Thursday, August 30, 2012

NASA KINAKAIN

Kadalasan, kapag nakakarinig ako mula sa isang kakilalang tao na dumadaing ng karamdaman sa kanyang katawan ay gusto kong sisihin ang mismong may katawan dahil siya na rin mismo ang may kagagawan ng kung anuman ang kanyang nararamdaman.  Dahil aminin man natin o hindi, ang mga karamdaman na nakukuha natin ay bunga lamang ng kung ano ang ating ginagawa sa sarili natin.  Alam na alam nating lahat na ang pagsisigarilyo at pag-inom ng alak ay masama sa ating katawan.  Paulit-ulit nating naririnig ang mga paala-ala na ang mga pagkaing mamantika at matatamis ay hindi maganda sa ating kalusugan.  Ngunit marami pa rin ang hindi natututo sa mga katotohanang ito.

Nasa kinakain, nakukuha natin mula sa klase ng pagkain at ugali sa pagkain ang mga karamdaman na dumadapo sa ating katawan.  Kung ano ang iyong mga kinakain, makikita ang mga iyon sa iyong hitsura, katawan at kalusugan.  Huwag nating panghawakan ang katwiran na “huwag mong tipirin ang sarili mo sa pagkain” dahil ang tanong, “tama ba ang ginagastos mong pera sa pagkain?”  Hindi mo nga tinitipid ang sarili mo sa pagkain pero ang totoo ay umiiral na lang sa iyo ang kalakasan o kahiligan mo sa pagkain.  Hindi sa pagtitipid kung bakit kaunti ang iyong dapat kainin kundi iyun kasi ang tama lang sa katawan mo.  Kung hindi ka lumalaktaw sa pagkain ng tatlong beses isang araw – hindi ka nagtitipid kundi dinidisiplina mo lamang ang iyong pagkain na siyang mahalaga.

Mahirap magpapayat at magbawas ng timbang dahil hindi lamang kailangan na pursigido ka kundi kailangan din dito ang totoong sakripisyo at tamang pagsisikap.  Sa pakikisalamuha ko sa ibat-ibang tao, halos lahat sila ay sobra sa tamang timbang na gustong magbawas ng bigat.  At nagsasabi sila na ginagawa nila ang mga paraan ngunit napakahirap, napakaliit o wala ang kinakalabasan.  Ngunit kung papansinin ko ay hindi naman talaga sila nagsasakripisyo dahil hindi pa rin sila umiiwas sa mga maling pagkain.  Oo nga at madalas sila sa paglalaro ng isports o magpapawis sa paglalakad ngunit dapat ay sabayan nila iyon ng tamang pagkain.  Nagiging punto na lamang kasi nila na nawawala naman sa pagpapapawis ang nakakain nilang taba, paano mawawala yung mga naka-imbak na taba kung ang sinusunog lang ng pagpapawis nila ay yung kinakain nila ngayon?  Ang nangyayari, nakadalawang karamdaman na sila sa isang taon samantalang ako ay wala pa.

Ang totoong diyeta ay ang mabisang paraan sa pagbabawas ng timbang.  Kung maisasapuso lamang ito ay malalaman ng may katawan na hindi mahirap.  Sa unang ilang araw, linggo o isang buwan ay mahirap, ngunit sa mga susunod ay hindi na kasing-hirap dahil nahihirati na ang iyong katawan sa ugaling nabuo mo na sa iyong sarili – nasasanay ka na kasi sa sistema ng iyong pagkain.  Isipin mo na lang na ang diyeta ay hindi pag-iwas sa pagkain kundi paglimita lamang sa pagkain.  Huwag tumingin sa pangalan ng pagkain kundi tingnan mo ang uri ng pagkain.  Hindi sinabing minsan lang ang iprinitong isda, itlog, manok o sinabawang baka.  Ang sinabi ay minsan lang ang pagkain ng mga mamantikang pagkain, dahil ang nangyari ay hindi minsan kundi araw-araw sa buong linggo kang kumain ng mamantikang pagkain.

Hindi dahil nakakaramdam ka ng gutom ay gutom ka talaga, minsan ay hinahanap na lamang ng katawan mo ang may kinakain dahil naging bisyo na ng katawan mo ang may kinakain.  Basta’t alam mo sa sarili mo na kumakain ka sa tamang oras ay hindi ka malilipasan ng gutom.  Hindi dahil parehong may dayabetes ang iyong mga magulang ay ligtas kana sa sakit na ito kaya walang limitasyon ang pagkain mo ng lahat ng matamis – maling-mali ka ng pag-aakala dahil maisasama ka sa ikalawang uri ng dayabetes.  Kaya kung alam mo sa sarili mong hindi ka naman nag-iingat sa pagkain, wala kang karapatang magreklamo kung bakit ka nagkakasakit.  Kung sabagay, ang may-katawan lang naman ang makakaranas ng sakit at hirap ng katawan at siyang haharap sa gastos at abala, ngunit kung isasalang-alang mo ang hirap at pag-aala-ala ng ibang tao para sa iyo, siguro ay maaantig ang puso mo na isagawa at isabuhay ang magkaroon ng malusog na pangangatawan.


NASA KINAKAIN
Ni Alex Villamayor
August 30, 2012
Khobar, KSA

Friday, August 24, 2012

PAGPIGIL SA PAGDAMI NG MGA TAO


Tatlumpung taon na ang nakalilipas nang mabasa ko sa isang maliit na karatula sa isang tindahan ang mga katagang ito: Saan patutungo ang mundo sa pagdami ng tao?  At sa ibaba nito ay ang larawan ng ibat-ibang kahirapan ng mga Pilipino.  Nung mga panahon na iyon ay bata pa lamang ako ngunit nakadama na ako ng takot na ano nga ba ang mangyayari kapag napuno na ng mga tao ang mundo.  At nag-udyok pa nga sa akin ang karatulang iyon upang makapagsulat ako ng maikling sanaysay tungkol sa populasyon.  Nakakalungkot isipin na makalipas ang maraming taon ay naruon pa rin ang kaparehong katanungan.  Mula apatnapu’t walong milyong populasyon nuong simula ng dekada otsenta ay naduble sa mahigit siyamnapung milyon ang populasyon ng Pilipinas ngayon.  At nuong dekada rin na iyon ay pilit ng nilulutas ang kahirapang bumabalot sa buong bansa.  Ngayon, napakahirap ng sugpuin ang kahirapan dahil na rin sa hindi nakontrol na pagdami ng tao mula nuong dekada otsenta hanggang kasalukuyan.

Nabasa ko sa isang editoryal ang paliwanag kung bakit napakahalaga ang magkaroon ng pagpigil sa pagdami ng tao.  Napakadaling maintindihan kahit ng isang simpleng mamamayan ang pagpapaliwanag sa artikulong iyon.  Ang sabi, kahit hindi gaano mabilis na lumaki o lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ay hindi masasabing naghihirap ang bansa kung ang mga tao ay tatlong beses kumakain maghapon, nakakapagpagamot kung maysakit, nakakapasok ang mga bata sa pampublikong paaralan.  Ito ay kung kakaunti ang populasyon na tumatanggap ng serbisyo ng pamahalaan.  Dahil kahit mabagal ang paglaki ng yaman ng bayan ay kaunti lang naman ang naghahati-hati.  Ang sabi pa sa naturang editorial, lumiliit ang sukat ng lupang taniman ng pagkain dahil sa mabilis na pagdami ng tao.  Ang nangyayari ay palaki ng palaki ang pag-angkat ng bigas, kinukulang na kasi ang ani ng mga nagtatanim ng palay dahil ang dating palayan ay kabahayanan na ngayon.  Nuon ay ang Pilipinas ang pinakamalaking nagluluwas sa buong mundo ng mga produkto ng niyog, ang pinakamalaking kalaban ng Brazil sa kalakalan ng asukal sa Amerika, at ang pinakamalaking tagapagdala ng mga troso sa Japan.  Ngayon ay nagmahal ang mantika dahil lumiit ang ani ng niyog, kulang na ang asukal sa bansa, ang materyales sa paggawa ng bahay ay bakal at konreto dahil wala na ring kahoy sa bundok – ang mga ito ay dahil wala ng mapagtaniman dahil nagiging kabahayanan ng mga dumadaming iskwater ang mga lupain.

Napakalaki ng epekto ng mabilis na pagdami ng tao sa kahirapan ng buhay.  Habang dumarami ang bilang ng mga tao ay bumababa naman ang kalidad ng pamumuhay.  Nariyan ang kahirapan, kawalan ng hanap-buhay, maruming kapaligiran at ang mga napipilitang gumawa ng krimen dahil sa kahirapan.  Mula nuong dekada otsenta ay mahigit apatnapung milyon ang nadagdag sa kailangang arugain ng pamahalaan.  Kung gaano man ang iniunlad ng ating ekonomiya mula nuong dekada otsenta ay nabale-wala ang halaga at hindi nararamdaman ang kaginhawahan dahil mabilis na dumami ang mga tao na nakikipag-agawan sa nagkukulang na serbisyo ng gobyerno.  Mahalaga ang bilang ng populasyon ng isang bansa upang magkaroon ng mapayapa at magandang buhay ang kanyang mamamayan.  Kung hindi sana naduble ang populasyon, nagpapakasaya sana ang taong bayan sa iniunlad ng ekonomiya sa loob ng 30 taon.  Nakakapagtaka pa ba kung bakit patuloy ang paglaki ng kahirapan?  Ang mga tao na rin ang may kasalanan dahil walang kontrol sa pagpaplano ng pamilya kaya dumadami ang mga nangangailangan.  Kailangan na ng puspusang pag-kontrol ng populasyon, anuman ang paraan natural man o artipisyal.  Kung tatangkilikin ng mga tao ang isinusulong ng pamahalaan, o kung susundin nila ang gusto ng Simbahan na tanging pag-abstinensya lamang ang katanggap-tanggap na pag-plano ng pamilya ay nasa taong may-pagmamalasakit at responsobilidad sa mga anak na ang pagpapasya.  Sa pagtatapos ng araw, ang mag-asawa pa rin ang bubuhay sa kanyang mga anak.

Karamihan sa mga pamilyang dumaranas ng kahirapan ay iyung may maraming anak.  Mayroong dalawang mag-anak na magkapareho ang kinikita ngunit magkaiba ang dami ng anak.  Ang una ay may isang dosenang anak na nag-aagawan sa kita ng mag-asawa samantalang ang ikalawa ay may dalawang anak lamang na nakikinabang sa kita ng mag-asawa.  Mas maraming anak – mas maraming kailangang iluto, mas maraming pag-aaralin, mas maraming inaala-alang kalusugan, mas maraming ibinibigay na pangangailangan.  Samantalang ang may dalawang anak ay mas maraming pagkain, maliit ang gastos sa pag-aaral at asikasong-asikaso ang kalusugan ng mga anak.  Kung sa halimbawang ito ay inilagay sa magkaparehong kita ang dalawang mag-anak, gasino pa kaya kung ang mag-asawang maliit ang pamilya ay kumikita ng mas malaki na kadalasan ay siyang nangyayari?


Pagpigil sa Pagdami ng mga Tao
Ni Alex V. Villamayor
August 23, 2012