Saturday, November 14, 2015

KAHINAAN NG LALAKI

Ipagpaumanhin ninyo ngunit sasabihin ko na ang pambababae ng isang lalaking may pamilya na ay isang ugali na hindi ko kaylan man natatamaan at matatanggap.  Maaaring maunawaan ko ang sitwasyon ngunit hindi ko sasabihing tama.  Sa relasyong mag-asawa, nauunawaan ko ang kahinaan ng lalaki pagdating sa tukso ngunit hindi ko ito tinatanggap na maging lohika, paliwanag, o katwiran upang ang kanyang gawain ay maging pangkaraniwan o iyung sasabihing natural sa kanyang pagiging lalaki.  Dahil sa siya ay lalaki kung kaya walang masamang magtaksil, para bang ibig ipakahulugan ay tama lang na pumatay ang isang tao dahil siya ay mamamatay-tao?  Ang katotohanan, ang lalaki ang kadalasang wumawasak sa pamilya.  Bihira talaga ang isang lalaki na naging tapat sa asawa. Laging mayroon at mayroon minsan sa punto ng kanyang buhay-may asawa ay gumawa siya ng kataksilan.

Nakakalungkot na kahit na anong tapat ng isang lalaki ay may posibilidad pa rin na siya ay kumaliwa.  Kahit nga ang mga itinuturi nating mga mangangaral ng mga salita ng Diyos ay mayroon din sa kanila ang naliligaw ng landas at gumagawa ng milagro.  Mayroong mga naturingan na pastor o masipag sa pag-aaral ng Banal na Aklat ngunit ang ilan sa kanila ay mayroong itinatagong bawal na pakikipagrelasyon.  Kung ipinagsisigawan mo ang mga aral tungkol sa pagiging isang mabuting tao na itinuturo ng iyong relihiyon, masisisi o mapupulaan mo ba ngayon ang isang relihiyon kung bakit tinatakpan ng itim na tela ang mukha ng mga babae nila at hindi pinagsasama sa iisang lugar ang mga babae at lalaki?  Dahil anumang pagmumulan ng kasalanan ay dapat ng putulin sa umpisa pa lamang dahil ang tao ay marupok din lang naman – kung salungat ka dito, pangatawanan mo ang pagiging isang mabuting tao.

Bihira akong maka-alam ng isang lalaki ang naging tapat sa asawa lalong-lalo na yung mga nagtratrabaho sa ibang bansa.  Kung yung nasa sariling bayan na kasama ang asawa ay nakakagawa, gaano pa kaya yung siya ay napalayo na nag-iisa?  Nasaksihan ko, napakadalang sa isang lalaki ang naging tapat sa kanyang asawa habang siya ay nasa ibang bansa.  Kung ang isang lalaking ang asawa ay nasa Pilipinas ay nakakita ng isang maaaring maging kasama sa pagtulog at pagtatalik habang siya ay nasa ibang bansa, sana ay isipin niya kung gaano din kahirap sa pangungulila ang kanyang naiwang asawa sa kanilang bahay.  Sana ay isipin niya kung paano pinaglalabanan ng kanyang asawa ang tukso alang-alang sa kanya.  Sana ay huwag siyang dumaan sa pagsubok na may makilalang lalaki na mas higit sa iyo dahilan upang mahalin niya.  Sana ay wala siyang maging dahilan upang ikaw ay gantihan.  Sana ay hindi mangyari ang karma dahil kung ikaw ay naging taksil, tama lang na may makatapat kang isang taksil.

Aminin man o hindi, alibi na lamang ng isang lalaking kumakaliwa ang baluktot na katwiran tungkol sa pagiging lalaki.  Habang ang isang lalaki ay binata, maaari siyang makipagrelasyon sa maraming babae o magpakasawa sa pakikipagtalik (bagamat bawal saan mang paniniwala) ngunit sa oras na nag-asawa na siya ay kailangan iwaksi na niya ang pagkataong ito.  Kapag nag-asawa na ang lalaki – isinusumpa niya ang pagiging tapat sa relasyon, paggalang sa kasagraduhan ng pag-iisang dibdib at ang kawagasan ng kanyang pag-ibig sa kanyang sa asawa.  At sa oras na siya ay malapit sa tawag ng tukso, hindi siya dapat gumawa ng dahilan upang sundin niya ito.  Walang dahilan – sabihin mang ang babae na ang lumalapit sa kanya, ang paniniwalang ang lalaki ay likas na poligamo at mahina sa tukso, ang kasabihang walang mawawala sa isang lalaki, ang lahat ng ito ay pawang mga palusot na lamang sa kamaliang ginusto rin niya.

Ni Alex V. Villamayor
November 14, 2015

No comments: