Wednesday, July 14, 2010

PAGLALAKBAY

Maikling Kabuuan: Paghahanap ng sarili at mga kaibigang magbibigay ng pagmamahal.

Kasabay ng nag-uumpisang nahuhulog na liwanag mula sa nakalukob na langit ang pagdating ng isang simulain, kusang lumalaki kapag nahipan ng hangin. Tinuturuan ng daigdig kung paano ang magkamalay habang hinuhubog ng panahon ang sukat at hugis ng bilugang katawan sa pagiging masinsin na maskuladong kalamanan ng isang ganap na kalakihan. Tumakbo ako, dinaanan ang mga bulaklak ng Lilia na nangagbara sa kahabaan ng ilog, nag-ayuna na ang mga matatandang relihiyosa matapos magkumpisal sa nakakalobong nakasutanang wari’y santo na naiwan ng biyahe sa buwan ng Cuaresma. Ilang ulit ng sinapian ng lamig ang gabi ng hanging pang-Disyembre. Nagdaan sa tuwa, naghinagpis hangang pinipilit pang matagpuan ang tunay na kaluwalhatian. Binabagtas ang bawat butil ng misteryo sa matiwasay at masalimuot na buhay. Malayo na ang aking narating, ilang libong ulit ng humalik ang aking mga talampakan sa walang katapusang daanan. Nakakapaso ang paglakad sa buhanging nilalagnat – dumaloy mula sa mga mata ang kabiguan. Naging mapag-isip sa anumang kaganapan. Kinikilala ang sarili, natutunan ko ang magpakupkop sa katahimikan at ang katapangan ng maging mapag-isa. Tinanggap ko ang magpa-ampon sa katahimikang bumuhay sa aking pag-asa. Maaring matawaran ang karunungan, natigilan sa pagsagot sa mga dakilang tanong ng pilosopiya. Ang kaalamang wala sa aklat – natutunan ko ang magsulat ng aking mga pangarap, karanasan, kaalaman, at pagtakas sa katotohanan ng buhay. Paglalamay sa lamlam ng liwanag na isinasabog ng bombilyang dilaw, wari’y nauupos na kandilang naghihikahos sa liwanag na ipinagpatuloy ng aanadap-andap na liwanag na dulot ng gaserang nangingitim ang mga labi ay sumasayaw-sayaw sa dingding ang aking aninong naglalarawan ng pagsusulat ng tanawing naglalaro sa isip. Dumating na kamalayan, natutunan ko ang magkubli sa dilim ng nag-iisa upang pawiin ang libog na bumabalot sa katawan. Di kalauna’y nangungusap ang puso – ang hiwaga ng pag-ibig. At naramdaman ko ang magpailalim ng sarili para sa kapakanan ng iba at pakikipaglaban sa sariling kahinaan. Malayo na nga ang aking tinakbo, marami na akong nakilala at nakausap – sila’y nagsidatingan at sila’y nagsilisan. Ngunit hindi ko makita ang aking hinahanap. Naglalakad na daan, maraming ulit na akong nadapa at naligaw sa daang walang karugtong at sangangdaaan hanggang matagpuan ko ang aking ipinalalagay na tunay kong kaibigan. Hindi ko makita sa aking sarili ang mga hinahanap ko’y nakikita ko sa ibang tao. Malayo na ang aking nalakad at nais ko ng tumigil. Nararamdaman ko na ang pagal at hirap sa malayong paglalakad. Nais kong dalhin ako ng aking kaibigan sa malayong lugar na aking nakita noong unang panahon ngunit ni hindi ko pa nararating. Sa isang lugar na malayo, nakita ko ang aking sarili sa abandonadong malawak, na pinapaso ng init ng araw at wari’y mabuhanging disyerto sa Aprika. Nais kong dito magpahinga sa duyan habang tinatanaw ninyo mula sa malayo ay wari’y may init na sumisingaw mula sa lupa na nagpapanginig sa inyong paningin. Nais kong liparin ang kalawakan niyon tulad ng aking mga isinusulat na pagtakas sa totoong takbo ng buhay. Nais kong makita ako ng aking kaibigan na ganap na malaya sa paglipad – sumusuong sa dalisay na hangin. Mula sa kanyang magagandang mga mata, tumatagos sa aking kalooban – gumuguhit ang kanyang pagkatao. Isinulat ang kanyang anyo upang hindi malimutan magpakaylanman. Isang tagpo ang nakita ko noon. Isinaulo ng aking malungkot na tanaw ang pulubing naglalahad ng kanyang palad sa mga nanlilimos. At ngayo’y muli kong nakita ang parehong tanawin. Ako pala ang pulubi na nanlilimos ng pagmamalasakit, pang-unawa at pagmamahal mula sa mga kaibigan.



UNTITTLED
Lapelto
November 30 1998
Angono Rizal, Philippines

No comments: