Ang isang kapansin-pansing ugali
na minana ko sa aking nanay ay ang pagiging tapat sa trabaho. Ayon sa mga kwento ng kanyang mga naging
kasama sa trabaho, kilala sa pabrika ang nanay bilang matapat sa trabaho sa pamamag-itan
ng pagpasok at pag-uwi sa tamang oras at tuloy-tuloy lang siya kung magtrabaho
– trabaho kung trabaho. Katunayan, ang
aking ina ay naging paborito ng kanyang amo hindi dahil sa pulido niyang
trabaho kundi dahil sa katapatan sa trabaho.
Hindi siya nandaya tulad ng pag-uuwi ng mga gamit ng kanilang pabrika o
ng pagkubra ng kabayaran na hindi niya pinagtrabahuhan. May mga araw nga nuon na umuuwi siyang walang
natirang pera sa pasuweldo nila dahil kailangan niyang unahin na bayaran ang
pagtratrabaho ng mga tao niya.
Samantala, nakuha ko naman sa
aking ama ang ugali niya na magkaroon ng isang matibay na paninindigan at
malaking pagpapahalaga sa salita. Hindi
ko man alam ang mga nangyayari nuon dahil sa aking murang pag-iisip, alam ko na
bilang isang makalumang politiko ay ipinaglalaban ng aking ama ang kanyang
isyu. Dito ko nakuha yung ugali ko na
kapag may sinabi ako ay ginagawa ko at pinaninindigan ko. Sa mga nakakakilala sa akin, maaaring
napapansin nila na kapag nakipagkasundo ako ay tinutupad ko kung ano ang
napagkasunduan natin. Ito ang dahilan
kung bakit umiinit ang ulo ko kapag pabago-bago ang mga panuto. O kaya ay kapag hindi tumupad sa
napagkasunduan tulad ng oras ng pagkikita.
Mga simpleng halimbawa lamang ito ngunit nagpapakita ito ng aking
pagiging may isang salita.
Ang isang mahalagang payo naman
na aking natanggap mula sa aking ama ay tungkol sa pera. Sinabi niya ito sa akin nuong matanggap ako
sa trabaho sa isang bangko, natatandaan ko pa nuon na ibinilin niya sa akin
alagaan ko ang aming pangalan na kahit maghirap man kami ay huwag akong
masisilaw o matutukso sa pera para magnanakaw.
Ang pera ay kayang kitain ngunit ang karangalan, kapag nasira na ay
mahirap na’ng maibalik sa dati. Mula
naman sa aking ina, ang kanyang pagiging inosente na siyang nag-uudyok sa kanya
upang maging totoo ang pinaghuhugutan niya ng paniniwala sa sarli upang ipayo
niya sa amin na huwag kaming mangloloko ng kapwa. Ang kawalan ko ng malisya ang umiiral sa akin
upang maging patas sa bawat labanan ang hanggang ngayon ay isinasabuhay ko na
aking ipinagpapasalamat dahil sa maraming pagkakataon ay napatunayan ko ang
kahalagahan.
Isang malaking aral naman na
natutunan ko sa aking ama ay ang pagiging simple. Ang kawalan ng interes sa mga makabagong
gamit at pag-aasta ng parang mayaman ang naging inspirasyon ko na nakatulong sa
akin upang hindi ako maghangad ng mga labis at ng mga hindi makatarungang bagay
na gugustuhin. Natuto kong pasalamatan
kung ano ang nasa akin at kuhanin kung ano lang ang kaya ko. Mula sa aking ina naman ay natutununan ko ang
maging matapang na harapin ang mga problema, kung hindi man ay tiisin ito at
hindi dapat takasan. Dahil ang mga
problemang dumadating sa atin ay resulta lang naman ng ating mga ginagawa kaya
tayo rin ang dapat na haharap. At sa mga
dumating na gulo at problema sa buhay ko ay mag-isa kong hinarapa ang mga iyon
upang sa dulo ay matamis kong natitikman ang tagumpay.
Bukod sa kakayahan sa pagluluto
na nakuha ko sa aking ama at kaalaman sa sining na nagaya ko sa aking ina, ito
ang mga makabuluhan, malaki at makulay na ugali na namana, payo na natanggap at
aral na natutunan ko sa aking mga magulang.
Kung anu ako ngayon, ito ay dahil sa aking ama at ina. Hindi man masabing perpekto ang pagiging
tapat ko sa trabaho, mayroon man akong mga ikinakaila sa buhay, at minsa’y
ninanamnam ko rin ang maging isang marangya dahil sa mga malilit na kamaliang
ito ako nagiging isang totoong tao ngunit sa kabuuan at pangkalahatan ay alam
ko na sa kabila ng mga ito ay may tiwala pa rin ako sa aking sarili na ang mga
naunang nabanggit na mga ugali ko ay ang mga mas nangingibabaw sa aking
pagkatao.
Ni Alex V.
Villamayor
November 30, 2015