Friday, November 20, 2015

UTANG NG LOOB

Hanggang saan ang utang ng loob?  Kapag nakokompromiso ang iyong paninindigan, ano ang mas paiiralin mo – ang iyong prinsipyo o ang pagtanaw ng utang ng loob?  Ano ba ang tama, ang sundin ang sinasabi ng puso, isip at kunsensiya? O ang kaligayahan ng ibang tao?  Oo, depende sa kaso dahil hindi maaaring ipangkalahatan ang sagot sa katanungan na ito dahil masyadong malawak ang nasasakupan nito.  Ngunit kung ihahalimbawa sa isang kaso, ang pagtulong ng isang tao na may mataas na posisyon sa isang tao na nagsisimula upang magkaroon ng trabaho – kung mangyari na ang tinulungang tao ay may kailangang gawin na hindi magugustuhan ng tumulong na tao, may nagawa bang mali ang nauna?  Mahirap ang maiipit dahil mahirap ang masabihan ka ng walang utang ng loob ngunit mahirap din ang salungatin mo ang iyong sarili kahit naniniwala kang ikaw ay nasa tama.  Ang utang ng loob ay bahagi lang ba ng ating kulturang Filipino o ang ihinalimbawang kaso ay ang kalakaran n alang sa daigdig ng kalakalan?

Kung ang pakiramdam ng isang tao ay nagigipit siya sa isang usaping-manggagawa, o natatapakan ang kanyang karapatan sa kanyang trabaho – kung ipaglaban niya ang kanyang pinaniniwalaan na hindi naman sasang-ayunan ng taong tumulong sa kanyang makuha ang trabahong kanyang pinagtratrabahuhan, itutuloy pa ba niya ang kanyang ipinaglalaban?  Kung itinuloy niya ang kanyang gusto, tama ba na sisihin siya ng tao na tumulong sa kanya?  Bilang isang tao, ang pagiging malaya ang nagbibigay sa atin ng dignidad.  Ang malayang gawin ang isang bagay basta’t wala kang naaargabiyadong tao ay hindi kasalanan.  Anuman ang usapin tungkol sa kanyang trabaho, kailangan lamang itong tiyakin kung tama sa magkabilang panig – ang namamasukan at ang amo.  Sa punto na kung tama bang sisihin siya ng taong tumulong sa kanya, depende kung ano ang ipinaglalaban ng isang tao.  Oo, sa isang banda ay sinaktan niya ang tumulong sa kanya.  Ngunit dapat nating alalahanin na ang isang manggagawa na nasa mataas na posisyon ay asahan na nating nasa panig ng kumpanya palagi.  Ang katanungan dito ay anu ba talaga ang niloloob ng taong tumulong – ang kapakanan ba talaga ng kumpaniya o ang kanyang interes na nalagay sa hindi magandang paningin ng kanilang pinagtratrabahuhan?   At dapat din nating alalahanin na kapag tayo ay tumulong ay hindi natin dapat isumbat ang ating naitulong.

Kung laging isasaalang-alang ang kabutihan na nagawa sa atin ng isang tao, hindi tayo matatapos sa pag-tanaw ng utang ng loob. Hanggang kalian tayo magbabayad?  Ang utang ng loob ay laging nariyan, hindi natin ito mauubos na bayaran kaya kung sakali na maipit ka sa sitwasyong sumusukat sa iyong pagtanaw ng utang ng loob, huwag kang mag-alala dahil hindi lang sa iisang pagkakataon mo maipapakita ang pagtanaw at pagbabayad mo ng utang ng loob.  Marami pa’ng pagkakataon.  Ang pagbabayad ng utang ng loob ay hindi lang maipapakita sa pagmamag-itan ng pagpapasailalim mo sa tumulong sa iyo.  Maraming paraan upang maipadama mo ang pagtanaw ng utang ng loob.  Mahirap nang dahil lang sa magandang ginawa o naibigay sa iyo ng isang tao ay napipilitan kang huwag siyang gawan ng hindi niya magugustuhan kahit na alam mo kung ano ang nasa iyong puso.  O kaya’y dahil sa utang ng loob ay nalilimutan mo ang iyong sarili at mas pinipili mo na lamang na huwag sundin ang kagustuhan mo bilang pagpapasalamat sa tao na tumulong sa iyo.  Dahil sa pagtanaw natin ng utang ng loob ay nahihiya tayo na magawan natin ng ikadidismaya, ikasasama ng loob o ikalulungkot ang taong tumulong sa atin alang-alang sa utang ng loob.  Hindi dapat maging ganito ang pag-iisip natin.  Huwag tayo magpatali sa isang pananaw na maaaring sumira sa atin.  Kung alam mo na tama ang iyong ginagawa, dapat mo lang sundin ang sinasabi ng iyong kunsensiya hanggat wala kang inaargabiyadong tao.  Hindi pang-aargabiyado kung masaktan mo ang loob ng taong tumulong sa iyo sa kadahilanang magkaiba kayo ng gusto dahil wala ka namang niloloko.

Ramdam ko ito dahil malapit ang puso ko sa mga uring-manggagawa.  Masarap pakinggan na pantay lamang ang karapatan ng mga trabahador at ng may-ari ng kumpanya ngunit ang totoo ay masakit tanggapin na mahirap lumaban ang isang mangagagawa sa kapitalista.  At alam ko ang bagay na ito dahil sa ilang beses na pagkakataon dumaan na ako sa karanasan na ganito.

Ni Alex V. Villamayor
November 20, 2015

No comments: