Friday, September 09, 2016

MAGING PILANTROPYA

Kung talagang may sumosobra lang sa pera ko, iyung kapag naibibigay ko na ang mga reposibilidad ko sa pangangailangan ng pamilya ko, obligasyon sa bayarin at nakapagtago na ako ng para sa kinabukasan ko at may sobra pa rin ay gusto ko talagang tumulong sa mga taong kapus-palad.  Maaaring sabihin ng iba na kahit naman tayo mismo ay kinakapos ay maaari pa rin naman tayong makatulong sa pamamag-itan ng paminsan-minsan na pakikiramay, pagbabahagi ng kahit anong maliliit na mayroon tayo at mga tulong na walang katumbas na pera.  Tama ang mga ito pero ang ibig kong sabihin ay gusto ko sana magkaroon ng adbokasiya na aking gagawin habang ako ay nabubuhay o iyung kawang-gawa na palagian at tuloy-tuloy kong gagawin.

Kung papalaring maging mayaman talaga ako ay gusto kong unang maging proyekto ko ay tulungan ang mga mahihirap na batang mag-aaral sa pamamag-itan ng pagbibigay sa kanila ng pagkain upang makapag-aral sila nang hindi kumakalam ang sikmura.  Mahirap mag-aral nang gutom lalo na kapag umuwi sa bahay nang walang madadatnan na pagkain dahil wala naman kasiguraduhan kung mayroong mailuluto ang mga magulang.  Alam ko ang mga ganitong sitwasyon, at alam ko rin na karamihan sa mga batang nasa pampublikong paaralan ay hindi na kumakain sa bahay bago pumasok o umuwi, o kaya ay maliit lang ang baon na pera at maaaring wala pa ngang baon na pera na pambili ng pagkain.  May mga kailangan ding bilhin ang mga estudyante para sa pag-aaral tulad ng papel, lapis, at kung ano-anu pa na hindi naman basta mauutang sa tindahan kaya yung para sa pangkain sana ay mas ginagastos na lang nila sa gamit sa pag-aaral.  Mayroon akong simpatiya sa mga batang mag-aaral lalo na yung mga mahihirap na nasa pampublikong paaralan dahil wala silang pera.  May punto sa trabaho ko nuon bilang isang kawani ng bangko na nang may batang kailangang kumuha ng pera sa kanyang maliit na ipon na halos masagad na ay binigyan ko pa ng sarili kong pera dahil sa awa ko.  Alam ko, mahirap mag-aral nang gutom dahil may panahong naranasan ko ito.  Kaya gusto kong magkaroon ng lugar kung saan ang mga batang kapos sa pambili ng pagkain ay maaaring dumaan sa aking lugar upang makakain kahit kaunti o maiinitan ang sikmura kahit papano.  Ang mahalaga ay malagyan man lang ng pagkain ang tiyan ng batang mag-aaral na kailangang malusog ang isip at katawan upang makapag-isip nang maayos sa pag-sabak sa pag-aaral.  Hindi naman kinakailangang magarbong pagkain, mga ordinaryong almusal at miryendang Pilipino para sa batang Pilipino dahil ang mahalaga ay makakain sila ng tamang pagkain para sa kanilang kalusugan.

Mahirap ang magpa-aral.  Pagkatapos bayaran ng mga magulang ang matrikula, libro at uniporme bukod pa yung kapag may mga proyekto sa paaralan, ang pang-araw-araw na gastusin naman ang iisipin ng mga magulang.  Ang sabi nga ay mas madaling gawan ng paraan iyung mga bayarin para sa matrikula pero yung araw-araw na baon na ang mahirap igapang at gawan ng paraan.  Kaya marami ang mga estudiyante ang hindi na umaabot ng pagtatapos ng klase ay tumitigil na lamang sa pag-aaral dahil hindi makayang tustusan ng mga magulang ang pang-araw-araw na pangangailangan.  Naramdaman ko ito dahil ilang beses din akong nagpa-aral at sa kabila ng mayroon naman akong trabaho ay alam kong tipid na tipid na pinipilit ng aking pinag-aaral na pagkasyahin ang aking ibinibigay – gasino pa kaya iyung mga walang tiyak na trabaho?

Marami pa akong gustong gawin bilang pagtulong tulad ng pagpapatayo ng pangkabuhayan para sa mga mahihirap, pagtulong sa mga batang lansangan at mga inaabuso, at pagsuporta sa Inang Kalikasan.  Ngunit mas gusto kong maunang gawin ang pagbibigay ng pagkain sa mga nagugutom na batang mag-aaral na mahihirap.  Sa ganung paraan man lamang ay matulungan ko sila na mabawasan ang kanilang dalahing alalahanin tulad ng bayarin sa iba pa nilang pangangailangan sa paaralan, matuto at makatapos ng pag-aaral upang maging maganda ang susunod na henerasyon ng lipunan natin.  Masarap isipin na maging pilantropya at marami ang maaaring pagpilian upang magawa mo ang iyong pagtulong.  Marami ang mga institusyong pangkawang-gawa tulad ng bahay-ampunan, ng may kapansanan, kababaihang minamaltrato na naghihintay lamang sa mga may mabubuting kalooban upang magpahatid ng tulong.

No comments: