mapait na buhay sa siyudad)
Pamamaalam, masakit tanggapin kung mahalaga sa buhay mo ang mamamaalam. Matapos mong mabigo sa isang bagay, susubok ka na naman ng iba. Dahil ang gusto mo ay mabuhay sa magaang na pagpapawis, doon sa hindi kakalyuhin ang mga palad mo, dun sa hindi lilitaw ang mga ugat mo.
Matapos mong masubukan ang isang bagay, susubukan naman ang isa pa. Ganyan talaga ang mga taong may ambisyon sa buhay, yung desidido na marating ang pangarap na kung mabibigo ma’y hindi mo rin alam. Ang gusto mo’y laging may bagong karanasan, hanggang matuklasan mo na hindi pala lahat ng karanasan ay dapat matikman.
Binalak mong takasan ang buhay na kinalimutan mo na, ayaw mo kasing matulad sa ama mo, laging amoy pawis, laging putikan. Nakakapandiri kasi, malagkit ang mabahong burak. Napipilitan ka lang na tulungan ang ama mo. Buo pa sa loob mo ang lumusong? Baka kagatin ng araw yang balat mo’y makasira pa sa trabaho mo. Sala ka sa init, sala ka sa lamig. Kung matirik ang araw, napapahinga ka ng malalim, kung umuulan nama’y urong pati nguso mo sa ginaw.
Matapos ang pagubukid, binaybay mo na ang papauwi, may kung anong sumundot sa pandama mo, natinik ka. Madawag ang landas patungo sa tumana, ang taong sanay o bihasa, ilang ulit mang magdaan sa dinaanan mo’y hindi matitinik. Dahil kilala nila ang Makahiya. Dahil kapag dinahan-dahan mo ang Makahiya, lalo kang titimuan. Katulad din ng hirap, habang iyong iniiinda, lalong bumibigat. Kapag iyong kinatakutan, lalo kang magpapasan. Ang pawis, mapait lang hanggang natitigis sa katawan pero masarap na kapag pinagsasaluhan.
Ngayon nga’y nasa ibang poder ka, dun sa gusto mong maranasan. Anong trabaho ba ang ginagawa mo dito ngayon? Hindi na yung pagbubukid. Tama nga pala, mas madaling lunukin ang pagkaing pinagpawisan kaysa sa hindi. Tunay na mahirap ang paraan ng pagkita ng pera, kahit ang katawan mo’y gagamitin mo. Kahit nakakasuka, kahit nakapandidiri at bigla, tinakbuhan mo ang poder na ito, bumalik ka sa bukid, sa kabila ng tanging lupang patuloy mong bubungkalin ang karangalang maipamamana ng ama mo sa iyo, ay tinangggap mo ng sa gayon ay mahugasan ng pawis mo ang buo mong katawan, hanggang sa di mo na maramdaman ang pag-uusig ng sarili mong budhi. At sa kabila ng unos, dumating ang bukas ng isang naglinang at naghasik. Iyon ang aning dinasal ng ama mo ng kay tagal.
UNTITTLED
Alex V. Villamayor
May 21, 1988
Angono Rizal