Sa tuwing sasapit ang dilim ay palagi akong dumudungaw mula sa
bintana, nakatingala sa langit upang tingnan ang inaabangan kong kabilugan ng
buwan. Kung may dalawampu at walong araw
din ang aking paghihintay para mabuo ang napakaganda, napakaliwanag at
napakahiwagang kabilugan ng buwan. Sa
napakalawak na madilim na kalangitan, namimilog ang aking mga mata sa labis na
katuwaan na tinititigan ang tumitingkad niyang kaliwanagan habang papalalim
nang papalalim ang gabi. May hatid na hiwaga
ang napakalawak na kalangitan at kapaligiran sa tuwing bilog ang buwan. Katulad din ng mga kababalaghang nakakatakot
pag-usapan tuwing ganitong panahon.
Bakit ba sa tuwing bilog ang buwan ay saka pa napag-uusapan ang mga
kakaibang nilalang na hindi natin nakikita na nananahan sa kagubatan at
karagatan. Hindi man nakikita ngunit
nararamdaman. Katulad ko rin, may hatid
na misteryo ang bumabalot sa aking katauhan tuwing sasapit ang kabilugan ng
buwan. Parang kakaibang katauhan na
nananahan sa aking katawan.
Tuwing araw na ganito, may hatid na misteryo sa akin ang
kapaligiran para sa mga nagmamahalan.
Ang panahon ng pagmamahalan at paglalambingan, panahon ng magkasama na
naglalakad sa ilalim ng liwanag ng sikat ng buwan. Gusto ko lamang ang mamasyal at maglakad nang
maglakad kasama ang aking pinakamamahal.
Mauupo sa damuhan at sabay na titingnan ang napakagandang buwan,
tatanglawan nito ang dalawang nagmamahalan.
Sa liwanag ng bilog na buwan ay nasisinagan nito ang kaibig-ibig na
mukha, mga mata at labing mapangusap.
Tila sa tulong ng sinag ng buwan, pakiramdam ko’y napakalakas ko. Matipuno ang aking bisig, siksik at namimilog
ang mga kalamnan, tila nababanat na parang sa isang gerero na nasa digmaan
tagapagligtas sa buong mundo. Isang
ganap na mabikas, makisig na mandirigmang namumukadkad ang panghalina dahil sa kanyang bangis at tapang.
Mataas ang tubig sa dagat, salamin ng bilog na buwan,
nagniningning ang buong sinag nito sa karagatang mistulang sinaniban ng langit,
ang kapaligiran ay isang buong kulay itim, walang naghahati sa pag-itan ng
langit at dagat. At sa baybayin ay
maingay ang maliliit na alon na humahampas sa dalampasigan dahil sa malakas na
hangin. Ganito ang karagatan, habang ako
ay nasa kapatagan, tinatanaw ang aninag ng liwanag ng buwan sa mga dahon ng
puno ng niyog at saging, sa pagwasiwas ng hangin ay tila mga tala na kumikislap
sa kalangitan. Sa gabing ito, pakiramdam
ko ay ako ang pinakamasaya at pinakamapalad na lalaki sa buong mundo. Bakit hindi ay napakaperpekto ko sa panahong
kasama ko ang aking mahal ay wala ng hihigit pa sa aking kaligayahan. Iyung yakap ko siya sa aking mga bisig at
ipaghehele hangang sa makatulog sa gitna ng sikat ng buwan. Sa gabing iyon ay
tila ako ang buwan na nakatingin lamang sa kanya at tinatanglawan, ako ang
kanyang tala na nagbabantay sa kanyang pagtulog at ang dilim ng gabi na
kukumutan siya.
Ayaw ko sanang matatapos ang magdamag, kung magliwanag man ay
naghihintay pa rin ako kinabukasan kahit na sa ikatlong kinabukasan dahil may
mga nalalabi pang hiwaga ang buwan sa akin.
Hanggang muli akong maghihintay tuwing sasapit ang dilim na palagi akong
dumudungaw mula sa bintana, nakatingala sa langit upang tingnan ang inaabangan
kong kabilugan ng buwan. Maaaring wala
na sa dalawampu at walong araw, kung maaari nga lang ay wala na’ng pagbibilang
hanggang sa masilayan ko ang kanyang pagngiti sa kalangitan. Hindi ko man maunawaan ang nangyayari ay
masaya na ako dahil sa ganitong panahon ay nararamdaman kong ako ang
pinakamahalaga, pinakamakapangyarihan at pinakamapalad na lalaki. Ito ang hiwaga ng bilog na buwan na aking
laging inaabangan at pinananabikan.
Ni Alex V. Villamayor
October 18, 2015
No comments:
Post a Comment