Monday, November 23, 2015

TAGA-ANGONO KA KUNG…

Sa mahalagang araw na ito ng Angono, nagbalik-alaala ako ng aking kamusmusan kung saan ako ipinanganak, lumaki at nagka-isip.  Kay sarap isipin ang dating Angono na aking kinamulatan, kinalakihan at kinasanayan kaya ipinagmamalaki ko ang pagiging isang tunay, laki, at taal na taga-Angono.  Dahil alam mong taga-Angono ka kung dumaan ka sa mga mahuhusay na guro tulad nina Mrs. Cobarubias, Mr. & Mrs. Castillo, Ms. Sausa, Ms Floriza, Ms San Pedro, Mrs Tanchoco.  O nasabihan ka ng “aba neneng, aba totoy” ni Ms. Teresita Villaluz ng APHS.  Kung kilala mo si Bunyog na walang saplot na kilalang umiinom ng gasolina ng mga bangka, si Punyeta na “nambabaril” daw, kung kilala mo sina Padre Marcelino na naninigaw ng mga batang naglalaro sa patio, Padre Mathan, Father Pasti, si Mayor Turne, Doktor Benny na nagbibisekleta papunta sa kanyang mga pasyente, si Neneng Catolos na bangtagal mangkulot o manggupit dahil sa mga kwento, si Bitong Anghel, Andoy Dimonyo, si Haponde, Kim Joe, si Mang Utse na manunuli, si Iking Tae, sina Ti-Silyo at Ti-Pase na kilala sa pagiging kuripot at ubod ng yaman, Joel Ayungin ng banda-uno, Eding bisaya na may dalang radyo, si Bayamaw, mga sikat na basketbolistang sina Carling Villamayor, Luyong at Luther, si Donya Nena na taga-Biga, ang mag-anak na intsik na sina Andoy, Chuala at Emily, Ti-Siday na nanay ni Sandra Aguinaldo, magkapatid na Mama Tibong at Ti-Marta, ti-Elekta na magpuputo, si Liza na tambolmayor, ti-Koro na nangingiliti, ang Vitor triplets at siyempre sina Botong Francisco at Lucio San Pedro, at iba pa – kung kilala mo sila ay walang duda na lumaki ka sa Angono.

Taga-Angono ka kung alam mo kung saan ang dalawang ulo ng kalabaw, sikat na tahian na Carousel, tulay na kahoy sa Baraka, Farmacia Magdalena, ang Balite, Star Theater, Sampaguita Bakery, Ruray Bazaar, Sapang Dulungan, Mangahan, Tomas Hardware, Nano Restaurant, tindahan ni Ado, wawa na tanaw mo ang dalawang tore na umuusok na isa palang pabrika, ang Gwantex, ang lumang Simbahan sa Biga, ang Angono Petroglyphs, Craser, Paso, Isbak, Palomo, ang lugar kung saan dati itinatago ang tatlong malalaking bangka tuwing piyesta, kung saan ginagawa ang Higante, malaking bahay ni Hercules, gawaan ng kandila, tindahan ni Ti-Ricky sa AES, Ed-Ni-Roy Store, Ben Furniture, Ma. Lea Agro-Vet, Villa Carmela, Carebi, Krus sa Poblacion Ibaba, Resthouse sa Wawa, seminaryo sa bundok, ang bahay ng Poong-Nakahiga at ng Mahal na Birhen, at iba pa – kung alam mo o napuntahan mo ang mga lugar na ito, naging taga-Angono ka nga.

Masasabing taga-Angono ka kung natatandaan mo pa ang pagtunog ng sirena sa munisipyo tuwing ika-walo ng umaga, ika-labingdalawa ng tanghali at ika-lima ng hapon, kung alam mo yung trak ng Hapon ni Mang-Naok (Haponde), marunong kang mag-paang-manok, mag-bulyon, mag-ismaking, mag-buto-buto at mag-pop corn, kung alam mong ang Bagumbayan ay dating bukid lamang, nakapanungkit ka ng kamachile, natatandaan mo pa ang mga nanghahabol na malalaking pabo ni ti-Senyang sa simbahan, nag-aabang ka sa mga mamumukot para  makapang-bakaw ng isda sa wawa, nakapaglaba ka sa ilog na may mga bangkang nagdadaan, nakakain ka ng fried itik sa halagang ocho, kung kumakain ka ng kanduli, balaw-balaw, kung marunong kang mag-istra ng lambat para magtanggal ng digman at magpalit ng argolya, nakapamulot ng tulya sa wawa, nakapunta sa cedera, nakapag-hatak ka ng Bangka, nakapag-buhat ng poong nakahiga, nakapanguha ng aratiles sa pantiyon o nanghuli ng gagamba, kung alam mo ang tropang-Avknoy, Bunsong Tropa, Laqui Muka, Rachers, Acid Mucus, Remache, District of No Ugly, SK Balite, at Levis, kung alam mo ang Dakipan na ginagawa tuwing Mahal na Araw, ang kakaibang Salubong, kabisado mo ang unang saknong ng dicho sa bati', awit kay San Clemente, Parejadora, Higante, Pagoda, at kung ano ang okasyon tuwing ika-23 ng Nobyembre.

Kung alam mo ang lahat ng ito, walang duda na ikaw nga ay laki at taal na taga-Angono at tulad ko na may pagmamalaki sa puso na ako ay isang taga-Angono, ang bayang kanlunganng Sining.


Ni Alex V. Villamayor
November 23, 2015

2 comments:

Unknown said...

Thanks for the memories Alex.
Every bit of word you express gives me Goosebumps.

Also "Tandang Sora" sa Palomo na naglalakad daw tuwing Gabi.

:)

Alex V. Villamayor said...

Hello po.
Walang anuman.
Mukhamg kababayan kita, sana ay makilala kita.
Salamat po.