Thursday, November 05, 2015

PAGSASALITA NANG AGAD-AGAD

Likas talaga sa karamihang tao ang mabilis pumuna tungkol sa mga nangyayari sa kanyang nakikita ngunit kapag siya na ang nasa ganuong sitwasyon ay hindi na alam ang gagawin.  Dahil hanggang wala ka sa kalagayan ng mismong pangyayari ay hindi mo alam ang mga nangyayari kaya iwasan mo ang maging mapagpuna.  Madali kasing makita ang ginagawa ng ibang tao kaysa sa ating ginagawa.  Iyun ay dahil nakikita natin ang buong litrato kung saan naroon ang isang tao at ang mga nakapaligid sa kanya samantalang sa ating sarili ay hirap nating makita kung ano-ano ang mga nasa paligid natin kapag kinukuhanan natin ng litrato ang ating sarili.  Huwag magsalita nang agad-agad kung hindi ka naman kasama sa pangyayari, kung wala ka namang alam, o kung hindi kinakailangan.

Ang isang simpleng halimbawa ay katulad ng marami nating mga kakilala na kapag nanonood ng mga laro ay ang bilis makakita ng mga mali at ang daling magsalita na ang dapat gawin ay ito, iyun,ganito, at makapintas nang may kasamang mga masasakit na salita pero kapag subukan mo na siya na ang maglaro ay hindi naman niya magawa na maging magaling sa nasabing laro.  Baka nga nihindi man lamang siya napapasama sa mga magagaling na manlalaro sa kaniyang mga sinasalihang laro.  Hindi naman sa ipinagbabawal ang magpuna ngunit sa pagpintas niya sa mga nakikita niyang tao ay ilagay niya ang sarili niya sa mga kalagayan kung matatanggap ba niya ang mga masasakit na salita.  Marami ang pwedeng magpuna ngunit kaunti lamang ang may mga authority na pumuna.  Sa pambihirang pagkakataon, mayroon lang talagang magaling sa pagtuturo kaysa sa pagsasabuhay ng mga itinuturo – hindi lahat ng taga-sanay ay magaling na manlalaro.  Isa pang halimbawa ay iyung kapag may narinig na isyu tungkol sa isang tao na mula sa pambansa o pangdaigdigang balita ay agad magsasabi na ang dapat gawin ay ganito o ganyan.  Para bang ang lahat ay napakadali lamang.  Hindi man lang na isipin na hindi naman yan mga ordinaryong tao na basta na lamang kumikilos.  Sana naman ay isipin man lang niya o isipin naman niya ang mga sangkot ay nasa matataas na posisyon na ang mga ginagawa nito ay pinag-isipan muna.  Resulta na lamang naman ng kanilang ginawa ang ating mga nakikita at nalalaman kaya aakalain natin na yun na.  Bago naman nangyari ang kinahinatnan ay napakaraming pinagdaanan nito na hindi natin nakikita at masalimuot kung hihimaymayin ang bawat detalye.

Bilang tao, napakadaling maghusga ng isang bagay na nangyari pero yung aalamin ang pinagmulan ay hindi na binibigyan ng pansin at halaga.Ang hilig kasi natin magsalita, mangpuna, mamintas at manghusga.  Kung sana ay sinasarili na lamang muna natin ang pamumuna ay hindi na tayo nakakadagdag ka lang sa kaguluhan o sa sakit na nararamdaman ng isang tao.  Sigurado na ang sasabihin ng mga mapagsalita ng agad-agad ay kailangan ang magsalita at hindi dapat hayaan ang mga bagay-bagay na nakitang mali.  Tama ito pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay magsasalita ka ng iyong sinasaloob dahil minsan ay hindi hinihingi ng pagkakataon o mali na ang pagsasalita mo ng iyong opinyon.At sasabihin din nila na ang ginagawa nila ay pagbibigay ng opinion lamang upang makatulong, o pagbabahagi ng mga nalalaman upang makakuha ng ibat-ibang haka-haka, makita ang tama at katotohanan at makabuo ng sulusyon.  Idadagdag pa na ang pagsasalita ng sinasaloob ay bahagi ng malayang pagpapahayag at bilang isang pagmamalasakit upang makatulong.  Napakaraming dahilan upang makapagsalita lamang ng agad-agad.

Pagpapaalala na kung wala ka sa pangyayari o wala ka sa kaparehong sitwasyon o hindi naranasan ang ganuong pangyayari ay hindi mo malalaman ang totoong nangyayari kaya hindi ka dapat agad-agad na nanghuhusga.  Kung sakali man na nakakita ka ng ganuong pangyayari, dahil hindi naman kinakailangan na dapat ay naranasan mo mismo ang pangyayari, hindi na masama kung kaya ka nakakapagsalita ng iyong opinyon.  Pero ang ugaling mabilis magsalita tungkol sa pagkakamali ay kailangang iwasan.  Tandaan lamang na sa ating pakikipag-ugnayan sa maraming tao ay madaling makita ang dumi sa mukha ng iba kaysa sa dumi sa ating sariling mukha.

Ni Alex V. Villamayor
November 5, 2015

No comments: