Saturday, August 20, 2016

PABORITISMO

May isang karaniwan, simple, klasiko at praktikal na halimbawa ng pagiging double-standard na ugali ng tao ang nagpaalaala sa akin sa katauhan ng kakilala kong tawagin nating si Pedro.  Sa mainit na usapin ngayon sa politika tungkol sa mga salita ng Pangulo, dahil si Pedro ay kilalang tagsuporta ng kasalukuyang pangulo ay sinesegundahan at binigyang-hustisya niya ang mga salita ng Pangulo.  Yung pagbibitiw ng mga matatapang, masasakit at mabibigat na salita ay inaayunan niyang nararapat lamang dahil sa ito ay ang Pangulo.  Pero naalaala ko yung mga pagsalungat at pagbatikos niya nang ang nakalipas na Pangulo ay nagbibitiw ng mga matapang na salita at sinasabing kailangan maging halimbawa ang pangulo ng maayos at magalang na salita dahil ito ang Pangulo.  Na sabi’y hindi na dapat sinasabi ang mga ganuong salita.

Nuong ang dating Punong Mahistrado ay binatikos ng dating Pangulo, isa si Pedro sa hindi sumang-ayon sa pagkalaban ng dating Pangulo sa Korte Suprema.  Nunit ngayong ang kasalukuyang pangulo ay nag-akusa ng mga tiwaling Mahistrado at nakabangga ang kasalukuyang Punong Mahistrado ay ipinagtanggol niya ang Pangulo sa pagsasabing dapat lamang dahil ito ang Pangulo.  Nuong nakalipas na administrasyon, ayaw niya yung pag-atake sa pinalitang Pangulo ng dating Pangulo, ngunit ang pakikipaglaban ng kasalukuyang pangulo sa mga kalaban ay ipinagtatanggol niya.  Pero wala siyang masabi nang maipanalo ng nakaraang Pangulo ang usapin ng Pilipinas tungkol sa West Philippine Sea.  Pagpapatunay lamang ito na kapag may magandang nangyari sa mga taong hindi niya gusto ay hindi niya ito binibigyan ng pansin at papuri dahil ayaw niya itong palakihin.  Hindi ba’t kitang-kita ang kanyang pagiging may inaayunan, hindi patas at may paboritismo?

Biased, siya yung tao na kapag kanya ay positibo ang kanyang reaksiyon ngunit kapag hindi kanya ay negatibo.   Tama ang kanyang mga ginawa at kaalaman, maganda ang kanyang mga pag-aari, at mabuti ang lahat ng para sa kanya ngunit ang mga hindi niya gusto at ang mga ayaw niya ay wala ng puwang para maging tama at kaaya-aya.   Nakakalungkot na maraming tao ang biased at mayroon sa ating mga kamag-anak o kaibigan ang ganito.  Makikita mo naman sa maraming pagkakataon na kapag mayroon silang nakitang kapintasan at kamalian sa isang tao o bagay na hindi nila gusto ay mabilis nilang ipinapaalam yun sa kwentuhan at maging sa social media.  Yung kahit hindi sigurado, yung kahit halatang gawa-gawa lamang ay hindi na sila magdadalawang isip na ikalat agad iyun dahil ang gusto nila ay masira ang tao o bagay na hindi nila gusto.  Ito ang dahilan kaya napakagulo ng ating ginagalawan.  Dahil sa dami ng ganitong mga tao ay nagkaroon ng pagdumog na mentalidad at gaya-gaya na pag-iisip kaya napakabilis kumalat ang mga malisyoso at maling balita.

Ang baised na tao ay mataas ang tingin sa sarili.  Iwasan natin sila dahil hindi tayo makakausad sa pakikipagdiskusyon sa kanila.  Iwasan natin sila dahil sila ang tao na hindi makakapagpasya ng patas dahil ang titingnan nila ay ang sarili nilang kaalaman, karanasan at pamantayan kaysa sa mga nakalatag na ebidensiya.  Sila ang tao na hindi mo maaasahan ang sinseridad sa pakikisama dahil sarili at sarili pa rin nila ang kanilang pinapahalagahan.

Ni Alex V. Villamayor

August 20, 2016

No comments: