Thursday, September 01, 2016

MGA MAGULANG SA ANAK

Kapag nakapagpalaki ka ng isang anak na may malasakit at may inaakong obligasyon sa inyong pamilya, mapalad ka na dahil sa panahon ngayon, bihira sa mga kabataan ang maka-pamilya. Karamihan sa kanila ay mahilig sa barkada at paglalaboy, at mas gusto nilang pagbutihin at intindihin ang kanilang sarili.  Kapag nakatapos sa pag-aaral ang isang bata at nakakuha ng trabaho, ang kadalasang unang iniisip nila ay ang pagbigyan naman muna ang sarili na ibili ng mga gamit, damit, sapatos, alahas, at kung anu-anu pa. Kaya magpasalamat tayo kapag ang anak natin na nang makakita ng trabaho ay ibinibigay niya ang mas malaking bahagi ng kanyang pera sa kanyang magulang. Swerte ng magulang kapag ang kanyang anak ay pinupunan ang malaking kakulangan ng kanilang pamilya sa halip na sarili niya.

Kung ang bata ay buwan-buwang nagbibigay kahit ang natitira sa kanya ay kaunti na lamang, kung alam naman natin na hindi kalakihan ang kanyang kinikita, lalo na’t alam nating baguhan pa lamang siya sa trabaho ay huwag na nating hanapan ng mas malaki. At huwag na huwag nating ikumpara sa ibang bata na nakapagbibigay ng malaki dahil hinding-hindi sila magkapareho ng kinalalagyan.  Unang-una, ang magulang ng ibang bata ay hindi katulad mong magulang na mapag-hanap.  Maaaring mas malaki nga ang kinikita ng ibang bata ay mas malaki naman ang pangangailangan ng inyong pamilya kaya huwag mong hamakin ang kayang ibigay ng iyong anak.

Unang-una ay hindi natin sila dapat obligahin na magbigay o tumulong upang makabawi sa ating ipinagpa-aral sa ating anak dahil tungkulin ng bawat magulang ang pagtapusin sa pag-aaral ang mga anak nila.  Oo dapat lang tumulong ang isang bata kapag nakikita niyang nangangailangan ang kanilang pamilya pero may kakayahan ba ang bata?  Kung ano ang kanyang nakakayanan ay ipagpasalamat natin at huwag nating sagarin at sobrahan.  Napaka-manhid naman ng isang magulang kung isusumbat nila ang ginastos sa pagpapaaral at hahanapan sila ng higit pa.  Hindi na nga maramdaman ng bata ang kinita niya sa kanyang pinagpagurang trabaho, ni hindi niya maintindi at masunod ang sarili dahil kulang na kulang na nga ang kanyang kinikita.

Tayong mga Filipino ay nasa ugali na ang magsilbi sa pamilya.  Maka-pamilya kasi tayo at walang masama dito.  Kaya kahit hindi tayo obligahin ng mga magulang natin ay tayo na mismo ang nagkukusa.  Pero hanggat maari, kung kaya naman natin ay hayaan na lang natin na paghandaan ng mga bata ang kanilang kinabukasan.  Iyun nga lamang, mayroong mga magulang na kapos din kaya hinahanapan nila ang kanilang mga anak.  Sana lang ay huwag nating itulak ang ating mga anak na sa kawalan ng magagawang paraan ay nakakapagdesisyon sila ng mali para lang malutas ang pinagdaraanan nilang mag-anak.

Mga magulang, magpasalamat na kayo kung ang inyong anak ay tumutulong sa inyong pamilya ngunit ituloy pa rin ninyo ang inyong pagtratrabaho hanggang kaya ninyo kahit mayroon kayong mga anak na tumutulong. Ituloy ninyo ang pagtratrabaho hindi na para sa mga bata kundi para na sa inyong mag-asawa dahil sa huli ay kayong mag-asawa lang ang magkasama.  Mga bata, matuwa kayo kapag hindi kayo obligadong buhayin ang inyong pamilya.  Masuwerte kayo dahil may mga magulang kayo na hindi kayo hinahanapan ng pagganti sa kanilang pagpapaaral sa inyo.  Kaya pilitin ninyong mapaunlad ang inyong kinikita upang sa panahong kayo na ang maging magulang ay ganito din ang inyong gagawin sa inyong mga anak.

Alex V. Villamayor
September 1, 2016

No comments: