Wednesday, August 31, 2016

PAGPAPAHAYAG BILANG ISANG MANUNURI

Kakambal ng demokrasya ay ang kalayaan sa pagpapahayag pero marami ang hindi nakakaunawa kung ano ba ang kahulugan ng kalayaan na ito?  Sa madalas na pagkakataon ay naaabuso ang kahulugan ng kalayaan.  Iilan lang ang totoong nakakaalam na kaakibat ng kalayaan sa pagsasalita ay ang responsibilidad.  Mas nakararami ang hindi alam ang kung ano ang resposibilidad o ang mga walang pakialam kung ano ang kanilang ipinapahayag.  Dahil kung mas marami ang responsableng tao ay hindi magkakagulo ang ating daigdig.  Kaya makikita, mababasa at madidinig natin ang mga tao kung gaano kadiretsahan, kasakit, kabastos kung bumatikos, pumuna at magpahayag.  Pero ang nakalulungkot dito, kung gaano sila ka brutal sa pagpuna sa ibang tao ay siyang todo-daing naman kapag sila ang binabalikan ng puna.

Walang mali kung punahin, ipahayag o pintasan mo ang iyong nakikita, naririnig, nararamdaman at nalalaman.  Walang masama kung ikaw ay manuri sa mga nangyayari sa iyong paligid.  Ang tanong ay kung anung uri ka ng kritiko.  Ang mali at masama ay kung ikaw ay nakakagawa ng kaguluhan at paninira sa paraan ng pagpapahayag ng iyong pagkritiko.  Kaya nga mayroong pamantayan ng tama at mali, moral o immoral, dapat at hindi dapat ay upang mapangalagaan ang tamang kalayaan sa pagpapahayag.  Magandang halimbawa ay ang politika at gobyerno dahil ito ang madalas na pinag-uusapan.  Hindi dahil ang sinasaloob mo ay puno ng galit sa gobyerno ay maaari mo na itong sabihin nang buong galit.  Hindi dahil ang pakiramdam mo ay kailangan mong sabihin ang nalalaman mong katotohanan ay magagawa mo itong nang walang pasintabi kahit makasira ka.   Hindi na kalayaan ang tawag dito kundi kasuwapangan na dahil ang sarili mo na lamang ang iyong tinitingnan, iniintindi at pinapahalagahan.

Naging oposisyon at kritiko din ako pero hindi naman ako katulad ng ibang kritiko ngayon na naging masakit, brutal at matalim sa pagpuna sa mga nangyayari sa gobyerno at politika.  Naging kritiko ako ng administrasyon ni PGMA pero hinding-hindi ko siya tinawag na “pandak”, “swapang” o inakusahang “magnanakaw” Inaamin ko na marami akong ikinalungkot at ikinagalit na pangyayari nuong panahon ng pamumuno ni PGMA dahil kabi-kabila ang mga kontrobersiya at iskandalo nuon pero wala akong masasakit, mapanlait na mga salita at katawagan na isinulat at ipinahayag ko.  Hindi ako brutal magkritisismo dahil hindi ganuon ang uri ng aking pananalita, kaugalian, pagsusulat at ng pagkatao.   Kung may mga puna ako sa administrasyon ni PGMA, kuntento na naipahayag ko ang saloobin at ang gusto kong sabihin na sa abot ng aking makakaya ay nahanapan ko ng mas diplomatiko, disente at makatao na salita.

Samantalang karamihan sa mga batikos ng ordinaryong mamamayan na nababasa ko sa social media na sa kasamaang-palad ang ilan ay mga kaibigan, kakilala o kamag-anak ko pa man din ay kayang-kayang tawagin si PNoy ng “panot”, “abnoy/abno” o “bading”.  Kapag kaminsan naman o kaya ay ang ilan sa mga gabinete niya ay tinatawag na “dimonyo”, “tang ina”, ‘hayop”, “mamatay na sana kayo” at iba pa.  Hindi ba’t napakasagwang mabasa ang mga ito?  Sa etiketa ng pagsusulat, at sa pagka-tao na rin, nakakababa ng uri ang mga ganitong panulat.   Nakakalungkot na nawawala na ang tunay na diwa ng tamang pagsusulat at pagbibigay ng saloobin.  Hanggang ngayong si DU30 na ang pangulo, nakakalungkot na nagkalat pa rin ang ganitong uri ng pagbatikos.  Sila-sila pa ring mga tao ang maingay sa social media.  Wala pa rin yung sinasabing pagbabago dahil ganuon pa rin ang mga tao, wala pa ring pinagbago ang dating maruming politika dahil sila-sila pa rin ang panay na panay sa pagsambulat ng galit, pananakit ng damdamin ng ibang tao, pagyurak sa pagkato ng kanilang kapwa at paglalantad ng madilim na sikreto ng kapwa upang mapabagsak ang mga kalaban. 

Kung minumura, isinusumpa o kinukutya mo ang sariling Presidente mo, sa palagay mo ba ay kalinisang-budhi pa rin ito, naayon pa ba ito sa tamang-asal o katuruan pa ito sa relihiyon mo ito?  Upang gamiting dahilan ang nararamdamang galit para makapagmura at makapanglait sa pagpapahayag ng saloobin ay nangangailangan ng pusong-bato.  At kung nagawa mo ito sa Presidente mo, ano pa kaya ang kaya mong gawin sa sarili mong asawa, anak, magulang, kaibigan at ibang tao sa ngalan ng iyon nagpupuyos na galit?  Anong klaseng tao ka para magawa mo iyon.  Paano ka pinalaki at tinuruan ng mga magulang mo, at ano pa kaya ang ituturo mong kabutihan sa sarili mong anak?

Magkaiba ang paghahayag sa diyaryo, telebisyon, kalsada at social media.  Marami sa mga matatapang sa internet ay malakas lang ang loob dahil sa harapan nila ay may nakaharang na salamin na proteksiyon.  Ang iba ay nagtatago pa sa ibang katauhan upang hindi matunton ang kanyang mapagkakakilanlan.  Madaling magtago sa likod ng screen ng ating computer kaya maraming tao ang napakadahas sa pagtuligsa ngunit hatakin mo siya palabas ng kalye at iharap sa kanyang tinutuligsa ay hindi niya magagawa ng harap-harapan ang angas.  Hindi masama ang magkritiko basta ito ay nasa tama at mapapanindigan mo.

Ni Alex V. Villamayor
August 31, 2016

No comments: